BIR Commissioner Kim Henares slams proposal to exempt Manny Pacquiao from paying taxes

Umalma si BIR Commissioner Kim Henares sa panukala ni Valenzuela Representative Magtanggol Gunigundo na bigyan ng "lifetime tax exemption" ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Katuwiran ni Henares, kung mayroon man daw dapat bigyan ng tax exemption, ito ay ang ating mga guro at sundalo.


Tahimik na ang kampo ni Sarangani Representative Manny Pacquiao at ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares pagkatapos maglabas ng gag order ang Court of Tax Appeals (CTA) noong December 5.

Base sa kautusan ni Judge Roman del Rosario ng First Division ng CTA, dapat nang itigil ng magkabilang panig ang kanilang patutsadahan sa media.

Ito ay para maiwasan na makabuo ang publiko ng maling opinyon tungkol sa kinahaharap na isyu ng Pambansang Kamao sa BIR.

Nag-ugat ang usaping ito nang ipag-utos ng BIR na i-freeze ang bank accounts at mga ari-arian ni Manny at asawa nitong si Sarangani Vice Governor Jinkee Pacquiao.

Ito ay bunsod ng hindi nabayarang buwis ng People’s Champ sa mga laban nito sa ibang bansa, noong 2008 at 2009, na umabot na raw sa P2.2 billion.

Read: Court of Tax Appeals issues gag order on Manny Pacquiao and BIR Commissioner Henares

TAX EXEMPTION. Bagamat tahimik na ang kampo ni Manny, hindi pa rin naman nagpapaawat ang mga kasamahan niya sa Kongreso.

Ayon sa ulat ng Aksyon ng TV5 kagabi, December 6, naging mainit ang usapin tungkol sa inihaing panukala ni Valenzuela Representative Magtanggol Gunigundo na bigyan ng lifetime tax exemption ang kasamahan nilang si Congressman Pacquiao.

Ito ay dahil daw sa mga karangalang ibinigay ni Pacman sa ating bansa mula sa mga napagwagian niyang laban sa boxing.

Ayon pa kay Gunigundo, “Ang ating pamahalaan ay mayroong power of taxation.

"At kapag meron kang power of taxation, kasama na rin diyan ang power to exempt.

"Nakikita natin diyan yung mga charitable organizations.”

Sa isinulong nitong House Bill 3521, na tatawaging "Pacquiao Act of 2013," nakasaad ditong masasaklaw sa hindi na papatawan ng buwis ang mga kinita ni Manny sa kanyang mga boxing match, endorsements, pelikula, at concerts.

Pero hindi naman daw kasama sa hindi babayaran ng buwis ni Pacquiao ang mga kita ng mga korporasyon nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi na rin daw mari-refund ni Manny ang nabayaran niyang buwis noong mga nakaraang taon.

Ayon pa sa panukala ni Gunigundo, ang lahat ng tax liabilities ni Manny, kabilang na ang kinakaharap na P2.2 billion unpaid taxes sa BIR, ay mababalewala na.

Saad pa ng mambabatas, “Kapag maipapakita niyo sa akin na ang isang tao ay nakakapagpababa rin ng zero crime rate ng ating bansa, e, di papabigyan din natin ng ganitong klaseng kontribusyon.”

Samantala, ang dating mayor ng Maynila at ngayon ay representative ng Buhay Party List na si Lito Atienza ay naghain ng House Bill 3506.

Ito ay para naman bigyan ng tax incentive ang mga premyadong atletang Pinoy.

Sakop daw nito ang nakalipas na sampung taon pagkatapos maisabatas ang panukala.



COMMISSIONER HENARES REACTS. Inalmahan kaagad ni BIR Commisioner Henares ang panukalang magbibigay ng lifetime tax exemption kay Manny.

Pahayag ni Henares, hindi patas ang hangarin ng panukalang ito dahil hindi lang naman daw si Manny ang nagbibigay karangalan sa bansa.

Kung mayroon man daw dapat bigyan ng tax exemption, ito ay ang mga guro at sundalo ng bansa.

“Tinataya nila ang buhay nila, bakit hindi natin sila binibigyan ng exemption?

"Ito ay hindi naman ganun, e. Hindi naman sila pinilit na maging sundalo.

“E, bakit, pinilit ba natin si Mr. Pacquaio na magpasuntok?” sabi pa ng BIR commisisoner sabay pakawala ng malutong na halakhak.

Suhestiyon pa ni Commissioner Henares kay Congressman Gunigundo, kung talagang nais bigyan ng reward si Pacquiao, gumawa na lang ito ng mas magandang health care program o pension plan para sa Pambansang Kamao.

Katuwiran pa ni Henares: “Parang unfair naman yun na… bakit kailangan ho nating i-subsidize yung lifestyle?”

Buwelta naman ni Gunigundo: “Mag-congresswoman muna siya bago siya mag-propose ng mga ganyang panukala.”



THUMBS DOWN. Sa ulat naman ng website ng ABS-CBN News, sinabi ng Malacañang na hindi makatuwiran ang panukalang batas na ito ni Congressman Gunigundo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa pahayag ni Communications Secretary Sonny Coloma, tungkulin ng bawat Filipino na magbayad ng karampatang buwis sa gobyerno.

Saad pa nito, “Paying taxes is one of the basic obligations of every Filipino citizen.

"Kaya ang pananaw po namin ay hindi makatuwiran ang panukalang ’yan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN