Manny Pacquiao lifts spirit of typhoon victims in Eastern Samar and Tacloban; gives away cash and Bibles

According to a report from the GMA news program, 24 Oras, boxing champ Manny Pacquiao led a praise-and-worship activity among typhoon victims during his first stop at Guian, Eastern Samar, over the weekend. The 34-year-old born-again Christian also gave away Bibles and cash assistance worth P1,000 per evacuee in certain areas. After spending the night in Tacloban, Manny is set to visit other typhoon-hit areas, including Ormoc and Palo, today, December 2.


Nagbigay-saya si Manny Pacquiao nang personal siyang naghatid ng tulong sa iba’t ibang lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda sa Central Visayas.

Noong Sabado ng gabi, November 30, dumating si Manny sa bayan ng Guian, Eastern Samar.

Hindi nag-aksaya ng panahon ang Pambansang Kamao at agad kinumusta ang lagay ng typhoon survivors na dumagsa sa airport upang salubungin siya.

Pagkatapos ay dumiretso si Manny sa tinaguriang Tent City sa Eastern Samar State University, kung saan pansamantalang naninirahan ang maraming residente sa Guian.

Kahit wala pang kuryente sa lugar, hindi nagdalawang-isip si Manny na magpalipas ng gabi kasama ng mga residente roon.

“Wala, flash light lang. Tara na’t matulog. Tulog tayo sa bangketa,” masayang paanyaya ni Manny sa mga kausap na reporters, ayon sa ulat ng 24 Oras kagabi, Disyembre 1.

FESTIVE BUDOL FIGHT. Noong araw ng Linggo, Disyembre 1, nagmistulang fiesta ang pinagsaluhang “budol fight” ni Manny, ilang government officials, at typhoon survivors sa Guian.

Ang budol fight ay tumutukoy sa military style of eating, kung saan nakalatag sa isang mahabang mesa ang iba’t ibang pagkaing nakalagay sa dahon ng saging.

Bakas sa mga ngiti sa labi ng mga residente ang panandaliang saya na dulot ng pagbisita ng boxing champ, na simbolo ng pag-asa para sa karamihan sa kanila.

Para naman kay Manny, hindi matutumbasan ng anumang halaga ang sarap sa pakiramdam na mapaligaya ang mga kababayang naghihirap dala ng pinsala ng nakaraang kalamidad.

Sabi niya, “Hindi ko maisip yung pagod kapag nakakita ako ng tao na nangangailangan ng tulong, at makapagbigay man lang ng inspirasyon.”

"DO NOT GIVE UP." Bilang isang active born-again Christian mula pa noong nakaraang taon, pinangunahan ni Manny ang isang praise-and-worship activity. Pagkatapos nito ay namigay siya ng mga Bibliya.

Nag-iwan din siya ng inspirational message para sa mga typhoon survivors, at hinikayat niya ang mga ito na patuloy na manalig sa Diyos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa hiwalay na ulat ng Philippine Daily Inquirer, ibinahagi raw ni Manny ang personal niyang karanasan noong naghihirap siya sa buhay.

“Nagsikap din ako. Hindi ako huminto sa paghingi ng tulong mula sa Diyos. Hindi ako sumuko.

"Gaya niyo, naranasan ko rin matulog sa karton.

"Pero hindi ako nawalan ng pag-asa at patuloy lang ako nagtiwala sa sarili ko at sa Diyos," payo raw ni Manny, ayon sa kuwento ng isang evacuee na nagngangalang Erlinda Sabarillo, 43.

Bukod dito ay namigay ang boksingero ng P1,000 kada tao sa Barangay 6 sa Guian, na may nakatalang 436 evacuees, upang makatulong kahit kaunti sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Ilan pa sa mga binisitang lugar ni Manny ay ang mga bayan ng Mercedes, Salcedo, Quinapondan, at Giporlos sa Eastern Samar.

Sinadya rin ng boksingero ang bayan ng Maragut at Basey sa Samar, kung saan namigay siya ng relief goods.

TACLOBAN WELCOMES MANNY. Bandang alas-singko ng hapon ng Linggo nakarating si Manny sa Tacloban, Leyte, at doon na nagpalipas ng gabi.

Dumagsa rin ang mga residenteng sumalubong sa kanilang iniidolong Pambansang Kamao.

Matatandaang tinutukan ng mga Taclobanan ang matagumpay na laban ni Manny kay Brandon Rios sa isang free public viewing sa Tacloban City Hall, noong November 24.

See photos: Typhoon victims in Tacloban and Ormoc ecstatic with Manny Pacquiao’s triumph over Brandon Rios

Ayon sa ulat ng Unang Balita ngayong araw, December 2, nakipag-ugnayan si Manny kay Tacloban City Mayor Alfred Romualdez upang alamin ang kasalukuyang estado ng mga nasalanta ng bagyo sa naturang probinsiya.

Bukod sa dalang relief goods, iniabot ni Manny kay Mayor Romualdez, sa tanggapan ng huli sa Tacloban City Hall, ang P500,000 cash donation mula sa Sarangani province at P2 milyon mula sa General Santos City.

Si Manny ang kumakatawan bilang representative ng Sarangani Province, habang ang maybahay niyang si Jinkee Pacquiao ang tumatayong vice governor ng naturang probinsiya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



NO COMMENT ON TAX CONTROVERSY. Sa kabila ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ni Manny, iginiit niyang walang halong pamumulitika ang pagbisita niya sa mga nasalantang lugar sa Visayas.

Sa kasalukuyan, sinisingil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) si Manny ng buwis na nagkakahalaga ng P2.2 billion.

Naging malaking balita noong nakaraang linggo ang tungkol dito at sa hindi umano pagsumite ng boksingero ng mga kaukulang dokumento sa BIR para sa kanyang buwis noong mga taong 2008 at 2009.

Noong Biyernes, November 29, sinabi ni BIR Commissioner Kim Henares na bukas ang ahensiya sa pakikipagkasundo kay Manny.

Binigyan pa ng option ang boksingero na mag-apply para sa isang compromise settlement.

Read: BIR Commissioner Kim Henares on Manny Pacquiao’s tax issue: "Pakiusap ko ho, pakibayaran na po."

Ngunit nauna nang nagpasabi si Manny na hindi muna siya magbibigay ng anumang pahayag kaugnay nito.

“No comment na tayo diyan. Lahat ng about sa ganyang issue, nandoon na sa abugado ko.

"Basta ako, focus na ako,” saad ni Manny sa panayam ng 24 Oras noong araw ding iyon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN