PEP EXCLUSIVE Willie Revillame on resigning from Wowowillie: "Kailangan ko ng break kasi parang na-drain ako. Na-burnout ako."

Ang hotel na ipinapatayo ni Willie Revillame sa Tagaytay City at ang construction ng kanyang Wil Tower Mall sa Quezon City, na malapit nang magbukas sa susunod na buwan, ang pagtutuunan daw ng TV host ng pansin habang naka-sabbatical siya sa showbiz.


Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Willie Revillame dalawang oras pagkatapos ng announcement niya sa Wowowillie kanina, May 21.

Nag-resign na si Willie bilang host ng kanyang programa at tinanggap na raw ni TV5 Chairman Manny V. Pangilinan ang resignation niya.

Ayon kay Willie, nagdesisyon siyang i-announce ang kanyang resignation para matapos na ang mga espekulasyon na hindi na raw ire-renew ng TV5 ang kontrata niya bilang producer at host ng Wowowillie.

May 17, Biyernes, nang ipadala ni Willie ang kanyang resignation letter kay MVP, at kaninang umaga ay natanggap na raw niya ang sagot ng chairman ng TV5.

Binasa ni Willie sa PEP ang resignation letter niya kay MVP, na naglalaman ng taus-pusong pasasalamat sa management ng TV5 dahil sa pagtitiwala na ibinigay sa kanya.

Ngayong hapon naman ay naglabas ang TV5 ng maikling pahayag kaugnay ng pagre-resign ni Willie: "We respect the decision of Willie Revillame to retire upon the expiry of his contract."

BURNOUT. Siyam na taon nang main host si Willie ng kanyang programa, na dating napapanood sa ABS-CBN, kaya hindi maiwasan na makaramdam siya ng burnout.

Kahit noong bagong lipat pa lamang siya sa TV5, madalas sabihin ni Willie ang balak na pagpapahinga sa showbiz para asikasuhin ang kanyang mga negosyo at i-enjoy ang mga pinaghirapan niya.

Sabi niya sa PEP kanina, "Kailangan ko ng break kasi parang na-drain ako. Na-burnout ako.

"May time na papasok na naman ako, pero nawawala [ang pagod] kapag sumisigaw na ang matatanda [studio audience]. Nawawala...

"Saka nagpapatayo ako ng hotel sa Tagaytay. Parang gusto ko na pirmi ako doon.

"Binabantayan ko ang mga karpentero, kasama ko na kumakain. May time na ganoon."

Tatapusin na lang daw ni Willie ang kanyang kontrata sa TV5 sa Oktubre.

Aniya, "Kasi hanggang October 15 pa ako sa TV5, five months pa. Marami pang pagbabago ’yan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ako, I sent a letter, sinabi ko lang I was drained...

"Fifty-two years old na ako. Gusto ko naman na i-enjoy ang mga pinaghirapan ko.

"Aanhin ko naman ang mga naipon ko kung magkakasakit naman ako dahil sa stress?”

Ang hotel na ipinapatayo niya sa Tagaytay City at ang construction ng kanyang Wil Tower Mall sa Quezon City, na malapit nang magbukas sa susunod na buwan, ang pagtutuunan daw ni Willie ng pansin habang naka-sabbatical siya sa showbiz.

Wala rin daw dapat ipag-alala ang production staff ni Willie dahil nangako ito na hindi niya pababayaan ang mga tauhan na loyal sa kanya.

May plano rin siyang magkaroon ng U.S. tour, kasama ang production staff ng Wowowillie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN