Mat Ranillo III’s camp says actor informed lawmakers about Janet Lim Napoles’s illegal dealings in 2007 but was ignored

Dismayado ang aktor na si Mat Ranillo III sa pagkakadawit niya sa pork-barrel scam, ayon sa abugado ng aktor na si Atty. Morel Callueng. Gayunpaman, handa raw tumestigo ang aktor kung kinakailangan para sa ikalulutas ng kaso.


Malinis ang konsensiya ni Mat Ranillo III at handa raw siyang umuwi sa Pilipinas para harapin ang mga tanong tungkol sa pagkakadawit niya sa pork-barrel scam.

Ito ang pahayag ng abugado ng aktor na si Atty. Morel Callueng sa panayam ng TV Patrol na ipinalabas kagabi, February 17.

Sa panayam ng North America Bureau ng ABS-CBN News kay Atty. Callueng sa Los Angeles, California, sinabi nitong matagal nang inalarma ni Mat ang ilang mambabatas tungkol sa katiwalian ng itinuturong pork-barrel mastermind na si Janet Lim Napoles, subalit hindi umano pinakinggan ang aktor.

“As early as 2007, inalarma na ni Mr. Ranillo ang ating ibang mga mambabatas tungkol sa mga aktibidades ni Mrs. Napoles.

"Pero anong nangyari? Walang nakinig sa kanya,” sabi ni Atty. Callueng.

Nadismaya naman umano si Mat sa pagdamay sa kanya ng whistleblowers na sina Ruby Tuason at Benhur Luy sa maanomalyang paggamit ng pork barrel ng mga mambabatas.

Sa sinumpaang salaysay ni Tuason sa National Bureau of Investigation noong February 4, nakasaad dito na nakakuha umano ng mga kickback si Mat sa pagde-deliver niya ng pork-barrel funds sa kampo ni Senator Jinggoy Estrada at ina nitong si dating Senator Loi Ejercito.

Read: Actor Mat Ranillo III named courier of PDAF kickback by Ruby Tuason

Nang magkakilala sina Napoles at Mat noong 2004, nag-alok umano si Napoles na tulungan ang aktor sa pagtakbo nito bilang congressman sa second district ng Zamboanga.

Ayon kay Atty. Callueng, noong 2007 ay ibinalik ni Mat kung anuman ang kinita niya mula sa mga transaksiyon nito kay Napoles.

Meron din daw mga dokumento ang kampo ni Mat upang patunayan ang kanilang sinasabi, at ipakikita nila ito sa tamang oras.

Saad pa ng abugado, kaya nagdesisyon si Mat at ang kanyang pamilya na manirahan na lang sa U.S. noong 2009 ay dahil wala raw sinuman mula sa pamahalaan ang gustong makinig sa kanyang nalalaman tungkol kay Napoles.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit handa naman daw si Mat na tumestigo tungkol sa pork-barrel scam kung kinakailangan, ayon pa sa abugado.

Maaaring ipatawag ng Senado si Mat para tumestigo, pero wala pa raw natatanggap na abiso ang kampo ni Mat mula sa kahit anumang sangay ng gobyerno.

Sabi ni Atty. Callueng, “So, in due time, pag naaral naming lahat at ayos ang seguridad niya at puwede siyang umuwi, bakit hindi?”

Samantala, sinabi naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na pag-aaralan muna ng DOJ at ng NBI ang pagkakasangkot ni Mat sa kontrobersiya.

Hindi kabilang si Mat nang sampahan ng kasong plunder ng DOJ at NBI noong September 16, 2013 sina Senator Jinggoy Estrada, Senator Juan Ponce Enrile, Senator Bong Revilla Jr. at 35 iba pa na sangkot diumano sa P10-billion pork barrel scam.

Dahil dito, maaari lamang umanong ituring na “ordinary witness" si Mat sa pag-usad ng kaso.

Hiniling naman ni Senator Antonio Trillanes IV sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong February 13, Huwebes, na ipa-subpoena sa NBI si Mat sa susunod na pagdinig ng pork-barrel scam.

Inaprubahan naman ito ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Teofisto "TG" Guingona, gayundin sa pagkuha ng subpoena para maiharap ang cash vouchers ng mga komisyong tinanggap umano ni Mat mula sa pakikipagtransaksiyon nito kina Napoles at Senator Estrada.

Read: Mat Ranillo III willing to testify in PDAF scam investigation, says DOJ Secretary Leila de Lima


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN