Cristina Decena bent on pursuing case against mastermind of ambush attempt

Hindi raw titigil ang negosyanteng si Cristina Decena hangga’t hindi nakukulong ang mga nagtangkang pumatay sa kanya. Saad niya, “Dahil pinagtangkaan ang buhay ko, hindi pupuwedeng manahimik ako. Lalaban ako at hindi ako titigil hanggang hindi ko nakikitang nakakulong silang lahat. I want to teach them a lesson, maaaring mangyari pa ulit ito.”


August 14 nang himalang makaligtas si Cristina Decena sa tangkang pagpatay sa kanya.

Si Cristina ay ang businesswoman na naging girlfriend ni Phillip Salvador at napangasawa ng TV host-comedian na si Ariel Villasanta.

Katanghaliang tapat ng August 14, Miyerkules, nang dalawang riding in tandem ang pinagbabaril ang sinasakyan niyang Hyundai Starex.

Minamaneho ng kanyang anak na lalaki ang sasakyan nang dumaan sila sa may Banawe, Quezon City.

(Read: Businesswoman Cristina Decena recounts ambush attempt)

Noong Sabado, September 14, eksaktong isang buwan matapos ang nabigong pagpatay sa kanya, isang thanksgiving service ang ginanap sa penthouse unit ni Cristina sa Makati City.

Pinangunahan ito ni Pastor Leejay Teves ng Victory Church Christian Fellowship.

“Nagpapasalamat ako kasi pangalawang buhay na namin, ito,” paunang pahayag ni Cristina nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

“Noong time na pinagbababaril kami, habang nakakarinig ako ng mga putok, panay ang dasal ko na, ‘Diyos ko, huwag Mo kaming pabayaan.’

“Dalawampu’t apat na bala yung pumasok sa sasakyan namin, pero nagpapasalamat ako na nakaligtas kami ng anak ko.

“Isang malaking milagro ito para sa amin—napaka makapangyarihan talaga ng dasal at ng pananampalataya na hindi ka pababayaan ng Diyos.

“At natutunan ko sa nangyari na dapat pala mahalin mo ang buhay mo.

“At lagi kang mag-ingat para na rin sa mga mahal mo sa bahay at sa lahat ng taong umaasa sa iyo.

“Marami kasing taong umaasa sa akin, marami akong binibigyan ng trabaho.

“May pamilya akong sinusuportahan, kaya kung may mangyayari sa akin, papa’no na sila?”



TIGHT SECURITY. Todo ingat na ngayon si Cristina at may apat na siyang security escort na may suot na bulletproof vest kapag lumalabas.

Pati ang kanyang mga anak ay hindi na raw niya hinahayaang walang kasamang bodyguard kapag umaalis ng bahay.

Sabi ni Cristina, “Na-realize ko na kapag negosyante ka at lalo at nagpapautang ka rin ng pera, kailangang iingatan mo rin pala ang buhay mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi kapag hindi na sila makabayad, pagtatangkaan nila ang buhay mo para wala na silang utang, wala nang kaso, wala nang complainant.”

Nahuli ang dalawang riding in tandem na nagtangkang pumatay sa kanya, pero nakapagpiyansiya ang isa at pansamatalang nakalaya ngayon.

Yung isa naman, nakakulong pa rin dahil sa iba pang mga complainant na lumantad hinggil sa iba’t iba pang kaso na kinasangkutan nito dati.

Pero may pakiusap si Cristina sa mga kinauukulan.

Aniya, “Nananawagan ako sa lahat ng ating mambabatas. Sana ma-review nila ang batas tungkol sa attempted at frustrated murder.

“Kasi nagulat ako na itong nabigong pagpatay sa amin, e, bailable pala.

“Na yung ganitong nabigong pagpatay sa amin, e, nangyayari rin sa iba.

“At hindi ko lang ito laban, laban din ito ng marami pang nabibiktima ng karahasan.”



COURT CASE. Nagsampa na raw ng kaso si Cristina sa mga nagtangkang pumatay sa kanya at sa mastermind nito na may land-grabbing case din.

Bukod sa dalawang suspects na nakasuhan ng frustrated murder, nagsampa rin daw siya ng kaso laban sa hinihinalang mastermind ng tangkang pagpatay sa kanya.

Nasa Department of Justice na raw ang nasabing usapin.

“Meron kasing mga properties na ni-land grab niya sa amin,” pagtukoy niya sa pinagsususpetsahang nag-utos na ipapatay siya.

“Idinemanda ko sila ng falsification of documents at estafa.

“Kapag pala ganito na, imbes na lumaban nang patas, ang ibabalik sa iyo, bala.

“Para walang complainant sa kaso, para kapag patay ka na, sa kanila na yung property na nakamkam sa iyo.

“Ang maasasabi ko lang, dahil pinagtangkaan ang buhay ko, hindi pupuwedeng manahimik ako.

“Lalaban ako at hindi ako titigil hanggang hindi ko nakikitang nakakulong silang lahat.

“I want to teach them a lesson, maaaring mangyari pa ulit ito.

“Kaya ang gusto ko, mahinto na yung mga kasalbahihan nila, yung mga karahasan nila, na kapag may inagrabyado silang tao, tatakutin nila.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



FRIENDS’ SUPPORT. Ang dating asawa ni Cristina na si Ariel Villasanta ay nagpakita naman daw ng pag-aalala sa kanya. Tumawag daw ito sa kanya right after the shooting incident.

Kuwento ni Cristina, “Nangumusta siya, inalam kung okay lang daw ba ako.

“Marami namang nakisimpatiya na hanggang ngayon ay nagpaparamdam ng suporta nila sa akin.”



PHILLIP SALVADOR. Kaugnay naman ng kasong estafa na isinampa niya laban sa dating karelasyon na si Phillip Salvador, sinabi ni Cristina na hindi na niya nais ipagpatuloy ito.

“Pinatawad ko na siya doon, e, kaya kahit convicted siya, hindi na ako sumasagot, para ma-default ako at hindi na siya makulong.

“Kasi noong humingi siya ng tawad sa pamamagitan ng media, paanong hindi naman ako magpapatawad, di ba?

“Noong nalaman din niya through media na pinatatawad ko na siya, sa naging interview rin sa kanya ay nagpasalamat naman siya.

“Noong humingi naman siya ng tawad sa akin, tapos na kung anuman yung mga naging usapin sa pagitan naming dalawa.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN