FIRST READ ON PEP: Claudine Barretto’s personal assistant files theft complaint against her

Naghain ng reklamong "theft" ang dating personal assistant ni Claudine Barretto na si Dessa Cadelarion Patilan laban sa aktres sa Office of the City Prosecutor ng Marikina noong Setyembre 11, 2013.


Nakakuha ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng kopya ng complaint affidavit ni Dessa Cadelario Patilan, 19 taong gulang, laban sa aktres na si Claudine Barretto, 34.

Si Dessa ay ang personal assistant o P.A. ni Claudine, na ipinakulong ng aktres noong Mayo ng taong ito, sa reklamong pagnanakaw diumano ng kanyang mga alahas at mamahaling gamit na may kabuuang halaga na P8.5 million.

(Read: Claudine Barretto foils personal assistant’s alleged attempted robbery)

Isinumite ni Dessa ang kanyang limang-pahinang sinumpaang salaysay sa Office of the City Prosecutor ng Marikina noong September 11, 2013.

Sa sinumpaang salaysay ni Dessa, inaakusahan at inirereklamo niya ang dating amo ng paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code of the Philippines o Theft.

Ayon kay Dessa, ninakawan diumano siya ni Claudine ng kanyang mga gamit na may kabuuang halaga na P13,550.

Sa pagsasalaysay ni Dessa, naganap daw ang pagnanakaw sa kanya nang puntahan siya ni Claudine sa kuwartong kanyang tinutulugan sa bahay ng aktres, sa Loyola Grand Villas, nung gabi ng Mayo 10, 2013.

Kasama raw ni Claudine nung gabing iyon sina Michelle Barretto, Ma. Luisa Ponce Becher, PO3 Pelito Obligacion, PO3 Ibrahim Abdul, at PO1 Wilfredo Cahayag.

Dahil daw sa reklamo ni Claudine sa kanya na pagnanakaw, inutusan daw si Dessa ng mga pulis na ilabas ang kanyang mga gamit, na ginawa naman niya dahil wala raw siyang itinatago.

Nang mailatag na ang kanyang mga gamit sa isang mahabang mesa sa pool area ng bahay ng aktres, hindi na raw siya pumalag nang hinalughog nina Claudine at mga pulis ang kanyang mga gamit.

Pinunit pa raw diumano ang isang teddy bear na bigay daw sa kanya ng panganay na anak ni Claudine na si Sabina.

Ayon pa rin sa salaysay ni Dessa, sa puntong ito ay kinuha diumano ni Claudine ang nakakalat na wallet ni Dessa.

Kinuha raw ang ipon niyang pera na nagkakahalaga ng P10,700, mula sa suweldo niya bilang P.A. ni Claudine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Binigyan lamang daw siya ng P700, sabay sabi raw sa kanya ng aktres na, “Ayan, panggastos mo.”

Pati raw ang electronic tablet ni Dessa na nagkakahalaga ng P3,000 ay kinuha diumano ni Claudine. May laman din daw itong 4 gigabyte na memory card na nagkakahalaga naman ng P500.

Kinuha rin daw ni Claudine mula sa kanya ang sim card ng kanyang cell phone na nagkakahalaga naman ng P50.

Habang nagaganap ang pangyayari ay hindi raw nakapalag si Dessa dahil sa takot niya sa mga pulis na kasama ng aktres.

Sa pagsampa ni Dessa ng kasong "theft" kay Claudine, humihingi ito ng P13,550 bilang bayad sa danyos o damages sa kanya; moral damages na nagkakahalagang P50,000; exemplary damages sa halagang P50,000; at bayad sa abugado at paglilitis.

Pinirmahan ni Dessa ang kanyang sinumpaang salaysay sa harap ni PC Insp. Ramon B. Santos ng Admin Branch ng Marikina City Police Station.

Bukas ang PEP sa panig ni Claudine kaugnay ng reklamong ito ni Dessa laban sa kanya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN