Korina Sanchez resigns from radio show; continues anchor duties on TV Patrol and Rated K

Nagbitiw na sa kanyang hosting job sa DZMM Radyo Patrol 630 si Korina Sanchez. Papalit sa babakantehing timeslot ng Rated Korina ang bagong show na Sakto nina Amy Perez at Marc Logan. Pero mananatili raw si Korina sa TV Patrol at bilang chief correspondent ng News and Current Affairs ng ABS-CBN. Napabalita ring tatapusin daw ng broadcaster ang kanyang master’s degree.


Simula Lunes, January 6, hindi na sasahimpapawid ang radio program na Rated Korina ni Korina Sanchez sa DZMM Radyo Patrol 630.

Papalitan na ito ng programa nina Amy Perez at Marc Logan sa 10 a.m. to 11 a.m. timeslot nito.

May pamagat itong Sakto, isang "light positive show" na pang-nanay at tatay ang pinakatema.

Kinumpirma ng DZMM insiders ang impormasyong ito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong araw, January 4.

Ayon sa isang text message na naipadala sa PEP: “Yes wala na po. Ms. Korina is taking up her masteral. Papalit po sa Monday SAKTO with Amy Perez and Marc Logan.”

Isa pang taga-DZMM ang nagsabing sa London daw mag-aaral ng kanyang masteral degree ang chief news correspondent ng ABS-CBN.

Sinegundahan naman ito ni Amy, na nakausap ng PEP sa pamamagitan ng direct messaging sa Twitter.

Ang alam nga raw niya ay "mag-aaral si Ma’am Korina abroad."



KORINA’S STATEMENT. Samantala, naglabas na ng kanyang pahayag si Korina tungkol sa pag-alis niya sa radyo.

Sa ulat ng ABS-CBN News online ngayong gabi, January 4, hindi tuwirang sinabi na nagbitaw si Korina sa radyo.

Nag-leave of absence lang daw ito upang maharap ang mga hindi pa natatapos nitong mga gawain.

Ayon kay Korina, tinatapos niya ngayon ang kanyang master’s degree sa Ateneo de Manila University.

Aniya, "Muntik na akong ibagsak ng dalawa kong propesor dahil sa absence at late submissions kaya talagang hindi ko mapagsabay."

Isa raw talaga sa kanyang mga prayoridad ang matapos ang kanyang post-degree course.

Hunyo pa raw ng nakaraang taon siya nagpaalam sa mga namumuno ng ABS-CBN para payagan siyang pansamantalang iwanan ang kanyang radio show.

Dagdag pa niya, "Ang trabaho naman nariyan lang at ang sabi naman sa akin ng mga boss, kapag ayos na lahat ay makakabalik naman ako. Gusto ko na talaga itong iraos."

May bilin daw siya kina Amy at Marc na hahalili sa kanyang timeslot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento niya, "Sabi ko kina Amy at Marc, basta sana i-plug pa rin nila ang Tsinelas Campaign namin para sa mga bata. Cute ang show nila."

Nakatakda naman daw mag-renew ng kontrata si Korina sa ABS-CBN sa mga susunod na araw.

Magpapatuloy pa rin daw siya sa paghu-host ng Rated K at TV Patrol kasama sina Noli de Castro at Ted Failon.

Simula bukas, January 5, ay magbabago na ang timeslot ng Rated K.

Mauuna na ang bagong sitcom ng Kapamilya network na Home Sweetie Home, pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz at Toni Gonzaga.

Pagkatapos nito ay saka naman mapapanood ang weekly magazine program ni Korina.

Ngayong araw rin, may ilang blogs na nagsasabing nag-resign daw talaga si Korina sa radio show nito.

Kinumpirma rin ito ni Eric John Salut, isa sa public relation officers ng ABS-CBN, sa kanyang Twitter account (@ericjohnsalut).

Aniya, “Korina Sanchez resigns from her DZMM radio show but will continue her anchor duties in @TVPatrol and in her show @NagiisangRatedK. She remains Chief Correspondent of ABS-CBN News & Current Affairs.”



IN PREPARATION FOR 2016? May isang nakausap ang PEP na nagsasabing baka ang pag-alis ni Korina sa radio at planong pag-aaral ng master’s degree ay preparasyon nito para sa 2016 elections.

Maugong kasi ang usap-usapan na ang mister nitong si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang magiging manok ng administrasyon sa pagka-Presidente sa 2016.

Kung papalarin at manalo si Mar, magiging First Lady si Korina.

Si Mar ang naging running mate ni Noynoy Aquino noong 2010 presidential elections, kung saan tumakbo sila sa ilalim ng Liberal Party.

Nanalo si Noynoy, ngunit natalo si Mar kay dating Makati Mayor Jejomar Binay ng Partido ng Masang Pilipino (PMP).

Ngunit iba naman ang pananaw ng kolumnista at blogger na si RK Villacorta tungkol dito.

Bahagi ng kanyang panulat sa kanyang blog (rkvillacorta.blogspot.com) noong January 2, baka ito raw ay epekto sa nangyaring viral comment ni Korina laban sa CNN anchor na si Anderson Cooper noong nakaraang taon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matatandaang umani ng batikos ang sinabi ni Korina sa radio program nitong hindi alam ni Anderson Cooper ang kanyang mga pinagsasabi tungkol sa naging reports nito sa CNN sa delubyong inabot ng Tacloban dahil sa super typhoon Yolanda.

Read: ABS-CBN anchor Korina Sanchez gets flak from netizens for slamming CNN news anchor Anderson Cooper

Dahil dito, hinamon ng sikat na CNN anchor si Korina na pumunta mismo sa mga lugar ng mga nasalanta para makita nito ang totoong devastation na dulot ng bagyo.

Nagpunta naman si Korina sa Ormoc—hindi sa Tacloban kung saan nakabase si Cooper noong mga panahong yun—pero dalawang beses lang siyang nakapag-report sa TV Patrol.

Read: Anderson Cooper urges Korina Sanchez to visit Tacloban

Read: Korina Sanchez flies to Ormoc to "investigate" relief efforts there

Kalaunan, lumutang ang balitang nasuspindi diumano si Korina dahil sa isyu.

Read: UPDATED Korina Sanchez is on vacation, not suspended — source


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN