Marian Rivera on box-office result of Kung Fu Divas: "Aaminin ko na kumita kami, hindi nga lang ganun kalaki."

Unti-unti na namang dumarami ang endorsement deals ng aktres na si Marian Rivera. Pahayag niya tungkol dito, "May pagkakataon na mawawala, may pagkakataon na babalik. May nandiyan ulit... Ganun lang naman ang buhay. So, kung ano ang meron ka, kailangang i-treasure mo yun at pangalagaan mo yun. Maging thankful ka, para kung mawala man ang mga ito sa ‘yo, at least, naranasan mo.”


Masaya si Marian Rivera para sa boyfriend niyang si Dingdong Dantes dahil sa naging magandang resulta sa takilya ng huling pelikula ng aktor sa Star Cinema, ang She’s The One.

“Lahat naman ng movie ni Dong, e, successful. Happy ako para sa kanya,” nakangiting sabi ni Marian sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Ginanap ang interview sa launching ni Marian bilang Ginebra San Miguel calendar girl for 2014, noong Miyerkules, November 13, sa Historia Bar and Restaurant, sa Sgt. Esguerra, Quezon City.

Napanood na ba niya ang pelikula ni Dingdong?

Pag-amin ng Kapuso actress, “Hindi ako nakapanood bilang ang busy ko nun, tapos nagpunta akong Vietnam.

“Noong premiere night, humabol ako, pero nakakahiya naman kung noong kalagitnaan ng movie e papasok pa ako.

"So, tinapos ko na lang bago ako nakipag-meet sa kanya.”

Aware naman si Marian na hindi maiaalis pagkumparahin ang naging resulta sa takilya ng mga pelikula nila ni Dingdong, na ilang linggo lamang ang pagitan nang ipalabas ang mga ito sa sinehan.

Naunang ipalabas ang Kung Fu Divas nina Marian at Ai-Ai de las Alas noong October 2.

October 16 naman nang magbukas ang She’s The One, na pinagbidahan nina Dingdong, Bea Alonzo, at Enrique Gil.

Tanggap daw ni Marian na mas kumita ang pelikula ni Dindgong kaysa sa pelikula niya.

Nakangiting sabi niya, “Okay lang, ganoon talaga ang buhay.

“Hindi naman sa lahat ng pagkakataon, blockbuster ka.

"Ang importante, masaya kami ni Ate Ai-Ai, kami at ng direktor [Onat Diaz], kung anuman ang income.

"At may mga taga-ibang bansa na gustong kuhanin ang pelikula namin.

“At, aaminin ko na kumita kami, hindi nga lang ganun kalaki.”

Bukod sa pagiging mga bida sa Kung Fu Divas, co-producers din sina Marian at Ai-Ai sa pelikula.

Masusundan pa ba ang pagpuprodyus niya ng pelikula?

Mabilis na sagot ni Marian, “Oo naman, hindi ako madadala sa magandang proyekto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pag-aaralan din nang mabuti, dahil hindi naman biro ang nilalabas ng isang producer.”



THE VIETNAM EXPERIENCE. Noong first week ng November ay bumisita ng Vietnam si Marian.

Ito ay sa imbitasyon ng isang malaking TV network doon kung saan ipinapalabas ang mga teleserye niya, gaya ng Dyesebel at Temptation of Wife.

Hindi inasahan ni Marian ang naging mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Vietnamese nang magpunta siya roon.

Sabi nga ng manager niyang si Rams David, "superstar" ang estado ni Marian doon.

Read: Marian Rivera mobbed by fans in Vietnam

Dahil sa popularidad niya sa Vietnam, may offer bang gumawa siya ng proyekto doon?

Sagot ni Marian, “Oo, meron, movie...

"Ang feeling ko, yung movie nila, soap opera ang tawag nila.

"So, hindi siya movie, soap opera siya.

“So, TV rin na ang ka-partner, yung taga-Vietnam din.”

Ano ang naging sagot niya sa nag-offer sa kanya?

“Tingnan natin, why not?” nakangiting sabi ni Marian.

“Pag-aralan natin ang project, tapos kung papayagan din ako ng GMA.

"So, bakit hindi natin subukan umarte na kasama ang mga taga-Vietnam, bilang napakainit ng pagtanggap nila sa akin.

"At kahit ako, sabi ko nga, hindi nagsi-sink in sa akin na yung mga taga-Vietnam, sobra-sobrang napakapalad ko para mahalin nila ako nang ganun.”

Excited ba siyang makagawa ng proyekto sa Vietnam?

“Oo naman, kasi kakaiba yun, e,” sabi ni Marian.

PRIMETIME SERIES. Pero bago ang lahat ay uunahin muna ni Marian ang bagong primetime series niya sa GMA Network.

Ito ang unang drama series niya matapos mag-renew ng kontrata sa GMA noong Agosto.

Ang working title ng soap ni Marian ay Pinakamagandang Babae Sa Ibabaw Ng Mundo.

Sabi ni Marian, “Actually, ito ay heavy drama.

"Oo, may love story siya, pero more on connection sa nanay kasi ito.”

Binanggit ni Marian sa PEP ang pangalan ng dalawang magaling na aktres na posibleng gumanap bilang nanay niya sa serye, ngunit nakiusap siya na huwag muna itong ipasulat hangga’t hindi pa sigurado.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natuwa rin si Marian nang malaman niyang si Alden Richards ang magiging leading man niya rito.

Sabi ng 29-year-old actress, “Hindi naman siya ilalagay sa posisyon na ‘yan kung hindi alam ng GMA na hindi niya kakayanin.

"Ibig sabihin, malaki ang tiwala sa kanya ng GMA at, ako rin, malaki rin ang tiwala ko sa kanya.”



BLESSINGS. Sa kabilang banda, ipinagpapasalamat ni Marian Rivera ang patuloy na pagdating daw ng mga biyaya sa kanya.

Sa pagtatapos ng 2013 ay dalawang malaking endorsement deals ang nakuha niya—ang pagiging calendar girl ng Ginebra San Miguel for 2014 at ang pagiging celebrity endorser ng isang brand ng cellphone.

Ito ang ikalawang pagkakataong kinuha siya bilang calendar girl ng nasabing liquor brand.

Saad niya, “Nagulat ako. Kasi, alam ko na kapag calendar girl, iba-iba.

"Tapos, ngayong taon na ito, bumalik ako.

"2009 ang una ko, tapos 2014 ngayon—so, five years din.”

Sa tatlong magagandang lokasyon ginawa ang pictorial ni Marian para sa kanyang calendar—Batangas, Palawan, at Boracay.

Bagamat pumayag siyang mag-two-piece sa pictorial, may mga limitasyon pa rin daw siyang ibinigay.

“Oo naman, kung ano ang mas kumportable at okay sa akin.

"Yung limit, like sa bra, yung ganun.”

Ano ang pakiramdam na sunud-sunod muli ang endorsements niya?

Sagot ni Marian, “May pagkakataon lang siguro na gulong lang talaga.

"May pagkakataon na mawawala, may pagkakataon na babalik. May nandiyan ulit...

"Ganun lang naman ang buhay.

“So, kung ano ang meron ka, kailangang i-treasure mo yun at pangalagaan mo yun.

"Maging thankful ka, para kung mawala man ang mga ito sa ‘yo, at least, naranasan mo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN