Itinuturing ni Roxanne Cabañero na “harassment” ang civil case na isinampa laban sa kanya ng Slimmers World International, ang organizer ng Miss Bikini Philippines kung saan naging contestant siya noong 2010.
Bukod sa damages na umaabot sa halos P1.6 million, na hinihingi ng naturang kumpanya laban kay Roxanne, hiniling din nilang huwag na nitong banggitin ang "Slimmers World" at "Miss Bikini Philippines" sa kanyang mga panayam.
Sabi ni Roxanne sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News kahapon, April 14, “Of course, feeling ko, naha-harass talaga ako.
"Masakit siya. Stress.
“Sobrang nai-stress ako sa mga pangyayari.
"Pinaglalaban ko yung isang bagay, 'tapos ito, medyo humaharang para ipaglaban ko yung dapat kong ipaglaban.
"So, yun lang, medyo masakit."
Ang tinutukoy ni Roxanne na kanyang ipinaglalaban ay ang diumano’y panggagahasa sa kanya ng actor-TV host na si Vhong Navarro noong April 2010.
CONNECTED TO VHONG’S CAMP? Nauna nang kinuwestiyon ng abugado ni Roxanne na si Atty. Virgilio Batalla ang hakbang ng Slimmers World na sampahan ng kaso ang kanyang kliyente.
Ayon kay Atty. Batalla, wala namang nagawang danyos si Roxanne mula noong 2010 hanggang ngayon, o maging nang pumutok ang naturang kontrobersiya.
Sinabi rin ng abugado na hindi kayang magbayad ng kanyang kliyente ng naturang halaga, dahil mahirap lang daw ito at nawalan pa ng trabaho simula nang maghain ito ng reklamo laban kay Vhong.
Sa panayam pa rin ng ABS-CBN News, muling iginiit ni Roxanne na hindi niya kayang magbayad ng naturang halaga dahil mahirap lang sila.
Nawalan din daw siya ng hanapbuhay nang pumutok ang kanyang reklamo.
Saad pa niya, “Siyempre, nasa-shock ako at nakakadismaya. But we'll see.
"Nandiyan yung lawyer ko at I'm very confident na ipaglalaban niya ako, dahil ang pinaglalaban namin ang katotohanan.
"Karapatan kong sabihin kung anuman ang meron doon sa katotohanan na 'yon, and I'm not going to be discouraged by any of this harassment or yung mga tactics nila."
Naniwala ba siyang konektado kay Vhong ang reklamong inihain laban sa kanya ng Slimmers World?
Sagot ni Roxanne, “Obviously.”
Mariin namang itinanggi ng legal counsel ng Slimmers World, si Atty. Sunita Chua, na may kaugnayan ang kanyang kliyente at kay Vhong.
"HINDI AKO MATITINAG..." Hindi rin daw nawawalan ng pag-asa si Roxanne pagkatapos ibasura ng Department of Justice (DOJ) ang kaparehong reklamong isinampa naman ni Deniece Cornejo laban kay Vhong.
Aniya, “No. Sinasabi ko yung totoo.
"Hindi ako mawawalan ng pag-asa o madi-discourage, no.
"If na-dismiss yung kaso niya kay Deniece, that I don't know why, kasi hindi na ako nakikinig ng mga balita.
"I'm not reading anything anymore, kasi lahat ng comments, nasasaktan ako.
"So, I try to avoid that part."
Bukod sa pagkakabasura ng reklamong rape ni Deniece, naglabas na rin ang Taguig Metropolitan Trial Court ng warrant of arrest para sa mga sangkot sa pambubugbog kay Vhong noong gabi ng January 22, 2014, sa Forbeswood Heights Condominium, Taguig City.
Maliban kay Deniece, kabilang din sa nabigyan ng warrant of arrest sina Cedric Lee, Bernice Lee, Simeon “Zimmer” Raz Jr., Jed Fernandez, Ferdinand Guerrero, at Jose Paolo "JP" Calma.
Ito ay dahil sa kasong grave coercion na kinahaharap ng mga akusado.
Sa parte naman ni Roxanne, determinado siyang makamtan ang katarungan mula sa diumano’y panghahalay sa kanya.
"Right now, disappointed, but hindi ako nawawalan ng pag-asa.
“I'm here to tell the truth. That's all.
"The person did something wrong to me. He wronged me.
"Sa akin lang, nasa-shock ako with everything, kasi ang ipinaglalaban ko ay hustisya, karapatan ko bilang babae, 'tapos ngayon ito na naman.
“It hurts. Hindi mo kasi alam kung sino ang kakampi mo o hindi, e.
"Right now, I'm just in shock and disappointed.
"Gusto ko lang malaman nila na hinding-hindi ako susuko sa labang ito with Vhong.
"Hindi ako matitinag."
