Rachelle Ann Go makes it to Miss Saigon West End revival

Ang Pinay singer na si Rachelle Ann Go ang gaganap sa papel ni Gigi Van Tranh—isang Vietnamese bar girl na unang ginampanan ni Isay Alvarez—sa West End revival ng Miss Saigon. Mismong ang original Kim na si Lea Salonga ang nagbalita nito kay Rachelle sa pamamagitan ng Twitter.


Pasok si Rachelle Ann Go sa Miss Saigon, ang tanyag na musical play na unang nagpasikat kay Lea Salonga nang gampanan nito ang lead role na Kim.

Muling itatanghal ang Miss Saigon sa West End, simula sa May 3, 2014, sa Prince Edward Theatre, London.

Ipinagdiriwang din ng Cameron Mackintosh musical play ang 25th anniversary nito.

Una itong itinanghal sa West End, sa Theatre Royal, Drury Lane, London, noong September 1989.

Ang role ni Lea bilang Kim sa Miss Saigon ang nagbigay sa kanya sa England ng Laurence Olivier Award (Best Actress in a Musical 1989-1990 season) at sa Amerika ng Tony Award (Best Performance by an Actress, 1991).


RACHELLE ANN AS GIGI. Via Twitter, si Lea mismo ang nagkumpirma na makakasama sa West End revival ng Miss Saigon si Rachelle Ann.

Sinabi ni Lea (@MsLeaSalonga) sa kanyang tweet: “To @gorachelleann RACHELLE ANN GO! Iwagayway ang bandilang Pilipino! Congratulations on being cast in the West End revival of MISS SAIGON!”

Tila hindi naman makapaniwala si Rachelle Ann sa balita.

Ayon sa tweet niya ngayong tanghali, November 22: Good morning!!! I just woke up... i think i’m still dreaming! Totoo na po pala talaga...thank You Lord God. Thank You…”

Gagampanan ni Rachelle Ann papel ni Gigi Van Tranh.

Si Gigi ay isang prostitute, na makakasamang kakanta ni Kim at iba pang bar girls sa awiting “Movie In My Mind.”

Isa ang musical number na ito sa pinakamadamdamin at pinaka-inaabangang bahagi ng Miss Saigon.

Ang batikang theater, television, at film actress/singer na si Isay Alvarez ang unang gumanap na Gigi noong 1989.

Sa Twitter ni Isay ngayong tanghali ay nagbigay rin siya ng words of encouragement para kay Rachelle Ann.

Sabi ni Isay (@isayasena): “@gorachelleann hey rachelle!! Congratulations!! I’m pretty sure you will have a great time there. It’ll be an experience of a lifetime!!!Gbu”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NEW KIM. Bukod kay Rachelle Ann, tuwang-tuwa ring inanunsiyo ni Lea sa kanyang Twitter ang bagong gaganap na Kim.

Ito ay ang Filipino-American na si Eva Noblezada, isang 17-anyos na dalaga mula sa Charlotte, North Carolina, USA.

Si Eva ay nadiskubre umano ng casting director na si Tara Rubin sa 2013 Jimmy Awards sa New York City.

Siya ay estudyante sa NorthWest School Of The Arts sa Charlotte.

Ang tita ni Eva, si Annette Calud, ay dating kasama sa Broadway production ng Miss Saigon.

Gumanap si Annette bilang bar girl at nang kalaunan ay ginampanan din ang role na Kim.



OTHER HOPEFULS. Samantala, bukod kay Rachelle Ann, marami pang local singers-actresses ang nag-audition para sa Miss Saigon sa Manila noong 2012.

Kabilang dito sina Karylle, Tippy Dos Santos, Frencheska Farr, Aicelle Santos, Rita de Guzman, at Angeline Quinto.

Sina Karylle, Tippy, at Rita ay nabigyan ng callback noong November 21, 2012, pagkatapos ng first audition nila noong November 19, 2012.

Umabot naman hanggang final callback ang Kapuso stars na sina Frencheska, Aicelle, at Rachelle Ann.

Read: Frencheska Farr on making it to final round of Miss Saigon auditions: Kahhit hindi ako mag-land as Kim or Gigi, kahit na... basta makapasok ako doon."

Sa artikulong lumabas dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), inilarawan ni Rachelle ang kanyang karanasan sa audition bilang "nerve-wracking."

Read: Rachelle Ann Go recalls "nerve-wracking" experience during Miss Saigon auditions

Ang setting ng Miss Saigon ay taong 1975, panahon ng pagwawakas ng pananakop ng mga Amerikano sa Saigon (na ngayon ay kilala bilang Ho Chi Minh), siyudad ng Vietnam.

Kuwento ito ng pagmamahalan nina Chris, isang Amerikanong sundalo, at Kim, isang Vietnamese bar girl.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN