Robin Padilla thanks Supreme Court for abolishing PDAF

Ikinatutuwa ng aktor na si Robin Padilla ang desisyon ng Supreme Court na ibasura na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas, dahil sa pagiging "unconstitutional" daw nito.


Ikinatutuwa ng aktor na si Robin Padilla ang desisyon ng Supreme Court na ibasura na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas.

Ayon sa desisyong inilabas ng korte Suprema noong November 19, “unconstitutional” daw ang PDAF—o mas kilala sa tawag na pork barrel.

Read: Supreme Court abolishes pork barrel fund; Senate eyes unused 2013 PDAF as supplemental budget to boost disaster relief ops

Reaksiyon ni Robin tungkol dito: “Maraming salamat sa Supreme Court, at napatunayan na rin na illegal yung PDAF.

“Siguro isang paraan ito para magtuluy-tuloy yung sinasabi nating pagbabago at sana… sana…"

Ngunit paalala rin niya, “Baka gumawa uli ng mga batas ulit yung mga yun, at makuha nila ulit sa ibang pangalan naman.

“Sana bantayan natin ‘to, mga mahal kong kababayan. Huwag muna tayong maging kampante.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Robin sa 1st Gintong Palad Public Service Awards, noong November 20, sa One Esplanade, Pasay City.

Kabilang si Robin at ang kanyang misis na si Mariel Rodriguez sa pinarangalan noong gabing iyon.

Hindi nakadalo si Mariel sa awarding ceremony dahil kasalukuyan itong nasa Bantayan Island, sa Cebu.

Naroon si Mariel para sa relief operations sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Kasama ng TV host-actress na nagtungo doon ang Operation: Smile.

Sina Robin at Mariel ang dalawa sa mga artista na hayagang tumuligsa sa mga personalidad na sangkot sa pork barrel scam.

Sa katunayan, noong October 1, ay nag-post pa si Robin sa kanyang Instagram account ng larawan ni Senate President Franklin Drilon—na kalahati ay baboy at kalahati ay mukha nito—kasabay ang panawagang bumaba na ito sa kanyang puwesto.

Ang asawa naman niyang si Mariel ay ni-repost ang naturang larawan.

Read: Robin Padilla calls for resignation of Senate President Franklin Drilon and other senators

Si Drilon ang kalihim ng Department of Justice (DOJ) nang makulong si Robin sa kasong illegal possession of firearms noong 1995.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inamin ni Drilon noong Setyembre 29 na tumanggap siya ng P100-million additional fund, na tinatawag na Disbursement Additional Fund (DAP), mula sa Palasyo noong nakaraang taon.

Sa kasalukuyan, nagpu-post pa rin si Mariel ng mga larawan ng sinasabing mastermind ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN