Senator Bong Revilla submitted separate letters to COA, NLDC linking him now to PDAF case

Senator Bong Revilla’s letter to COA dated July 8, 2011 indicates that he verified his signatures in documents of NGO projects funded by his PDAF. The said letter contradicts the senator’s civil case against whistleblowers, who allegedly forged his signatures in order to access his PDAF.

A separate letter from Senator Revilla to NLDC dated August 17, 2009, showed his transactions with dubious NGOs being linked to pork barrel mastermind Janet Lim-Napol


Lumutang na ang sulat ni Senator Bong Revilla sa Commission on Audit (COA) kung saan kinumpirma ng senador na kanya ang pirma sa mga dokumentong nag-apruba ng ibibigay na pondo para sa piling non-government organizations.

Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer ngayong araw, January 20, ang naturang sulat ni Senator Revilla kay COA Assistant Commissioner Arcadio B. Cuenco Jr. ay may petsang July 8, 2011.

Sabi ng senador sa kanyang liham kay Cuenco:

“After going through these documents and initial examination, it appears that the signatures and/or my initials on these documents are my signatures or that of my authorized representatives.”

Ito umano ang sagot ni Senator Revilla sa request ng COA na i-verify ng senador ang kanyang lagda sa mga dokumentong isinumite ng NGOs na tumanggap ng pondo mula sa kanyang PDAF.

Sa special audit report ng COA sa mga nai-release na PDAF mula 2007 hanggang 2009, lumabas na P503.69 million ang napunta sa mga diumano’y pekeng NGOs na nauugnay kay Janet Lim Napoles mula sa PDAF ni Senator Revilla.

Si Napoles ang itinuturong utak sa likod ng bogus NGOs na diumano’y tumanggap ng sampung bilyong piso (P10 billion) mula sa PDAF ng mga sangkot na mambabatas.

Kaugnay nito, sina Senator Revilla, Senator Jinggoy Estrada, at Senator Juan Ponce Enrile ay humaharap sa kasong plunder na isinampa ng Department of Justice at National Bureau of Investigation sa Office of The Ombudsman noong September 16, 2013.

Ito ay sa kadahilanang nagbulsa umano ng kickback sina Senator Revilla (P224,512,500), Senator Estrada (P183,793,750), at Senator Enrile (P172,834,500) mula sa ghost projects ng pekeng NGOs na itinayo ni Napoles.


AUTHENTICITY OF REVILLA’S SIGNATURES. Matatandaang nagsampa si Senator Revilla ng civil case laban sa whistleblowers ng pork-barrel scam, na pinangungunahan ni Benhur Luy, bandang late August hanggang early September noong nakaraang taon.

Ang kaso ay naglalayong ipawalang-bisa ang lahat ng mga dokumentong ginamit ng whistleblowers upang i-access ang PDAF ni Senator Revilla.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ay sa kadahilanang pineke umano ng whistleblowers ang pirma ni Senator Revilla at ng kanyang senior staff na si Richard Cambe para makuha ang PDAF ng senador.

READ: Senator Bong Revilla files civil case against pork-barrel scam whistleblowers

Ngunit umalma si COA Chairperson Grace Pulido-Tan nang ipahayag ng kampo ni Senator Revilla na kailangan pang mag-hire ng senador ng signature at handwriting expert para bigyang-linaw ang “authenticity” ng kanyang pirma sa mga naturang dokumento.

Ayon sa ulat ng 24 Oras ng GMA Network, sinabi ni Pulido-Tan na mismong si Senator Revilla ang nagkumpirma ng mga pinirmahan nitong dokumento para sa proyekto ng mga sangkot na NGOs.

“Oh, no, Senator Revilla is saying now that it’s fake.

“Pero nung humingi po kami ng confirmation sa kanya, he confirmed the authenticity of the signatures of his representatives…

“And we have everything in writing,” gulat na pahayag ni Pulido-Tan sa panayam ng 24 Oras noong August 22.

Read: Senator Bong Revilla confirmed authenticity of signatures on pork barrel documents — COA Chairman



IMPLEMENTING AGENCIES OF REVILLA’S PDAF. Pinagtibay ng July 8, 2011 letter ni Senator Revilla sa COA ang pahayag na ito ni Pulido-Tan.

Base sa kopya ng naturang liham na nakuha ng Inquirer, nagpasalamat pa ang senador sa COA dahil naging daan umano ang imbestigasyon ng naturang ahensiya upang makahingi siya ng “performance audit and evaluation” mula sa “implementing agencies” na nakatanggap ng kanyang PDAF.

Sabi ni Senator Revilla sa kanyang July 8, 2011 letter sa COA:

“I appreciate the efforts being undertaken now by the COA and it also gives me the chance and opportunity to ask the various implementing agencies why it took the central office of the commission to initiate this...

"...and would not submit their own performance audit and evaluation to me directly every end of the year whether these projects and programs are effective, beneficial and were able to reach more end users and target beneficiaries.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“I suppose they have their annual audit report and these funds are duly included and audited on those yearly report.”

Ang mga natukoy na implementing agencies na tumanggap ng PDAF ni Senator Revilla ay ang National Agribusiness Corp., ZNAC Rubber Estate Corp. at National Livelihood Development Corp (NLDC).

Ang pinuno ng NLDC Accounts Servicing and Asset Management Group na si Alexis Sevidal ay isa sa 38 taong sinampahan ng kasong plunder, malversation, graft, at bribery ng DOJ at NBI sa Office of The Ombudsman.

Ang NLDC, ayon sa NLDC.gov.ph, ay isang sangay ng gobyerno na nangangasiwa sa livelihood programs na layuning paunlarin ang “hard-to-reach agrarian reform communities” sa Pilipinas.

Ayon sa counter-affidavit na isinumite ni Sevidal sa Office of The Ombudsman, ang tungkulin ng NLDC ay limitado lamang sa liquidation at documentation ng nagastang pondo mula sa PDAF ni Senator Revilla.

Sinabi rin umano ni Sevidal na responsibilidad ng mambabatas na tiyakin na ang NGOs na pinagbigyan ng pondo ay “legitimate and capable of implementing the projects.”



REVILLA’S PREFERRED NGOS. Kalakip ng counter-affidavit na isinumite ni Sevidal ay ang liham ni Senator Revilla kay NLDC Chair Gondolina Amata na may petsang August 17, 2009.

Nakasaad dito na itinalaga ni Senator Revilla ang kanyang chief of staff na si Richard Cambe na mag-monitor at mag-assist sa implementasyon ng mga proyektong pinondohan ng kanyang PDAF.

Inatasan din ng senador si Cambe na siyang pipirma ng iba pang dokumentong kinakailangan para sa pagpapatupad ng mga naturang proyekto.

Ang mga sumusunod na NGOs na inuugnay kay Napoles ang tinukoy ni Senator Revilla bilang “our partners in the implementation of the program:

Agri and Economic Program for Farmers Foundation Inc. (P45 million), Social Development Program For Farmers Foundation Inc. (P40 million), Masaganang Ani para sa Magsasaka Foundation Inc. (P30 million), at Agricultura para sa Magbubukid Foundation Inc. (P20 million).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isinumite rin ni Sevidal bilang ebidensiya ang isang liham mula kay Senator Juan Ponce Enrile, kung saan ineendorso ng huli ang mga napiling proyekto ni Senator Revilla.

Giit ni Sevidal sa kanyang counter-affidavit, malinaw na mayroong transaksiyon sa pagitan ni Senator Revilla at ng mga napili niyang NGOs ni Napoles bago pa man ito makarating sa NLDC.

Dagdag na pahayag ni Sevidal: “Nowhere in these stages did I ever participate, as an employee of NLDC, or in my personal capacity.”

Samantala, sinubukan kapanayamin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang legal counsel ni Senator Revilla sa pamamagitan ng pagtawag sa tanggapan nito, ngunit hindi umano available ang abugado ngayong araw, January 20.

Pinadalhan din ng PEP ng mensahe via SMS at Facebook ang asawa ni Senator Revilla na si Congresswoman Lani Mercado-Revilla, upang alamin ang reaksiyon nito tungkol sa ebidensiyang nagpapatunay na hindi peke ang pirma ng senador sa diumano’y pakikipagtransaksiyon nito sa NGOs ni Napoles.

Ngunit at press time ay wala pang natatanggap na sagot ang PEP mula kay Congresswoman Revilla.

Nananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag na nais ipahayag ng kampo ni Senator Revilla tungkol sa isyung ito.

Ngayong hapon, January 20, ay nakatakdang magbigay ng privilege speech si Senator Revilla upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN