Manny Pacquiao challenges Floyd Mayweather Jr. to a charity match

Payag na si Manny Pacquiao na makipagsalpukan sa boxing ring kay Floyd Mayweather Jr. basta raw isa itong charitable match. Aniya, “Ang sa akin ay maglaban kami for charity. Wala kaming tatanggapin na premyo kundi yung maging kikitain naming dalawa is idu-donate namin sa foundation, makakatulong pa kami sa tao.”


Ilang taon nang pinapangarap ng boxing fans ang salpukang Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Pero hindi matuluy-tuloy ang inaasam-asam na dream match dahil hindi magkasundo ang dalawang kampo sa terms ng gagawing boxing match.

Marami rin daw kundisyon ang undefeated na si Mayweather Jr., na parang ikadedehado naman ng kampo ng Pambansang Kamao.



CHARITY MATCH. Sa panayam ng State Of The Nation ng GMA News TV kagabi, January 20, muling naghayag si Pacman na payag siyang makatunggali si Mayweather.

Aniya, “Kasi pinapalabas niya na pera lang ang habol ko para matuloy lang yung fight.

“Sabi ko, ang sa akin naman ay gusto ng mga fans ng boxing na matuloy yung laban namin para mag-enjoy naman sila, ’no.

"’Yan ang iniintay ng mga fans na laban na mapanood.”

Nag-ugat ang pahayag na ito ni Manny dahil noong December 23, 2013, isang tweet pic ang ipinost ni Mayweather sa kanyang Twitter account (@FloydMayweather).

Larawan ito ng isang “Christmas card” kung saan hinamon nito ang fighting congressman ng Sarangani Province sa isang laban. Ngunit tumanggi raw dito si Manny.

Lumikha ng ingay ang post na ito ni Floyd.

Read: Floyd Mayweather mocks Manny Pacquiao with "Christmas Card"

Sagot dito ni Pacquiao, “Ang sa akin ay maglaban kami for charity.

“Wala kaming tatanggapin na premyo kundi yung maging kikitain naming dalawa is idu-donate namin sa foundation, makakatulong pa kami sa tao.”



NOT MAD AT MAYWEATHER. Kahit daw binigyan na siya ng laya ng Top Rank para makipagnegosasyon sa kampo ni Mayweather, na nasa pamamahala naman ng Golden Boy Promotions, wala pa ring nangyayari rito.

Puro parinig at pang-aasar lamang ang kampo ni Floyd kay Manny.

Pero sa kabila nito, sinabi ng Pinoy boxer na hindi siya galit sa Amerikanong boksingero.

Sabi pa niya, “Willing akong makipaglaban sa kanya, ang problema lang, e, napakaraming dahilan niya.

"Hindi ako galit sa kanya, ayaw ko namang magtanim ng galit sa kapwa."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa tingin ng mambabatas, mangyari man daw o hindi ang pinakahihintay na dream match ng boxing fans, wala na siyang dapat patunayan.

Sabi ni Manny, “Para sa akin, kung matuloy man ang laban o hindi, walang hindi… walang bagabal sa akin, sa puso ko, dahil yung… yung na-accomplish natin sa boxing is ano na tayo, kumbaga, masayang-masaya na ako.

“Ang atin lang is yung mga kagustuhan ng mga fans na makita yung fight naming dalawa.”



APRIL 12, 2014. Muli namang sasampa sa boxing ring si Manny sa April 12, 2014.

Pero hindi pa niya pinangalanan ang kanyang makakalaban at kung saan ito gagawin.

Aniya, “April 12 ang date. ‘Yan yung April 12 sigurado na ‘yan.

“Pero hindi pa… hindi ko pa puwedeng i-anounce kung sinong talagang final opponent on April 12 at saka saang lugar.

“Siguro bigyan lang kami ng time para mai-announce namin ang kalaban at saka yung lugar.”

Naging matagumpay si Manny sa huling pakikipagtuos nito kay Brandon Rios para sa WBO (World Boxing Organization) International Welterweight Belt noong November 24, 2013, sa Cotai Arena, The Venetian Macao Resort, Macau.

Read: Manny Pacquiao wins fight against Brandon Rios


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN