German Moreno saddened by issues about Walk of Fame; still waiting for Quezon City to be declared "City of Stars"

German "Kuya Germs" Moreno on issues about Walk of Fame: may mga bagay na hindi maintindihan ng iba. Like, halimbawa, meron kang iniligay na pangalan, ‘tapos ayaw papuntahin yung anak. Why? Dahil daw sa merong mga hinanakit sa mga ganyan. E, hindi na maganda... Hindi bale na. Someday, they will know it. E, hindi ko na lang pinapatulan dahil maaaring wala sa sarili.”


May Walk of Fame na rin sa paligid ng GMA Network Center kung saan makikita ang mga pangalan ng mga artista at iba pang mga personalidad na Kapusong maituturing mula noon hanggang ngayon.

Kahapon, Linggo, March 23, nagkaroon ng inauguration nito na pinangunahan ng Master Showman na si German Moreno at ilan sa executives ng GMA.

Si Kuya Germs ang nagpasimuno ng ganitong klaseng pagbibigay-parangal sa mga artista at iba pang celebrities.

Naging panauhing-pandangal dito sina Senator Tito Sotto, Quezon City Mayor Herbert Bautista, at Manila Vice Mayor Isko Moreno.

Nakiisa rin sa pagtitipon ang maraming Kapuso stars, pati na ang personalities ng GMA News & Public Affairs, at ilan pang celebrities na malapit kay Kuya Germs.

Banaag sa mukha ni Kuya Germs ang kaligayahang marami ang dumalo sa nasabing okasyon.

Pero hindi kaya magdulot ng kalituhan sa publiko na naging dalawa na ang “Walk of Fame”? Isa sa Eastwood, Libis, Quezon City, at ngayon naman ay mayroon na rin nga sa GMA compound sa Edsa at Timog Avenue, sa Quezon City pa rin.

Paliwanag ni Kuya Germs sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Sa network naman ito.

“Dahil ang buong Quezon City, paliligiran someday ng mga ganyan.

“Dahil ‘City of Stars’ nga ang Quezon City, ‘di ba?

“Hindi ibig sabihin na komo nasimulan ko na sa Eastwood, e, wala nang puwedeng paglagyan pa, ano?

“Buong Quezon City, sa mga darating na panahon… I hope, ha!

“Halimbawa, yung mga lugar gaya ng Sampaguita Compound at LVN Studio, e, ‘yon dapat, meron ding mga ganito.

“Yung original nga na plano ko sana nito, sa Quezon Avenue hanggang makarating nga sa Quezon City Hall.

“E, hindi nagawa.”



ISSUES. Parang na-inspire ang GMA na magkaroon ng kaparis ng kanyang Walk of Fame. Ano ang kanyang pakiramdam kaugnay nito?

Sabi ni Kuya Germs, “Well, masaya na malungkot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Masaya dahil nagagawa ko pa rin yung gano’n, hangga’t nandidito pa ako, ‘di ba?

“Maybe someday ABS-CBN will do it also doon sa paligid nila.

“Para makita rin naman ng mga aristang nagtrabaho doon na malaking tuwa para sa mga artista na may ganoon, para sa kontribusyon na nagawa nila sa network.”

Bakit naman sa isang banda ay nakakaramdam din siya ng lungkot?

Paliwanag niya, “E, merong ano, e… may mga bagay na hindi maintindihan ng iba.

“Like, halimbawa, meron kang iniligay na pangalan, ‘tapos ayaw papuntahin yung anak. Why?

“Dahil daw sa merong mga hinanakit sa mga ganyan. E, hindi na maganda.”

Ayaw nang mag-elaborate pa ni Kuya Germs tungkol dito. Hindi rin daw niya gustong magbanggit ng pangalan kung sinu-sino ang pinatutungkulan niya.

Aniya, “Hindi bale na. Someday, they will know it.

“E, hindi ko na lang pinapatulan dahil maaaring wala sa sarili.”

Kaugnay ng katatapos na inauguration ng Walk of Fame sa GMA, may Kapuso celebrities na inaasahang dadalo ngunit hindi nakarating.

Pero paglilinaw ni Kuya Germs, “It doesn’t mean na winalang-bahala nung iba. Hindi.

“May mga reason kung bakit yung iba, wala rito.

“Na merong mga prior commitments o mga schedule ng trabaho yung iba.”



CITY OF STARS. Kung meron man daw pangunahing ikinatatampo ni Kuya Germs, ito ay ang pagkakabinbin ng goal at vision niya na maideklarang “City of Stars” ang Quezon City at yung Walk of Fame na dapat nga ay babaybay mula Quezon Avenue hanggang sa may Quezon City Hall.

“Yung merong ‘Welcome To Quezon City: The City Of Stars.’ ‘Yon sana ang pinapangarap ko.

“E, yung mayor [Herbert Bautista] natin ngayon e showbiz personality, ‘di ba?

"Nalagay naman ang pangalan niya sa Eastwood. Sana inaprubahan na niya na ma-implement ito.

"Ang kulang na lang ay yung implementation.

“Dahil hindi ko makita ang logic na… ano’ng diperensiya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Naaprubahan na ng mga city councilors, pagkatapos ay yung implementation ang kulang.”

Nakapag-usap na ba sila ni Mayor Herbert tungkol sa tampo o hinaing niyang ito?

Tugon ni Kuya Germs, “Oo, ilang beses ko nang sinasabi sa kanya iyon, e.

“Kaya nakakaramdam ako ng tampo. E, showbiz siya, e.”

May nasabi bang dahilan sa kanya si Mayor Herbert kung bakit hindi pa rin ito nai-implement hanggang ngayon?

“E, siya na lang ang tanungin mo siguro kung anong dahilan. Oo.”

Hindi kaya para magkaroon ng implementasyon para rito ay kailangan munang maging bahagi siya ng konseho ng Quezon City?

Saad ni Kuya Germs, “Hindi naman kailangan, e.

“Para gumawa ka ng isang magandang bagay, kailangan pa bang magkandidato ka at kumuha ng posisyon?

“E, approved na naman iyon ng mga councilors. So, ano pa ang dapat para ma-implement ito, ‘di ba?

“Ilan ba ang councilors? Napakarami!

“Isa lang naman ang mayor, kaya yung mayor ang ano…” napakibit-balikat na lang si Kuya Germs.

Sa hiwalay na panayam naman ng PEP at iba pang miyembro ng media kay Mayor Herbert, tiniyak nitong may ginagawa na siyang hakbang upang maisakatuparan ang mungkahi ni Kuya Germs na maging “City of Stars” ang Quezon City.

At sa loob ng dalawang taon ay magaganap na raw ito.

Read: Mayor Herbert Bautista assures Quezon City will be declared "City of Stars" within the next two years



OPM THEATER. Bukod sa pagpapalawak ng Walk of Fame sa maraming panig ng Quezon City, may iba pa bang gustong maisakatuparan si Kuya Germs para sa industriya?

Saad niya, “Yung OPM [Organisayon ng mga Pilipinong Mang-Aawit] people, sinasabi ko nga kay Ogie [Alcasid, president ng OPM] na tutal binigyan siya ng katungkulan ni Presidente Noynoy [Aquino], e, ipaglaban nila na magkaroon sila ng OPM Theater.

“Para yung mga members ng OPM, magkaroon sila ng place na doon sila magpi-perform. And then, doon magbebenta ng mga CD na original.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung parang place nila talaga na makakapanood ang ating mga kapwa Pilipino ng ating mga members ng OPM.

“So, katulad ng aking pinupursigi, ang Metropolitan Theater, kailangan na ma-revive o ma-restore.”

Di ba’t pinangunahan na niya noon ang adhikain para ma-restore ito?

Ayon sa Kapuso TV host, “Walang nagsusuporta, e.

“Si Gloria Macapagal Arroyo, nung Presidente siya, nagkaroon siya ng P100 million at ipinaayos ang Metropolitan Theater.

“Naayos naman, pinabayaan lamang.

“O, kung nagtuluy-tuloy na sana ‘yon…

“E, natapos ang term ni Gloria, ito namang nakaupo ngayon, dapat e naaasikaso nga, ‘di ba? Dahil landmark ‘yan ng ating bansa, e.

“So, sana magkaroon ng puso sa kultura.”

Noong naging presidente ng Actor’s Guild si Kuya Germs, pinangarap din daw niyang magkaroon sana ng clubhouse ang nasabing samahan ng mga artistang Pilipino.

“Ang pondo, wala naman,” nailing na lang niyang sambit.

“Pero nakalikom ako ng three million pesos nang iniwanan ko ang pagiging presidente nito. E, walang nangyari na.

“Si Rez Cortez yata ngayon ang presidente ng Actors’ Guild.

“E, hindi rin naman madali ang mamuno ng ganitong samahan.

“Sa MOWELFUND nga, may nasimulan na akong Paradise of the Stars doon.

“Tinatawagan ko nga yung mga artista, nananawagan ako sa mga artista… sana naman mag-cooperate sila.”

Hiling daw niya sa mga artista na sila na sana ang magpagawa ng mga lifesize photo nila na may stand bilang kontribusyon para sa Paradise of the Stars na naroon sa compound ng MOWELFUND.

“Para dun sa mga batang nagtu-tour doon, na nakikita nila iyon doon.

“Hindi natin kaya ang rebulto, kaya iyon na lamang sana water-proof.

“Si Daniel Padilla, nagbigay na, at saka si Carla Abellana.

“Nanawagan na rin ako sa ABS, na sana naman yung mga artista din nila.”

Mahigit 50 years na si Kuya Germs sa industriya. At utang daw niya sa kanyang propesyon bilang isang artista at TV host kung anuman ang tinatamasa niya ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya, “Kaya gano’n ko kamahal ang showbiz.

“Gusto kong laging may nagagawang maganda para sa industriyang ito.

“Ito ang mission ko, ibinigay sa akin ni Lord.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN