Governor ER Ejercito to appeal disqualification; denies overspending allegation

Governor ER Ejercito raised objection to the decision of the Ist Division of Comelec to disqualify him as governor of Laguna for allegedly "overspending" during the campaign in the last election.

The governor denied the accusation during a unity mass held yesterday, October 2, at the Laguna Provincial Capitol. Earlier, he filed a motion for reconsideration before the Comelec en banc.


Isang special unity mass ang idinaos kahapon, October 2, sa Cutural Center of Laguna, sa loob ng compound ng Provincial Capitol, sa Sta. Cruz, Laguna.

Ito ay kaugnay ng pagkaka-disqualify ng Commission on Elections (Comelec) kay Jeorge “ER” Ejercito Estregan bilang gobernador ng Laguna, dahil diumano sa “overspending” noong May 2013 elections.

(Read: Comelec disqualifies Governor ER Ejercito for "overspending" in May 2013 elections)

Pagkatapos ng misa kahapon ay naglabas ng kanyang saloobin si ER tungkol sa desisyon ng Comelec na idiskwalipika siya.

OVERSPENDING. Iginiit ni ER na siya ang sinuportahang kandidato sa pagka-gobernador ng Laguna noong nakaraaang eleksyon.

Malinaw naman daw sa bilangan na nakakuha siya ng 549,310 votes, samantalang ang kanyang pinakamahigpit na nakatunggali ay nakakuha lang ng mahigit na 450,000 votes.

Hindi binanggit ni ER ang pangalan ng kanyang nakalaban, ngunit ang kanyang tinutukoy ay si Egay San Luis ng Liberal Party. Si ER ay tumakbo sa ilalim ng UNA Party.

Sakali mang matuloy ang disqualification kay ER, hindi si San Luis ang uupong gobernador kundi ang incumbent vice governor ng Laguna na si Ramil Hernandez.

“Nakakagulat po at nakakalungkot nang lumabas ang balitang ako ay dinisqualify ng Comelec,” simula ni ER, sa harap ng miyembro ng media at kanyang mga tagasuporta.

“Hindi ko pa po natatanggap ang nasabing desisyon, ngunit ito ay kalat na kalat na po kaagad sa balita.

“Katunayan ay una ko pa pong nalaman ang desisyon na ito mula sa mga kaibigan natin sa media.”

Ang itinuturong dahilan ng Comelec sa disqualification ni ER ay ang sobra-sobra umano niyang nagastos sa panahon ng kampanya.

Base sa pagsusuri ng Comelec, napag-alaman nila na lagpas sa maximum budget na P4.5 million ang ginastos ni ER sa pangangampanya noong nakaraang eleksyon.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, P6 million ang nagasta ni ER sa TV advertisements pa lamang. Hindi pa kasama rito ang ibang ginastos nito sa kampanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mariin naman itong itinanggi ng actor-politician.

Aniya, “Hindi naman po ako mangmang sa batas.

“Kahit papa’no, ako po ay may sapat na edukasyon at karanasan upang malaman ang limitasyon ng batas.

“Ako po ay nagtapos ng elementary at high school sa La Salle Greenhills, at ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas.

“At nagkamit ng aking Master’s Degree sa University of Asia and the Pacific.

“Hindi na rin po ako bagito sa pulitika. May sapat na rin akong karanasan dito.”

Inisa-isa rin ni ER ang mga natanggap niyang parangal bilang public servant:

Dalawang beses siyang nahirang ng Senado at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang isa sa Ten Outstanding Mayors of the Philippines.

Kinilala rin siyang isa sa labinlimang Champion Mayors of the Philippines ng League of Municipalities of the Philippines, sa panahon ng kanyang tatlong termino bilang alkalde ng bayan ng Pagsanjan, Laguna.

Sa kanyang unang termino bilang governor of Laguna, ginawaran daw siya ng Presidential Lingkod Bayan Award ng Civil Service Commission at ni Pangulong Noynoy Aquino.

I KNOW THE LAW. Patuloy ni ER, “Alam ko po ang limitasyon ng batas sa eleksiyon.

“At hinding-hindi ako kailanman lalabag dito, katulad ng sinasabi nilang overspending.

“Ito po ay panglimang kampanya ko na, kaya alam ko na po ang limitasyon sa gastusin.

“Hindi ko po ito nilabag. At hinding-hindi ko po ito lalabagin.”

Sa kanyang Statement of Election Contributions and Expenditures o SOCE, nakasaad daw rito ang halaga ng kanyang nagastos na P4,101,586.62.

Malinaw umano na hindi ito sumobra sa itinakda ng batas na 4.5 million pesos.

“Hindi ko po mailahad sa inyo ang merito ng depensa ko sa kasong ito. Dahil ako ay pinagbawalan ng aking abogado.

“Pending pa po ang kaso sa nai-file kong motion for reconsideration kahapon [Tuesday, October 1]. Baka raw makasama sa aking kaso.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MOVE FROM LOSING CANDIDATE. Naniniwala rin si ER na ang hakbang na ito laban sa kanya ay kagagawan ng nakalaban niya sa pagka-gobernador ng Laguna noong nakaraang eleksyon.

Saad ni ER, “Nakasaad sa kanyang reklamo, at maging ang kanyang prayer sa kanyang complaint ay nananalangin na mabigyan ng probable cause, at ang kaukulang kasong criminal ay mai-file sa tamang korte.

“At ang tamang korte, ayon sa Section 268 ng Omnibus Election Code, ay ang Regional Trial Court.

“Ang ginawa ng abugado ng aking desperadong katunggali ay biglang binago ang kanyang cause of action, hindi lamang sa gitna kundi sa kahuli-hulihang parte ng proseso.

“Sa kanyang memorandum ay nanalangin siya sa Comelec na ako ay i-disqualify.

“Sa lahat ng mga nakakaintindi sa batas, alam natin na ang memorandum ay kahuli-hulihang pleading na isinusumite. At ito ay maaari pang sagutin.

“Ang siste nito, pinakinggan ito ng 1st Division ng Comelec agad-agad, nang hindi man lang ako nabigyan ng pagkakataon na sagutin ang ngayon ay bago nang kaso ng disqualification laban sa akin.

“Sa tamang proseso kasi, ang 1st Division ng Comelec ay ini-refer dapat ang kasong ito sa Law Department upang magsagawa ng preliminary investigation, kung ako ay nagkaroon ng overspending.

“At ako dapat ay binigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag sa imbestigasyon na ito.

“Kung sa tingin ng Law Department ay may probable cause laban sa akin, ang kaso ay isasampa nila sa Regional Trial Court.

“At doon ay ihaharap ang ebidensiya laban sa akin, at ako naman ay maglalabas ng ebidensiya bilang depensa.

“Kung mapapatunayan ng korte na walang kaduda-duda na ako ay nagkasala nga ng overspending, at ako ay maku-convict by final judgment of an election offense, saka pa lang ako puwedeng i-disqualify o alisin sa puwesto.

“Pero hindi po ganyan ang nangyari sa kaso ko.

“Sa isang saglit, ‘ika nga, sa isang kasong wala silang jurisdiction, ang Comelec 1st Division ay naging taga-kolekta ng ebidensiya, prosecutor, at huwes—all at the same time.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kumbaga sa kape, three-in-one.

“Anong laban ko dito? Hindi ba maliwanag na wala akong due process of law?

“Nasaan na ang aking mga karapatan?”

MOTION FOR RECONSIDERATION. Ito raw ang dahilan kaya napilitan si ER na magsumite ng motion for reconsideration sa Comelec En Banc, o sa lahat na ng commissioners ng Comelec.

Ito ay para raw itama ang maling naging desisyon ng 1st Division ng Comelec.

“Kung ito po ay dahil sa lumalalang pulitika sa ating bansa, hindi ko naman akalain na pati ako ay mabibiktima nito.

“Tila ba iniisa-isa na ang mga Ejercito.

“Ngunit bakit naman pati ako?

“Ang masakit nito, ang kaso na isinampa ng aking kalaban sa pulitika noong nakaraang halalan ang ginagamit na butas laban sa akin.

“Hindi niya kasi ako matalo sa halalan kaya ngayon ay gusto niya akong talunin sa kasuhan lamang.”

Ayon pa kay ER, marami raw ang nagsasabi sa kanya na ang nakalaban niyang ito ay nasa Comelec daw halos araw-araw.

“Ngayong bigla ngang lumabas ang desisyong ito, agad-agad ay gusto akong maalis sa puwesto nang hindi man lang dininig sa isang full-blown trial ang aking kaso.

“Ang desisyong ito ay biglaang inilabas kinabukasan matapos magbigay ng kanyang privilege speech si Senator Jinggoy Estrada sa Senado.

“’Di po ba, kaduda-dua ang timing ng paglabas ng desisyon ito?

“Ito ba ay pagganti? Ngunit bakit naman ako ang gagantihan?

“Wala naman akong kinalaman sa nasabing privilege speech. Maliban na lamang sa magkapareho kaming Ejercito.”

Ang privilege speech ni Senator Jinggoy ay kaugnay ng pagkakadawit ng pangalan niya sa kontrobersiyal na pork barrel scam.

Si Jinggoy ay pinsang buo ni Governor ER. Ang ama ni Jinggoy na si former President at incumbent Manila Mayor Joseph Estrada at ang yumaong ama ni ER na si George Estregan ay magkapatid.

Saad pa ni ER, trabaho at serbisyo-publiko lang ang nais niyang maihatid sa mga mamamayan ng Laguna.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaugnay nito, umaapela siya ng tulong sa kanyang mga tagasuporta sa panalangin na malampasan niya nang matiwasay ang pagsubok na ito.

“Hindi pa po tapos ang kaso. Tuluy-tuloy pa po ang laban.

“At samantalang gumugulong ang proseso, ako pa rin po ang gobernador ng lalawigan ng Laguna.

“Walang mababago sa pamamahala at tuluy-tuloy po ang paghahatid natin ng tunay na serbisyo publiko.

“Patuloy po nating ipapaliwanag sa kagalang-galang na Comelec kung bakit hindi ama ang kanilang desisyon.

“At sa bandang huli, mananaig ang katotohanan, ang boto ng higit limandaang libong Lagunenyo ay igagalang, ang tunay na boses ng taong bayan ay pakikinggan, at ang kapangyarihan ng batas ay iiral.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN