Ai-Ai delas Alas confirms split from husband Jed Salang; cites physical abuse and third party as reasons

Emosyunal na inamin ni Ai-Ai delas Alas na nakipaghiwalay na siya sa asawang si Jed Salang pagkalipas lamang ng isang buwan mula nang ikasal sila. Ayon kay Ai-Ai, akala niya ay kilala na niya ang pagkatao ng lalaking pinakasalan niya ngunit nagkamali raw siya.


Isang buwan pa lamang ang nakararaan pagkatapos ikasal ng komedyanang si Ai-Ai delas Alas sa businessman na si Jed Salang noong April 3 sa Las Vegas, ngunit ngayon ay kumpirmadong hiwalay na ang dalawa.

Ito ay inamin ni Ai-Ai sa emosyunal na panayam sa kanya ni Boy Abunda sa taped interview niya sa The Buzz kahapon, May 19.

Bagamat itinago nina Ai-Ai at Jed noong una ang kanilang pagpapakasal sa Las Vegas—na unang naibalita dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal)—inamin din nila ito sa panayam sa kanila ng The Buzz noong April 14.

(CLICK HERE to read related story.)

Ngunit pagkalipas lamang ng mahigit isang buwan, muling humarap si Ai-Ai sa Sunday showbiz talk show ng ABS-CBN upang ilahad ang kanyang masaklap na karanasan sa piling ng lalaking pinakasalan niya.

NOT A FAIRY TALE. Tanong ni Boy kay Ai-Ai: Sa pagkakataong ito, ano ang gusto niyang sabihin?

"Actually, Ama [tawag ni Ai-Ai kay Boy, na siya rin niyang talent manager], hindi ko nga alam kung paano ko sisimulan.

"Alam mo ang buhay ko, parang isang panaginip na masama—tapos nagising ako na, grabe, totoong buhay pala ang nangyari sa akin."

Sa umpisa pa lang ng panayam ay malungkot na si Ai-Ai at hindi na niya napigilang maiyak.

Pagpapatuloy ng komedyana, "Actually, Ama, buong... actually hindi naman buo. Siyempre, may masasayang moments din naman kami.

"Pero the rest ng pagsasama namin—one year and three months—itinago ko yung lahat ng pangit.

"Kasi, alam mo yung gusto kong mabuhay ng parang fairy tale?

"Kapag sa Instagram, parang masaya kami. Happy kami.

"Kasi, yun ang gusto kong mangyari. Yun ang gusto kong mangyari.

"Yun ang gusto kong isipin. Yun ang gusto kong mangyari na kaming dalawa.

"Pero na-decide ko noong May 2... actually, second na yung pag-aaway namin nang hindi maganda, pero na-decide ko yung May 2 kasi parang hindi ko na kinaya ang lahat."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang ibig niyang sabihin sa "fairy tale"?

Sagot ni Ai-Ai, "Yun lang naman ang gusto ko—yung magkaroon ng kasama sa buhay kasi malalaki na ang mga bata.

(May tatlong anak si Ai-Ai—si Sancho mula sa isang dating karelasyon; at sina Sofia at Nicolo mula sa dating asawa na si Miguel Vera.)

"Yung meron akong kausap, magmamahal. Yun lang naman ang gusto ko.

"And parang nahihiya akong aminin na hindi naman talaga ganun ang nangyari sa amin."

Ibig sabihin, itinatago niya ang hindi magagandang nangyayari dahil nahihiya siya?

Umiiyak na sabi ni AiAi, "Pinuproteksyunan ko si Jed. Ayokong makita ng mga anak ko na nasasaktan ako.

"Masakit kapag alam nilang nasasaktan ako."

THE CONFIRMATION. Diretsong tanong ni Boy kay Ai-Ai: Kumpirmado bang hiwalay na sila ng asawang si Jed?

"Oo, Ama, noong May 2," pag-amin ng aktres.

Ayon pa kay Ai-Ai, nagkaroon na sila ng pagkakataong magkausap ni Jed mula nang maghiwalay sila noong May 2.

"Nagkausap kami, pinuntahan niya ako, sinurprise [surprised] niya ako noong nasa Salon de Manila ako.

"Bigla siyang dumating."

Ano ang nangyari?

"Wala, kinulong niya ako sa banyo. Pero humingi ako ng tulong sa mga friends ko.

"Kasi, may trauma na ako sa kanya. Anything na like phone, ring ng phone, pangalan niya, hindi ko kayang tingnan.

"Hindi ko kayang... wala. Hindi ko kaya."

Bakit hindi niya kaya?

Tugon ni Ai-Ai, "Siguro nandoon yung takot, galit... sabay-sabay.

"Kasi Ama, meron siyang isang friend dati, siguro mga three months pa lang kami.

"Siguro naawa siya sa akin o nakonsensiya, sinabi niya sa akin na may balak si Jed na... papatulan lang ako ni Jed and later on... ayokong sabihin ang word.

"And later on, kapag nagawa na niya ang bagay na yun, iiwan na niya ako at may kakasamahin siyang iba."

Nalaman din daw ni Ai-Ai na ang kakasamahin ni Jed ay ang ex nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noon ko nalaman, pero ngayon ko na-confirm."

Bakit niya pinaniwalaan ang kaibigan ni Jed?

Paliwanag ni Ai-Ai, "Alam ko kasi, from the very beginning, ramdam ko naman yun. Kaya lang, natatakot ako.

"Natatakot ako sa totoo at kapag nalaman ko ang totoo, sobrang sakit."

THE APOLOGY. Nabanggit ni Ai-Ai na umpisa pa lamang ay naramdaman na niya ang "totoo." Bakit hindi siya kumalas?

"Kasi mahal ko si Jed," umiiyak na sagot niya.

"Kasi mahal ko yun. Akala ko siya na. Akala ko siya yun.

"Siyempre ako, di ba, alam mo naman na dream ko na magkaroon ng asawa? Akala ko siya yung bigay sa akin.

"Siyempre, tao lang naman ako na nagkakamali. Hindi ko alam na magiging ganoon ang buhay.

"Sorry talaga... sorry, hindi ko sinasadya."

Kanino siya nagso-sorry?

"Sa sarili ko, sa mga anak ko.

"Pati sarili ko, niloko ko. Pinapaniwala ko na masaya ako, pero hindi ko kaya.

"Hindi naman ako sinungaling, Ama. Alam mo naman yun.

"Never naman akong nagsinungaling sa buhay ko."

PHYSICAL FIGHT. Sa puntong ito, isinawalat na ni Ai-Ai ang mga dahilan kung bakit siya nagdesisyong makipaghiwalay na nang tuluyan kay Jed.

"Kasi, tuwing mag-aaway kami, physical fight."

Lumalaban ba siya?

"Oo, Ama, siyempre malaki naman ang kalaban ko, di ba?"

Lahad pa ni Ai-Ai, "Noong May 2, ang pinag-awayan talaga namin, gusto niya mag-monthsary kami sa casino.

"E, ayoko nang mag-casino siya, kasi hindi naman na healthy para sa kanya at hindi rin naman maganda para sa akin na nakikita ako sa casino.

"So, sinabi ko sa kanya. Doon na lang kami sa bahay o any hotel. Huwag lang doon na may casino.

"Nagalit siya at napunta na naman kami sa physical fight."

Anong klaseng physical fight?

"Physical fight, hinahagis ako sa kama.

"Sampalan, bunuan... e, noong araw na yun, kasi parang feeling ko, yung time na hinila niya ako sa sahig at kinaladkad niya ako, parang feeling ko, hindi ko na ito kaya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Parang feeling ko, kabibigay ko pa lang ng dream niya. Ibinigay ko sa ’yo ang makakapagpaligaya sa ’yo.

"Binigyan ko siya ng kotse and noong araw na yun, kinaladkad mo ako sa sahig.

"Parang pakiramdam ko, ’Ano pa ba ang magagawa mo sa akin habang lahat, naibigay ko na sa ’yo?’"

Napu-provoke ba niya si Jed kaya umaabot sa pisikalan ang away nila?

Sagot ni Ai-Ai, "Kasi, Ama, kaya kami nagkakasakitan, kapag inaambaan ako ni Jed, nanliliit ako."

Noong mag-away sila noong May 2 at inambahan siya, ano ang pinag-uusapan nila?

"Pinagbibintangan ko raw siya na magsusugal siya.

"E, ang feeling ko naman, ano naman ang gagawin namin ng three days sa isang hotel casino?

"So, doon nagsimula ang gigil niya sa akin."

Ano ang eksaktong ginawa ni Jed sa kanya?

"Ayun, hinila niya ako, pero tinapon niya muna ako sa kama.

"Pero kinuha ko ang rosary para hindi na ako lumaban, hindi kami magkasakitan, and medyo may sinabi siya doon na hindi..."

Ano ang sinabi ni Jed?

"Huwag na lang, Ama, because this is about my faith," pakiusap ni Ai-Ai.

Sa puntong ito ay muling napaiyak si Ai-Ai at saka sinabing, "Parang yun na nga lang ang nakakapagbigay sa akin ng lakas, e. Yun..."

Doon siya tumakbo?

"Hindi, pinalabas niya ako ng kuwarto habang hawak-hawak ko ang rosaryo. Nagtago na lang ako sa kuwarto ni Sophia [isa sa mga anak ni Ai-Ai]."

THE MAN SHE LOVED. Hindi ba natatakot si Ai-Ai na posibleng ang nangyaring ito ay kagaya lang ng mga nakaraang away nila na kapag nagkita sila ulit ay mababago na ang isipan niya?

Umiiling na sabi ni Ai-Ai, "Hindi, kasi parang naramdaman ko na, ’Ito ba ang lalaking mamahalin ko na ginaganito ako?’"

Hindi ba naglaro sa isipan niya kung ano ang sasabihin ng mga tao, mga anak niya, at maging ng sarili niya na ang gusto niya ay "fairy tale"?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon naman kay AiAi, "At least ngayon, hindi ko na niloloko ang sarili ko.

"Kinausap ko naman si Sancho. Sabi ko, ’Laban ito ni Mama. Anything na maramdaman mo ang sakit, hindi ka lalaban, ako ang lalaban dito.’"

Tinanong ni Boy si Ai-Ai kung mahal pa rin nito si Jed.

Pag-amin naman ni Ai-Ai, "Oo, Ama, mahal ko siya.

"Pero from May 2, sa lahat ng nalaman ko, napalitan yun ng galit at pagtataka kung bakit niya nagawa yun."

Paano kung may magsabi na baka paranoid lang siya o nag-iimbento ng kuwento?

Sagot ni Ai-Ai, "Na-confirm ko na ang lahat, e. Na totoo lahat ng pakiramdam ko.

"Siguro, alam ko naman na ide-deny nila. Pero kahit i-deny niya, i-deny nila sa buong mundo, hindi nila puwedeng i-deny kay God.

"Alam ni God ang pinagdaanan ko at alam nila kung ano ang ginawa nila sa akin."

Inamin ni Ai-Ai na may kinalaman sa third party ang pakikipaghiwalay niya ngunit ayaw na niyang idetalye pa ito.

Bukod dito, ano pa ang nakapagdesisyon sa kanya upang umayaw na sa relasyon nila ni Jed?

"Siguro naman, Ama, walang may gusto na habang nagsasama kayo, may sakitan, wala nang respeto sa isa’t isa.

"Yung pagkatao niya, ngayon ko lang nakilala," sabi ni Ai-Ai.

Bakit nga ba hindi muna niya kinila ang lalaking pinakasalan niya?

Sabi naman ni Ai-Ai, "Akala ko nga kilala ko na siya.

"Sa isang taon at three months, akala ko kilala ko na siya. Meron palang ganoon."

Sa palagay ba ni Ai-Ai ay mahal o minahal siya ni Jed?

Sa puntong ito ay halos nag-breakdown na si Ai-Ai at sumagot: "Sa lahat ng nalaman ko, tingin ko, hindi. Kahit kailan, hindi."

Sa marriage vows nila ay sinabi ni Jed na mahal na mahal niya si Ai-Ai; sinagot naman ito ni Ai-Ai na kung saan siya iniwan ni Jed ay doon siya madaratnan nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang gustong sabihin ni Ai-Ai sa nangyaring ito?

"Tinray ko na isapuso [yung marriage vows]. Pero siguro, depende yun sa naging asawa mo.

"Nag-iba si Jed after the marriage. Naging mas lalong malala ang pagsasama namin.

"So, may mga bagay na kahit gusto mong kayanin, hindi ko na kaya."

May plano ba siyang mag-file ng divorce?

"Yung divorce, Ama, bahala na ang lawyer ko. Mga legalities, bahala na ang lawyer ko."

MESSAGE TO HER CHILDREN. Napapanood siya ng mga anak niya, ano ang gustong iparating ni Ai-Ai sa mga ito?

"Kay Soph, kasi gusto noon ng buong pamilya.

"E, noon ko pa sinabi sa kanya na baka hindi talaga yun para sa akin. So, I’m sorry...

"Sa mga anak ko, I’m sorry kasi noon pa naman, dapat talagang okay na ang pagmamahal nila. Okay na ang pagmamahal namin sa isa’t isa.

"Kami-kami na lang.

"And I’m sorry, nakikita ninyo si Mama nila na nasasaktan.

"Kagaya ng sinabi ko, hindi ko naman sinasadya, nagmahal lang naman ako.

"Gusto ko lang naman na namnamin yung vows ko at yung kasal ko.

Dugtong pa niya, "At sa lahat ng taong nagmamahal sa akin, minsan po talaga luka-luka ako. Pagpasensiyahan ninyo na.

"Minsan nagkakamali. Tao lang ako at lahat naman ng tao, I think, lahat naman ng babae, yun lang ang pangarap—maikasal.

"Pero hindi rin, wala na talaga, e."

May nais ba siyang sabihin kay Jed?

Patuloy sa pag-iling si AiAi at saka sinabing, "Wala na."

Ano ang kanyang dasal ngayon?

"Noong hindi ko pa alam ang lahat ng totoo, sinasabi ko kay God, ’God, ipagtanggol Mo naman ako. Hirap na hirap na ako.’

"Pero ngayon, ang dasal ko, ’Thank you. Salamat at nakakawala na ako. Thank you, Lord. Thank you talaga. Sobrang thank you.’

"Hindi nawawala ang pasasalamat ko. Feeling ko, hindi Niya ako iniwan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa araw-araw, marami akong nalalamang totoo.

"Sobrang pasasalamat ko lang. Hangga’t maaga, nakakawala na ako.

"Thank you Lord, Salamat."

Nang matapos ang panayam ni Boy kay Ai-Ai, wala pa rin itong tigil sa paghagulgol.

Ipinakita rin ang paglapit at pagdamay ng anak nitong si Sancho sa ina.

Dito mas lalong humagulgol si Ai-Ai habang yumakap sa anak at ilang beses binigkas ang salitang "sorry."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN