Melanie Marquez strengthens faith in God after vehicular accident

“Talagang nagdadasal ako. Sabi ko, ‘God, please allow me to save my companions. Then, you can get my life,’” recalls Melanie Marquez about her prayer when she and other companions got involved in a vehicular accident.


Nasa Pilipinas ngayon ang dating Miss International na si Melanie Marquez, dalawang buwan pagkatapos ng kanyang vehicular accident sa Arizona, USA.

Kaninang umaga, February 11, ay nakapanayam siya ng Unang Hirit hosts na sina Arnold Clavio at Susan Enriquez tungkol sa aksidenteng nangyari sa kanya noong Disyembre 2013.

Ayon kay Melanie, mabuti na ang kalagayan niya ngayon bagamat under recovery pa rin siya dahil sa fracture na natamo sa kanyang spine at sternum.

“Recovery ako sa spine ko. Kasi yung gitna ng spine ko, na-compress, e, fractured severely.

“At saka po yung aking sternum dito sa dibdib ay nabali. Kaya lumiit ang lungs ko.

"Mayroon akong breathing exercise para lumaki ulit yung lungs ko na nag-compress."

Read: Melanie Marquez survives car accident in Arizona

THE ORDEAL. Binalikan din ni Melanie ang kinasangkutang aksidente.

Pauwi na raw siya at tatlo pang kasamahan, mula Arizona papuntang Utah, nang biglang humampas sa kanilang sasakyan ang malakas na hangin.

"Kaya yung truck namin, talagang nag-slide kami, umikot, nag-slide kami paatras. Nag-slide lang po kami.”

Siya raw ang nagmamaneho ng truck.

Sinubukan daw niyang bumangga sa konkreto upang magkaroon ng kontrol sa sasakyan habang pabagsak sila.

Patuloy ni Melanie, “Noong bumagsak kami, makikita mo yung hampas ng truck ko doon sa gilid ng konkreto.

“‘Yon nga lang, yung impact, talagang malakas.

“Sa impact, talagang humampas ako sa steering wheel. Doon lang ako napapikit.

“Kitang-kita ko ang lahat ng nangyari.

"Pagkapikit ko, parang may sumampal sa akin. ‘Yon pala, yung airbag ko, parang itinulak naman niya ako patalikod.”

Nahirapan daw sina Melanie na buksan ang pinto nang bumagsak na sila.

At nang mabuksan niya ang pintuan ng sasakyan, naramdaman daw ng beauty queen-actress na hirap na siyang huminga.

Ngunit hindi naman daw ito naging hadlang para humingi siya ng saklolo.

Kuwento ni Melanie, “Sabi ko, hindi puwede, hindi puwedeng may mamatay dito, kasi I felt na responsibilidad ko sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Naglakad ako, pero naramdaman ko na bali na ako.

"Kasi yung likod ko, yung katawan ko, nakaganun na [sabay liyad].

“Hindi ako makaakyat kasi kongkreto talaga na 13 feet, imposible talaga akong makaakyat.

“Sabi ko, titingnan ko na lang, maglalakad ako.

“[Pagdating ng] half mile, nakita ko na hanggang dito yung konkreto... nakita ko yung mga konkreto na malalaki na may wires.

"Sabi ko, doon ako gagapang.

“Talagang nagdadasal ako. Sabi ko, ‘God, please allow me to save my companions. Then, you can get my life.’”



ANSWERED PRAYER. Sa puntong ito, sabi ni Melanie, “Doon ko naramdaman yung unseen force humila sa akin.

"May humila talaga sa akin, hinawakan ako sa [siko] para itayo ako.

“’Tapos napatayo ako sa paa ko, yumakap lang sa akin, ‘tapos nakadiretso na ang katawan ko.

"Paglakad ko sa mountain, ramdam na ramdam ko na I was comforted, na it’s the angel that God has sented me [sic].

“Sinabi ko lang talaga na, ’Pabayaan N’yo lang akong i-save ang companion ko, then kunin N’yo na ang buhay ko after that.’

“That’s the time na noong nakaakyat ako, tumawag ako sa 911.

"Wala kaming signal sa baba kaya ako umakyat.

"We were able to be rescued.”

Bago ang pagtawag sa 911, ayon kay Melanie, tinawagan muna niya ang kanyang anak.

“Kasi yung 911, I can’t give the wrong information.

“So, sabi ko sa anak ko, ‘Anak, please, please help me. We are really in a terrible accident. Trace me.’

“Yung asawa ko ang naka-trace sa akin.

“Sabi ko, ‘Sabihin mo sa 911 yung satellite, nandito may signal ako. Sa bundok ako, hindi ko alam kung nasaan ako.’

“After two hours, doon lang dumating yung rescue, yung ambulance, yung fire trucks.”

Bukod kay Melanie, nagtamo rin ng fracture ang iba pa niyang kasamahan.

Ang anak niyang si Adam Jr. ay pasa lamang daw ang natamo, subalit nakakaramdam daw ng matinding trauma kaya sumasailalim ito ngayon sa therapy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



TESTIMONY OF FAITH. Dala na rin ng adrenaline rush kaya nagawa raw makaakyat ni Melanie sa kabila ng mga fracture na natamo.

“Sabi ko, ‘Ako, I was there. I know God exists. I know God listened to my prayers. I know my faith never waiver.’

“Sabi ko, ‘Alam ko ang Diyos ang buhay. Alam ko na mahal ako. Alam ko na pakikinggan Niya ang dasal ko dahil hindi pansariling dasal kundi sa pangkalahatan, and He sent an angel.’”

Dahil sa pangyayaring ito, ayon kay Melanie, mas tumibay ang pananampalataya niya sa Diyos.

“Ang pananaw ko sa buhay ay lalong tumatag.

“Ang pananampalataya ko sa Diyos ay lalong tumibay talaga.

“Kasi naniniwala ako na hindi natin nakikita ang Panginoon, pero naririnig tayo at alam ko nandito Siya.

“Noong bata akong tao, hindi ako relihiyosong tao, pero paladasal ako.

“Never, hindi ako nagdalawang-isip sa pananampalataya ko, ang Diyos po ay buhay.”

Sa huli, ganito rin halos ang naging mensahe ni Melanie para sa publiko tungkol sa kanyang karanasan.

Aniya, “Huwag kayong mawalan ng pag-asa, basta ang pananampalataya po ninyo ay nandiyan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN