Nagkaayos na si Charice at ang kanyang nakatampuhang lola na si Tess Relucio.
Naganap ang pagbabati nila noong Linggo, January 19, sa mall show ni Charice sa Pavillion Mall, Biñan, Laguna.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Lola Tess, sa pamamagitan ng telepono, kagabi, January 23, ay ikinuwento niya ang nangyaring pagbabati nila ng apo.
“Pumunta ako dun, dinala ako ng isa niyang Chaster [fans club ni Charice].
“May gusto lang kasi akong malaman kasi napakahirap kasi nung bali-balita.
"Binabalita nilang galit sa akin, kaya sinigurado ko lang.
“Kaya nung pumunta ako dun, e, iba naman ang naging totoo."
Dagdag ng lola ni Charice, “Oo naman, na-proud ako na sinabi niya yung totoo—na ang lola niya ang nagdala sa kanya sa larangan ng show business.
“Ang lola niya ang kauna-unahang naglagay sa kanya doon sa Pavillion Mall. Dalawang beses siyang nag-champion dun.
"Maligaya na ako na itinuro niya na, ‘Ayun ang lola ko tsaka ang pinsan ko,’ sabi niya.
"Kaya dun lang, nasiguro ko lang at nakita ko yung totoo."
PROUD LOLA. Patuloy niyang kuwento sa PEP, “Kasi bago siya dumating, mayroong host dun na nagsasalita dun, na itinuturo yung mga kamag-anak daw ni Charice.
"Tsaka yung nanay niya, itinuro sa kaliwang panig.
“E, nakaupo ako sa kanan na panig, hindi ako kumikibo.
"Nasa likuran ko yung mga tagahanga niya, yung mga Chasters niya.
“Tinitingnan ako ng mga Chasters, hindi ako kumikibo, hindi ako nagku-comment.
"Kasi pag nagkikita kami ng apo ko, hindi naman ako nagsasalitang dinig ng tao, e.
“Kahit na magkaharap kami—kaharap kami ng maraming tao—senyales lang naming dalawa, sapat na sa aming dalawa, e.
"Kaya natutuwa naman ako nung sinenyasan ko siyang bumaba, bumaba naman. Kumakanta.
“Pero alam mo ba, natutuwa naman ako na dati… dati medyo hindi na kayang kumanta [ni Charice] ng high pitch.
"Pero doon, talagang ganado siya, e, kaya tuwang-tuwa ako.
“Kaya sabi ng [staff] sa Star Records, ‘Pangkaraniwang mall show lang, ngayon, e, mas masahol pa sa concert, kasi maraming tao at masaya siya.’
"Oo, napakasaya niya talaga.”
ON MEETING ALYSSA. Gaya ng ina ni Charice na si Raquel Pempengco, bukambibig din noon ni Lola Tess na hindi niya kayang tanggapin ang relasyon ng sa kasintahan nitong si Alyssa Quijano.
Pero nang magkita sila ng apo noong Linggo, nakilala na rin daw niya si Alyssa.
Tanggap na ba ni Lola Tess si Alyssa para kay Charice?
Sagot niya, “Tinatawag ko si Alyssa, pinalapit ko, pinagmano ko.
“Tao ‘yan, e, wala tayong magagawa.
"Yun, e, damdamin nila ‘yan, e.
“Hindi natin sila haharangin sa kanilang damdamin.
"Kasi andiyan na sila, bakit mo pa sila kokontrahin?
“E, di suportahan mo na lang.
“E, yun ngang tunay na mag-asawa, may mga anak pa, nagkakahiwalay pa.
"E, pag dumating ang panahon na nagkasawaan at nagkaproblema, sila rin ang gagawa ng paraan nun.
“Kasi, kontrahin mo man nang kontrahin, e, sasakit lang ulo mo, e, di unawain mo na lang.
“Kanilang damdamin yun, e, hindi ko naman kayang ibigay sa apo ko yung hinahanap niyang kaligayan.”
May bilin pa raw si Lola Tess kay Alyssa para kay Charice.
"Basta sinabi ko lang… oo, wala naman akong problema sa anumang bagay, e.
"Basta ang sinabi ko lang sa kanya, ‘O, alagaan mong maigi si Charice, mahalin mo, magmahalan kayo.
"'Nandiyan na kayo, lumapit kayo sa mommy niyo [Raquel], naghihintay lang siya sa inyo.'
"Yun lang naman sinabi ko, wala na."
ON DAUGHTER RAQUEL. Kung nagkaayos na sina Lola Tess at Charice, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkakasundo ang singer at ang kanyang ina na si Raquel Pempengco.
Mahigpit kasi ang pagtutol ni Raquel sa relasyon nina Charice at Alyssa.
Read: Raquel Pempengco explains why she is against Alyssa Quijano for daughter Charice
Kaya daw pinayuhan ni Lola Tess sina Alyssa at Charice na kusa nang lumapit kay Raquel.
Pero, hindi rin daw niya masisisi ang apo kung hanggang ngayon ay hindi pa ito nakikipag-ugnayan sa ina.
Saad niya, “Kasi ang anak ko, kasi may ugali, e—hindi naman sa sinisiraan ko ano—may ugali, e.
"Hindi ko maintindihan din, kaya di ko rin masisi ang apo ko na magkaganyan, mangilag.
“May character din siyang… kasi noon-noong maliit pa si Charcie, sinabi niya sa akin na, ‘Nanay, ayoko po ng maingay, ayaw ko po ng magulo.”
Hindi na naipaliwanag nang mabuti ni Lola Tess ang iba pang detalye tungkol sa sinasabi niyang ugali ng anak.
Patuloy niya, “E, kami ni Charice, pag nagkita kami, walang sumbatan.
"Katulad nun [mall show], nung bumaba siya sa stage, paglapit niya sa akin, dinilaan lang niya ako, understood na naming dalawa yun.
“Sa mata lang kami nagkakatinginan, yung arte lang ng aming mukha, e, nagkakaintindihan na kami.”
Sobrang saya raw ng kanyang pakiramdam noong araw na yun.
Saad ni Lola Tess, “Ay, siyempre masaya ako.
"Kahit anong sabihin, iniisip ko yung apo ko, na hindi pala totoo yung mga naririnig ko sa iba.
"Kung minsan, e, iniisip ko na lang na ganito ang sinasabi ko, babaguhin naman ng iba."
“HINDI AKO NAMAMALIMOS…” Dahil nakakaangat na ang apo sa buhay, nagpahiwatig kaya ito sa kanya na kahit papaano ay susuportahan siya?
Paglilinaw ni Lola Tess, “Ay, hindi ako humihingi ng tulong!
"Kasi, ganito lang ang gusto ko, gusto ko rin namang makarating sa apo ko ito, ano.
“Sabi nung manager niya, si Glen Aldueza, ‘Nanay, saglit po, may ibibigay ako sa inyo,’ sabi niya.
"E, maraming mga tao dun na Chasters na nagpapa-picture-taking.
"Tapos nung pumasok siya [Glen] sa dressing room... nung lumabas siyang muli, e, isang binata ang lumabas na may kuyom-kuyom na… siguro pera yun.
“Pinabibigay nga raw ni Kuya Glen niya.
"E, ini-expect ko CD ni Charice ang ibibigay, dahil wala talaga kong perang pambili noon, dahil kinaladkad lang akong biglaan.
"Hindi ko tinanggap yung perang yun.
"Ewan ko kung ano, kung pera yun, kung ano.
"Basta ang inaasahan ko, CD ni Charice ang ibibigay sa 'kin."
Medyo nag-iba na ang tono ng pananalita ni Lola Tess sa puntong ito.
Sabi niya sa PEP, “Basta pakisuyo lang na paratingin kay Charice na binibigyan ako ni Glen, hindi ko tinanggap.
"Kasi hindi naman ako namamalimos, e, yun lang.
“Ayoko naman na para akong namalimos dun sa ginawa nila, e, hindi ako namamalimos.”
Diin pa nito, “Mamalimos ako sa iba. Sa kanila, hindi.
"Kasi tungkulin nila, dapat nilang gampanan.
"Gusto ko si Charice mismo ang makitaan kong mag-offer sa akin.
“At meron pang isa... Isipin mo, para bang bilanggo yung dumalaw, andudun sila sa kabilang panig, ayaw akong papasukin dun sa loob.
"Samantalang… bakit ganun?
“Yung lang ang gusto kong malaman, kung alam ba ng apo ko.”
AN APPEAL TO CHARICE. Naglabas din ng sama ng loob si Lola Tess dahil bago raw siya umalis pagkatapos ng mall show ay hindi man lang niya nakausap ang apo.
Himutok pa nito, “Hindi ako pinapasok dun sa dressing room, dahil sabi ko magpapaalam lang ako.
"Siyempre, lola ako.
"Yun ang akala ko, e, igagalang nila ako, igagalang niya ang lola niya.
“E, yung ginagawa nilang yun, mistulang hindi paggalang kay Charice, kaya iniisip ko rin na maaaring talagang utos ni Charice.
"Talagang ayaw akong papasukin ng mga bodyguards niya.
“Samantalang yung mga magulang nung dancers, andudun sa loob. Nakakapasok yung iba.
"Yun lang ang hinanakit ko.
"Kung pupuwedeng i-voice out yun na, para makarating kay Charice.
“Sinabi ko lang naman sa guard na magpapaalam lang ako sa apo ko—apo ko, e.
"Apo ko yun, laman at dugo ko, samantalang sila ay mga galamay lang niya.
“Sino ang may higit na karapatan—yung tunay na lola o sila?
"Gusto kong makarating yun kay Charice, baka hindi alam ni Charice.”
“MAGMULAT SANA NG ISIP SI CHARICE…” Pagkatapos ng halos sampung minutong pakikipag-usap ng PEP at kay Lola Tess sa telepono, nagpadala pa ito ng mensahe sa pamamagitan ng text.
Gusto raw niyang mabasa ito ng apo.
Narito ang buong text ni Lola Tess (published as is):
“Nagtataka lang ako anak bakit ayaw nila akong papasukin duon sa lugar ni charice ng mga amuyong nya..hindi ba nasasaktan kahit kaunti manlang si charice ,na ang lola nya mga amuyong pa nya ang mga bumabastos ..sabi nga ng mga tao duon bakit daw pinayagan ni charice na gawin sa akin yon ng mga galamay nya...
“Pakisabi hindi ako namamalimos para si glen alduesa ay magpa abot ng pera sa utusan nya...nakakahiya lola nya pinahintulutan nya na limusan ang matanda nagpalaki at nagsinop sa kanya..kung yong cd pang binigay nya tuwa sana ako...hindi ako namamalimos sa mga pinalaki ko...
“Kaya sa aking palagay ang mga amuyong nya ang nagpapa away sa aking pamilya .sila ang may dahilan kung bakit magkagalit ang pamilya ko .magmulat sana ng isip nya si charice.sa akin anak ok lang sanay na ako sa kanilang pinaggagawa sa aking nuon pa .”
