Vice Ganda optimistic that Vhong Navarro will be able to move on from present ordeal

Vice Ganda on Vhong Navarro: “Na kay Vhong ang suporta ko bilang kaibigan. Sinusuportahan ko siya para hindi siya panghinaan ng loob. Sinusuportahan ko siya na lahat ng mga nangyaring ito ay makakabangon siya."


Naniniwala si Vice Ganda na malalagpasan ng kasamahan niya sa It’s Showtime na si Vhong Navarro ang pinagdadaanan nito ngayong pagsubok.

Pahayag ni Vice, “Makaka-move on at makaka-move on... hindi lang natin alam kung kailan.

“Ang mahirap lang kasi dito, yung physical injury na natamo niya.

"Maghi-heal yun, e, anytime soon.

"Pero yung trauma, yung mga alaala ng hindi magagandang pangyayari, hindi natin alam kung hanggang kailan yun magli-linger sa kanya.

"At mahirap kung sa mahirap, but everyone has to move on.

“Kailangan nating tumayong lahat nang diretso, kasi meron tayong mga assignments sa buhay.

“Kung mapaparalisa tayo ng mga pangyayaring yun, hindi natin magagawa ang mga assignment na bigay sa atin ng Diyos—marami, e.

“Sa It’s Showtime pa lang, ako mismo, meron akong assignment, e.

"Kaya kailangan gawin ko ang assignment ko kahit dumurugo ang mga puso natin."

Nakisabay ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panayam ni Marie Lozano ng TV Patrol kay Vice kahapon, January 28, sa corridor ng ABS-CBN.

WHAT IS THE TRUTH? Noong Linggo, January 26, sa panayam ni Vhong sa Buzz Ng Bayan ay pinangalanan ng aktor ang negosyanteng si Cedric Lee at ang modelong si Deniece Millet Cornejo bilang direktang sangkot sa pambubugbog sa kanya noong Miyerkules ng gabi, January 22.

Naganap ang pambubugbog kay Vhong sa condo unit ni Deniece sa Forbeswood Heights, Bonifacio Global City.

Read: Vhong Navarro identifies alleged masterminds behind mauling incident

Noong January 27, Lunes, ay nagpa-interview sina Cedric at Deniece sa news programs at sa PEP upang mariing pabulaanan ang mga pahayag ni Vhong.

Iginiit din ng dalawa ang alegasyong attempted rape laban kay Vhong.

Read: Deniece Cornejo stands by attempted rape allegation against Vhong Navarro; bent on filing case against him

Read: PEP EXCLUSIVE. Cedric Lee denies "extortion" allegation of Vhong Navarro’s camp: "I don’t need to resort to that kind of raket para kumita ng pera."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang reaksiyon ni Vice sa mga pahayag nina Cedric at Deniece?

Saad niya, “Actually, sabi ko nga, it’s so weird. Pero ang scary ng mga nangyayari, sabi kong ganun.

“Wala naman talagang nakakaalam ng ano... lahat naman tayo nakikinig lang ng sinasabi nila.

“Wala naman talaga tayong karapatang humusga [kung] ano nga ba talaga ang nangyaring totoo at sino ba talaga... nakakatakot lang talaga.

“Kapag naririnig ko ang mga istorya, mga taong involved, lahat sila, natatakot ako.

"I feel so unsafe."

GETTING EMOTIONAL. Hindi rin daw mapigilan ni Vice na maging emosyunal sa mga nangyayari.

Aniya, “Noong malaman ko ‘yan, sobra akong emotional.

"Thursday afternoon [January 23], noong nalaman ko ang nangyari kay Vhong, sobra akong emotional.

“Niyakap ako ni Direk Bobet [Vidanes, It’s Showtime director].

"Kasi noong nalaman ko ang nangyari kay Vhong, nabi-visualize ko, bumabalik sa akin yung nangyari...

"Yung trauma na nangyari sa akin na yung tatay ko, pinatay sa harapan namin, na nakatutok sa akin ang baril.

“Parang bumabalik na naman sa akin.

"And I will never want this to happen to any of the people who matters so much to me.

“Kaya iyak ako nang iyak.

“Kahit wala ako dun, naiisip ko, natu-trauma na ako, nakakatakot. Nakakalungkot.

"Talagang nanginig ako. Nanlalamig ako.

“Kaya talagang hirap na hirap akong magtrabaho, sobrang hirap.”

THE VISIT. Nadalaw na raw ni Vice si Vhong sa hospital at nakausap na rin niya ito sa telepono.

“Kahit noong Sunday [January 26], noong nalaman ko na magsasalita na siya sa Buzz, tina-try ko siyang tawagan.

"Pero, ini-interview na pala siya nun kaya hindi ko siya nakausap.”

Ano ang sinabi niya kay Vhong nang magkausap sila?

“Pinapatawa ko siya, e.

“I have to be there na malakas, kasi paghuhugutan niya ako ng lakas.

"Hindi ako nagpapakita dun na nanghihina ako o umiiyak ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi lahat sila dun, umiiyak na. Lahat sila nalulungkot na.

"Ako, nagpatawa lang ako nang nagpatawa sa hospital.

“Natatawa rin siya.

“Sabi niya, ’Sira-ulo ka, lalong sumasakit ang sugat ko!’ Kasi, pinapatawa ko siya.

"Sabi ko, ’Pinapatawa kita kasi gusto kong malaman mo na sa lahat ng ito, may dahilan pa para maging masaya ka at matawa ka dahil, unang-una, buhay na buhay ka.

“’Yun pa lang, dapat paghugutan mo na yun ng saya at lakas ng loob,’ sabi ko sa kanya.

“Tapos, yun nga, noong nag-usap-usap na kami, yun nga, ’Kung gusto mong magsalita, magsalita ka.

"’Pero siguraduhin mo lang na ang sasabihin mo ay kung ano lang ang totoo. Walang iibahin, walang iimbento.

"’Kasi, kahit na maliit na detalye lang ‘yan na ibahin mo, imbentuhin mo, magdidire-diretso na ‘yan at walang maniniwala.’"

VHONG’S STORY. Tinanong ng PEP si Vice kung pabor ba siya sa ginawang pagsasalita at pagsisiwalat ni Vhong.

Tugon niya, “Agree ako na nagsasalita ang lahat ng parties.

"Kasi, karapatan niya naman yun. Karapatan ni Vhong na magsalita.

“Yung isang partido, karapatan din naman nilang magsalita nang sa ganun, tayo rin naman, di ba, bubuo tayo ng sarili nating istorya at sarili nating judgment sa mga pangyayaring yun.”

Kaso nga lang, dahil iba-iba ang istorya ng magkabilang partido ay nagkakaroon ng iba’t ibang opinyon at naguguluhan ang nag-aantabay sa isyung ito kung sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo.

Ayon naman kay Vice, “Talaga namang maguguluhan ang lahat ng tao, kasi nga, wala naman tayong pinanghahawakan sa mga sarili natin.

“Lahat tayo ay nakikitsismis lang tayong lahat, wala namang nakakita.

"Maging emosyunal tayong lahat, pero kailangan, kontrolin natin ang mga emosyon.

“Kasi, lalong lalaki ang gulo kung lahat tayo makikidawdaw. Kung lahat tayo magbibigay ng mapapangit na salita at komento sa lahat.

“Mahirap man, pero kailangan nating maniwala pa rin sa sistema ng hustisya sa bansa natin at maniwala tayo.... na humingi tayo ng tulong na sana, magkaroon ng hustisya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bilang kaibigan, naniniwala ba si Vice nang buung-buo kay Vhong?

Tugon niya, “Na kay Vhong ang suporta ko bilang kaibigan.

"Sinusuportahan ko siya para hindi siya panghinaan ng loob.

“Sinusuportahan ko siya na lahat ng mga nangyaring ito ay makakabangon siya.

"At sinusuportahan ko siya na lahat tayo, siya mismo, may matutunan sa pangyayaring ito.

“Lahat tayo, bilang kaibigan at kapamilya, anuman ang mangyari sa kapamilya at kaibigan mo, kailangan nandodoon ka.”

ISSUES ABOUT IT’S SHOWTIME HOSTS. Hiningan din namin ng reaksiyon si Vice sa obserbasyon ng ilan na tila nagkakasunud-sunod ang isyung kinasasangkutan ng mga host ng kanilang programang It’s Showtime.

Nariyan ang slapping incident ni Anne Curtis; ang pagkakamabutihan nina Billy Crawford at Coleen Garcia; at ngayon naman ay ang pambubugbog kay Vhong.

Pahayag ni Vice, “E, siguro, magkakasama man kami sa isang programa o hindi, meron at meron din namang mangyayaring maganda o hindi sa aming lahat.

“Nagkataon lang na nagkasama-sama kami.

"Pero, hindi kasi ako naniniwala sa ganun.

“Lahat ng ito ay may dahilan kung bakit nangyayari at hindi lang naman sa amin, kung hindi sa ibang tao, nangyayari rin naman ‘yan.

“Nagkataon lang na magkakagrupo kami.”

Anong lesson ang nakuha ni Vice sa nangyaring ito kay Vhong?

Tugon niya, “Ang lesson lang ay mag-ingat tayong lahat.

"Sa lahat ng ginagawa, pinupuntahan o nakakasalamuha natin, mag-ingat tayong lahat."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN