Natiyempuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang TV5 executive na si Perci Intalan noong Sabado, April 27, sa presscon ng Tropang Kulit, ang bagong gag show ng TV5 na pinangungunahan ni Gelli de Belen.
Ginanap ang presscon sa Big Red Barn Fun Ranch sa Tiendesitas, Pasig City.
Sa naturang event ay hiningan namin ng pahayag ang Creative and Entertainment head ng Kapatid network tungkol sa nabanggit kamakailan ni Marian Rivera na noong manager pa niya si Popoy Caritativo ay may lumalapit na taga-ibang network para kunin ang kanyang serbisyo.
Ngayong ang Triple A na ni Mr. Tony Tuviera ang namamahala sa career ni Marian, mas lalong dumarami ang espekulasyon ng posibilidad na paglipat ng aktres sa ibang TV network kapag natapos na ang kontrata niya sa GMA-7 sa August.
(CLICK HERE to read related story.)
Kasali ba ang TV5 sa nabanggit na ito ni Marian?
Sagot ni Perci, “Well, hindi naman… hindi official.
“Pero siyempre, sino ba naman ang hindi gustong makipagtrabaho kay Marian?
“So we are definitely interested to work with her.
“Tapos siyempre, may connection kami both kay Popoy and to Marian herself, because, hindi ba, si Martin ay katrabaho namin na managed by Popoy?”
Ang tinutukoy ni Perci ay si Martin Escudero na dati ring talent ni Popoy.
Patuloy ng TV5 executive, “And si Marian, yung si Direk Mac [Alejandre] at iba pang production staff sa TV5 ay malapit din naman kay Marian, e.
“In fact, si Direk Mac during his… I don’t know kung birthday o sa taping ng Nandito Ako, hindi ba nga ay itinatanong niya si Marian? So, may contact din kami…
"So, yeah, bukas na bukas ang pinto namin para kay Marian siyempre to want to work with her.”
Ano ang magiging epekto sa TV5 kung sakaling makuha nila ang serbisyo ni Marian?
Saad ni Perci, “Well, kahit na sinong makatrabaho ni Marian—especially sa dami na ng nagawa niya sa industriya, bukod sa laki ng pangalan niya, di ba, at sa talent niya—will be blessed to work with her.
“Sa narinig namin, napaka-professional niya… those people who worked with her.
“And they say na kapag mayroon siyang project ay talagang todo-bigay siya, todo-buhos siya.
“So, kaya welcome na welcome siya sa TV5.”
Patuloy niya, “Actually, lahat naman ay welcome na welcome sa TV5, e, lalo na iyong kasing-galing at kasing-talented niya.
“Lahat naman kasi ng artista ay ganyan ang philosophy namin, e.
“Ang mga kontrata naman, nagsisimula, natatapos. So, you’ll never know kung sino ang may tsansang makakatrabaho mo.”
OGIE ALCASID & LOVI POE. Kinuha rin ng PEP ang pagkakataon upang usisain si Perci hinggil sa latest development ng napapabalitang paglipat sa TV5 ng dalawa pang Kapuso stars—sina Ogie Alcasid at Lovi Poe.
Si Ogie ay magtatapos na ang kontrata sa GMA-7 sa June, at si Lovi naman ay natapos na ang kontrata sa naturang network.
Parehong talents ni Leo Dominguez sina Ogie at Lovi.
Sabi ni Perci, “Well, you know, sana ay may pagkakataon kaming magkatrabaho.
“Pero nakatrabaho na namin si Ogie as a composer, nag-compose ng kantang ‘Never Say Goodbye’ at saka siya rin ang nag-perform.
“Si Lovi, hindi pa rin namin alam. Pero we are hoping, we are hoping na mayroong chance.
“Kasi wala naman talagang final unless i-announce na, di ba? And sometimes, final na, pero hindi lang mai-announce.
“Pero sana, we hope na we have a chance to work [with these stars].”
Sa taong ito, mayroon kayang bagong big stars na makukuha ang TV5?
“Sana, sana… ang maganda lang naman kasi sa industry natin ay umiikot lang ang mga artista, e.
“Basta kami, sabi ko nga, ang philosophy namin ay bukas ang pinto. Wala naman kaming pinipili, hindi ba?
“Ang importante ay may talent, may drive and willing to do new things, okay kami to work with anybody.”
Lastly, aware ba si Perci sa sinasabi ng ilang fans at netizens na ang ibang big stars na nakuha ng TV5 noon ay parang sayang lang daw, kaya sana kapag kukuha sila ng bagong stars ngayon ay iyong talagang “big stars” at “hot” sa fans—tulad daw ng level nina Marian Rivera at Angel Locsin?
Tumawa muna ang TV5 executive bago sumagot.
“Well, siyempre ay may mga opinyon na depende kung fans nino.
“But at the end of the day, ang maipapangako namin ay iyong mga project na hindi pa nila na-try before.
“Kasi kami, kami iyong pinakapuwedeng magbigay nun, e—mga project na kakaiba na gagawin para sa kanila.”