Governor ER Ejercito commits to join MMFF 2014 despite Boy Golden’s poor showing at the box office and zero award

Muling inirereklamo ni Governor ER Ejercito ang komposisyon ng mga hurado sa MMFF Awards Night. Saad niya, "Halos 50 percent ng mga juror, hindi taga-pelikula. Hindi nila maintindihan ang galing ng arte ng isang artista, hindi nila naiintindihan ang production design, ang cinematography, ang music, ang sound. Kailangang mahusay at magaling ang mga juror."


May nakasaksak na IV (intravenous tubing) sa kaliwang kamay ni Laguna Governor ER Ejercito nang humarap siya sa press conference para sa Palarong Pambansa noong Lunes, January 13, sa Deparment of Education, sa ULTRA, Pasig.

Ipinaliwanag ng actor-politician sa media na napuruhan ang isang daliri niya habang nagsu-shoot ng ilang action scenes para sa pelikula niyang Boy Golden: Shoot To Kill, entry sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2013.

Sabi niya, "Three days na ako sa ospital, kasi yung pelikulang Boy Golden, ang dami naming action scenes.

"Talun nang talon sa bubong, fight scenes sa loob ng isang ice plant.

"Namaga yung isang daliri ko, natetano, so I have to be hospitalized.

"Mabuti na lang hindi ako nag-locked jaw."

Napabayaan din daw niya ang isang paa niya na namamaga rin at natetano.

Under observation pa rin daw si Governor ER, at sumasailalim sa matinding antibiotics regimen para matanggal yung tetanus.

Biro pa niya, "Mabubuhay pa raw ako!"

Isang linggo ang kabuuan ng treatment niya, at pangatlong araw pa lang niya sa hospital nang makausap siya ng press.

ZERO MMFF AWARD. Sa sideline ng Palarong Pambansa presscon, inurirat kay Governor ER ang reaksyon niya sa pagkaka-zero award ng entry niya sa Metro Manila Film Festival 2013 na Boy Golden.

Kapansin-pansin ang sense of humor nito sa kanyang sagot.

"Well, I’m very happy naman na binigyan ang Manila Kingpin, The Asiong Salonga Story ng eleven awards, nung 2011, ng Metro Manila Film Festival.

"Tapos noong 2012 naman, binigyan ang El Presidente, The Emilio Aguinaldo Story ng eight awards.

"Ngayon, happy din ako na nabigyan ang Boy Golden ng Best Float Award."

Happy ba talaga o disappointed siya?

"Hindi," ang mabilis niyang tugon.

SM CINEMA BLAMED. Inamin ni Governor ER na masama ang loob niya, ang direktor ng pelikula na si Chito Roño, ang prodyuser na si Maylyn Enriquez, at ang kanyang leading lady na si KC Concepcion.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad niya, "Kasi nalaman namin from the officials ng SM Cinema na hindi naging maganda ang pagpapalabas doon ng pelikula ko.

"Putul-putol ang editing, nagkaroon ng foreign sound.

"Hindi maganda ang pag-exhibit ng pelikula sa SM Cinema kaya na-disappoint yung judges.

"Kaya kasalanan daw ng SM Cinema, e.

"Putul-putol, out of synch ang pelikula at nagkaroon ng technical problem ang Boy Golden.

"Pero nalaman namin na fault ng SM Cinema."

May source naman sa MMFF camp ang nagsasabing limang oras daw silang pinaghintay bago dumating ang pelikula for review.

At nang maisalang ito sa screen ay putul-putol ang mga eksena at di raw kumpleto.

May balita ring hindi pa raw talaga tapos ang Boy Golden nang ni-review ito ng awards committee. Kaya di rin kumpleto ang isinumite nila for review.

Mariing itinanggi ito ni ER.

Aniya, "Hindi. Natapos namin yung pelikula.

"Palagay ko, kung ano yung ipinalabas sa premiere night, yun din ang ipinalabas sa SM Cinema for review."

MMFF MANAGEMENT. Dahil sa mga ganitong aberya sa taunang film festival at resulta ng awards night, naniniwala si Governor ER na ibalik na sa mga taga-movie industry ang pamamahala ng MMFF mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA).

Saad niya, "Dapat na ibalik, kasi taun-taon na lang maraming intriga at hindi credible yung mga juror.

"Halos 50 percent ng mga juror, hindi taga-pelikula.

"Hindi nila maintindihan ang galing ng arte ng isang artista, hindi nila naiintindihan ang production design, ang cinematography, ang music, ang sound.

"Kailangang mahusay at magaling ang mga juror.

"Kailangang taga-pelikula ang kunin nila para maintindihan ang technical side at acting side ng pelikula.

"Dapat ibalik sa mga taga-pelikula."

Kabilang sa mga hurado sa MMFF 2013 ay ang award-winning actress-director na si Laurice Guillen; ang veteran cinematographer na si Romy Vitug; ang premyadong film editor na si Edgardo “Boy” Vinarao; at ang chairman ng National Commission for Culture And The Arts (NCCA) na si Felipe de Leon Jr.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hurado rin ang mga sumusunod: Rowena Reyes., Dean ng College of Liberal Arts at founding director ng Institute of Communications sa Colegio de San Juan de Letran; Father Tito Caluag, isang paring Katoliko at vice-president for Alumni Affairs ng Ateneo de Manila University; Fr. Jacinto Padua, padre parokya ng Sto. Niño de Tondo Parish Church; Ariella Arida; 2013 Miss Universe third runner-up; Christine Dayrit, Chairperson ng Cinema Evaluation Board (CEB) at isang writer/columnist ng The Philippine Star; Maan Lopez ng Theaters Association; Romilda Amago na housewife from Manila; Lorna Luna na student from Makati; Rex Ado na teacher from Mandaluyong; at Larry Anido na driver from Muntinlupa.

Read: Jurors of 39th Metro Manila Film Fest revealed



COMMITMENT. Sa kabila ng hindi magandang pangyayari sa Boy Golden, plano pa ring sumali ni Governor ER sa filmfest ngayong 2014.

Saad niya, "Commitment ko yun every year.

"Commitment ko rin ’yan to the late Fernando Poe Jr., kay Pangulong Joseph Estrada, at sa daddy ko [ang yumaong aktor na si George Estregan].

"Pati na sa mga taga-industriya na kailangan ng trabaho."

Dagdag niya, "Marami pa namang mas credible na award-giving bodies, e.

"Andiyan ang FAMAS, Star Awards, Golden Screen, Gawad Pasado, Gawad Tanglaw, Urian, at CMMA.

"Marami pang mas credible na award-giving body. At puro taga-pelikula."

May pelikula na ba siyang naiisip na isali sa MMFF 2014?

Sagot ni ER, "Nag-uusap na kami ni Direk Chito Roño.

"We’re planning to finalize the script of Balangiga Massacre.

"Tapos meron pa kaming isang project ni Erik Matti, yung Pedro Penduko at si Maria Makiling.

"Pero hindi pa sigurado. Depende rin kay Boss Vic del Rosario kung ano ang mapipili naming pelikula."

KC DISAPPOINTED. Tungkol naman kay KC, naospital din daw ang anak ni Megastar Sharon Cuneta pagkatapos nitong mag-host sa awards night ng MMFF 2013.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo nga, nagka-pneumonia siya," banggit ni Governor ER.

"Ako naman, na-tetanus ang paa ko."

Sabi pa niya tungkol kay KC, "Mag-aaral daw siya sa abroad sabi niya sa akin.

"Pero babalik siya at gagawa siya ulit ng pelikula."

Nanghihinayang daw si ER na hindi nanalong Best Actress si KC sa MMFF.

"Well, talagang nanghihinayang dahil binanggit ko sa statement ko, di ba, na kapag natalo si KC, nadaya."

Ang nagwagi ay si Maricel Soriano para sa Girl, Boy, Bakla, Tomboy.

Patuloy ng actor-politician, "So, hindi na-appreciate dahil nga sa SM Cinema.

"Yung technical team nila, hindi naayos yung showing, kaya hindi na-appreciate ng jurors ng MMFF."

Kung kasalanan nga ng SM Cinema, may gagawin ba siyang hakbang para kastiguhin ang management?

"Wala na tayong magagawa, tapos na ang awards night.

"Hindi na, hindi na kailangan," sabi ni Governor ER.

Ed’s Note: Bukas ang PEP sa panig ng SM Cinemas sa pahayag na ito ni Governor ER Ejercito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN