Lorna Kapunan resigns as lawyer of Janet Napoles in illegal detention case

Atty. Lorna Kapunan (left) has confirmed that she has withdrawn from the illegal detention case versus Janet Lim Napoles (right). Her resignation as Napoles’s legal counsel is yet to be formalized pending her filing of a motion to withdraw with the Makati Regional Trial Court Branch 150.


Nagbitiw na si Atty. Lorna Kapunan bilang legal counsel ng businesswoman na si Janet Napoles.

Ayon sa ulat ng GMA News, na nailathala sa website nito kaninang tanghali, October 30, unang kinumpirma ni Department of Justice Secretary Leila de Lima ang balita tungkol sa pagbibitiw ni Atty. Kapunan.

Subalit hindi raw alam ng kalihim kung ano ang dahilan ng pagbibitiw ni Atty. Kapunan bilang abugado ni Napoles.

“I don’t know the reasons. It’s a matter between her and her client," sabi ni Secretary De Lima.

Si Atty. Kapunan ang legal counsel ni Napoles sa kasong serious illegal detention, na isinampa laban sa kanya ng pinsan niya at kinikilalang pork-barrel scam whistle-blower na si Benhur Luy.

Kanina ay nakita pa si Atty. Kapunan sa pagdinig ng kaso laban kay Napoles sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150.

Subalit ayon sa ulat ng GMA News, nag-walk out si Atty. Kapunan habang dinidinig ang kaso.

Pero bago umalis, isang papel ang iniabot ni Atty. Kapunan kay Judge Elmo Alameda.

Hindi ipinaalam ng korte ang nilalaman ng papel sa media.



“DIFFERENCE IN OPINION.” Samantala, sa panayam ng DZMM kay Atty. Kapunan, matapos lumabas ang balita, kinumpirma niyang nag-withdraw na siya bilang legal counsel ni Napoles para sa kasong illegal detention.

Si Atty. Freddie Villamor na ang hahalili sa kanya bilang legal counsel ni Napoles.

“Differences of opinion in strategy” ang ibinigay na dahilan ni Atty. Kapunan sa kanyang naging desisyon.

Habang ini-interbyu, patungo umano si Atty. Kapunan sa Fort Sto. Domingo sa Laguna, para hingin ang pirma ni Napoles, upang maging pormal na ang kanyang pabibitiw.

Mananatiling kikilalanin si Atty. Kapunan na legal counsel ni Napoles hanggang hindi siya pormal na nakapaghahain ng motion to withdraw sa Makati RTC.



NAPOLES IN SENATE. Sa kabilang banda, sa pagbibitiw ni Atty. Kapunan, marami ang nagtatanong kung matutuloy ang pagharap ni Napoles sa Senado sa Nobyembre 7.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaugnay ito sa pagdinig ng Senado ng P10-billion pork-barrel scam.

Tiniyak ni Atty. Kapunan na dadalo sa nasabing pagdinig si Napoles, pero hindi na siya ang makakasama nito.

Si Napoles ang itinuturong mastermind ng pork-barrel scam na kinasasangkutan rin ng ilang mga senador at kongresista.

Kabilang dito sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr.

(Read: Senators Bong Revilla, Jinggoy Estrada push for appearance of Janet Lim Napoles in Senate hearing)


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN