(UPDATED) Vice Ganda reveals going through depression despite successful career

Inamin ni Vice Ganda na dumaan siya sa depression kaya lumiban siya sa It’s Showtime nang walang paalam. Ito ay dahil daw sa kabila ng tagumpay na tinatamasa niya sa kanyang career ay hindi naman niya kapiling ang kanyang pamilya. Kaya isang araw raw ay sinundo niya ang kanyang lolo sa La Union, makalipas ang ilang buwan pagkatapos niyang pangakuan ito.


Emosyunal si Vice Ganda nang muli siyang pumasok sa It’s Showtime kahapon, May 28, matapos ang ilang araw nitong pag-absent.

Ayon sa ulat ng abs-cbnnews.com, pagkatapos ng opening number nila sa programa ay nagsalita si Vice. Humingi siya ng paumanhin sa mga executives ng ABS-CBN dahil sa pagliban nito sa show nang walang paalam.

Aniya, “Gusto ko lang hingin ang pagkakataon na ito na mag-apologize sa madlang people. Ipagpaumanhin n’yo po na matagal ako nawala.

"Gusto ko rin humingi ng paumanhin kay Ma’am Charo [Santos-Concio], kay Tita Cory [Vidanes], kay Sir Deo [Endrinal], kay Direk Bobet [Vidanes], kay Boss Gabby [Lopez], kay Sir Riley, sa GGV [Gandang Gabi Vice] family ko dahil ako’y nawala nang walang paalam.”

Taliwas daw kasi sa mga papuri at tagumpay na kanyang natatanggap, inamin ng komedyante na inatake siya nitong mga nakaraang araw ng matinding depression dahil naisip niyang parang wala siyang mapag-alayan ng kanyang natamong tagumpay.

Dagdag pa niya, “These past few weeks, nilamon ako ng depression na hindi ko ho maintindihan. So natulog ako.

"Paggising ko, malungkot pa rin ako kaya hindi ako nakapasok sa It’s Showtime.

"Inisip ko, ’Bakit ba ako nalulungkot?’ Iyak lang ako nang iyak.”

VICE GANDA’S LOLO. Inamin din ni Vice na nakaligtaan niya ang kanyang pamilya dahil subsob ang kanyang panahon sa pagtatrabaho.

At sa kabila ng mga tagumpay na tinatamasa niya—blockbuster movies, hit TV shows, successful concert, at awards—ay hindi pa rin daw siya masaya.

Saad ni Vice, “Tumitingin ako sa paligid ko, lahat nagko-congratulate sa akin kasi sobrang successful ko.

"Pero bakit hindi ako masaya? Bakit ang lungkot-lungkot ko ilang linggo na?

"Tapos tiningnan ko ang paligid ko, tapos na-realize ko, wala pala akong kasamang pamilya.

"Sabi ko, ’Nasaan na yung nanay ko, yung lolo ko, yung mga kapatid ko?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa sobrang tutok ko pala sa trabaho ko, kung paano ako magiging successful, kung paano ako magiging magaling, mayroon pala akong pamilyang napabayaan na hindi ko napansin wala na sa tabi ko.”

Isang araw, nagmadali siyang pumunta sa kanilang probinsiya sa La Union upang sunduin ang kanyang lolo na naghihintay raw sa kanya Marso pa nitong taon.

Sabi ni Vice, “Hindi ako nagpaalam sa ABS, bigla na lang akong nawala kasi naramdaman ko nung oras na iyon, kailangan kong gumawa ng paraan para makuha ko ulit ang pamilya ko.

"Dumiretso ako ng La Union, sinundo ko ang lolo ko.

"Yung lolo ko na pinangakuan ko na... sabi ko after ng birthday production number ko sa Showtime, susunduin ko siya.

"March 31 iyon. Ano’ng date na?

"May 18 na nung na-realize ko na hindi ko pala nagawa yung ipinangako ko sa lolo ko.”

Nadurog daw ang pakiramdam ni Vice nang pagdating niya sa bahay ng kanyang lolo ay nakita niya ang isang bag na naka-impake na at siya na lang ang hinihintay.

Kuwento niya, “Iyak lang siya nang iyak, nakayakap siya sa akin.

"Sabi ng tiyahin ko, ‘Alam mo ba, nung sinabi mo sa Showtime na susunduin mo siya after ng birthday mo, nagpapitas siya ng mga manggang hilaw.’ Kasi iyon daw ang pasalubong niya sa akin.

"Nahinog ang manggang hilaw, nabulok, ipinatapon niya. Sabi niya ipitas daw ulit kasi ’dadating na si Totoy.’

"Pumitas sila ulit tapos nahinog ulit, nabulok ulit, ipinatapon niya ulit.

"Sabi ng tiyahin ko, ‘Pipitas pa ba natin ulit?’

"Sabi daw ng lolo ko, hindi na, kasi tinanggap na niya sa sarili niya na ’hindi na ako susunduin ni Totoy.’”

FAMILY FIRST. Napagtanto na raw ni Vice ngayon na importante ang pamilya sa buhay.

Sabi niya, “Kaya bakit ho ako nawala? I missed Showtime, the madlang people, but I cannot miss the chance para mapuntahan ko ulit ang pamilya ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sorry kung napabayaan ko ang trabaho ko, pero gusto ko rin namang huwag mapabayaan ang pamilya ko kasi nagtatrabaho ako nang husto, kahit hindi ako makatulog, kasi gusto ko mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko—hindi ng magandang libing.”

Ngayon daw na pakiramdam niya ay kumpleto na siya, mas madali na para sa kanya na magpasaya ng ibang tao.

Sabi pa ni Vice, “Ngayon, ang saya-saya ko na ulit kasi kasama ko na ulit ang pamilya ko.

"Ngayon, I can really say I am successful.

"Kaya excited akong pumasok sa Showtime kasi feeling ko mas magaling ako ngayon, mas buo na ang puso ko, mas totoo na yung pagpapasaya ko.”

INSTAGRAM POST. Seven days ago, sa kanyang official Instagram account na praybeytbenjamin, nag-post si Vice ng litrato kasama ang kanyang lolo.

May caption ito na “....at nanumbalik ang ngiti ko.”

Kinabukasan, solo picture naman ng kanyang lolo ang kanyang ipinost na may caption na: “Nung bata pa ako lagi akong dinadala ng lolo ko sa McDo. Ngayon ako naman ang nagbili sa kanya ng filet o fish.” #preciousmoments"

Five days ago, nag-post si Vice ng larawan kasama ang kanyang lolo na nakaupo sa wheelchair. May caption naman ito na: “Yesterday he wants to to to Boracay. Today he gets what he wants.” #preciousmoments"

Four days ago, nag-post si Vice ng larawan kasama ang kanyang lolo, nanay, at isang kamag-anak. Nakasulat dito: "The moment i can really say I AM SUCCESSFUL!!!!” #preciousmoments:"

Three days ago, nag-post naman siya ng litrato nila ng kanyang lolo na akay-akay niya sa beach. Nakasaad dito: “He guided me during my first steps. Now its my turn.” #priceless"

ISSUE WITH JESSICA. Samantala, nananatiling tahimik si Vice sa isyung nilikha ng "rape joke" niya tungkol sa broadcast journalist na si Jessica Soho noong nakaraang concert niya sa Smart Araneta Coliseum.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ginawa kasing subject ni Vice si Jessica sa isang comedy skit niya sa kanyang concert, kung saan ang senaryo ay kung paano raw kung naging bold star ang Kapuso newscaster.

Nag-react si Jessica sa birong ito ni Vice sa pamamagitan ng paglabas ng isang statement kung saan sinabi niya na hindi dapat gawing biro at materyal ang "rape" sa isang comedy concert.

(Read: Jessica Soho: "Rape is not a joke.")

Ngunit kaninang umaga ay nag-post si Vice ng ganitong mensahe sa kanyang Twitter account: "GANDAng umaga Unkabogables! Bumangon ka at ngitian mo sila. Yan ang pinakabonggang sandata."

Hindi malinaw kung ito ang sagot ni Vice sa mga batikos na natatanggap niya ngayon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN