Nakapagpiyansa na si Deniece Cornejo para sa kasong grave coercion na isinampa ni Vhong Navarro laban sa kanya.
Kaugnay ito ng insidenteng pambubugbog sa It’s Showtime host noong gabi ng January 22, 2014, sa Forbeswood Heights Condominium, Taguig City.
Ayon sa radio report ng dzBB, nagtungo si Deniece sa Taguig Metropolitan Trial Court kaninang umaga, April 16, upang bayaran ang piyansa na nagkakahalaga ng P12,000.
Matatandaang pormal na inihain ng DOJ sa Taguig MTC ang kasong serious illegal detention at grave coercion laban sa grupo nina Deniece at Cedric Lee noong Huwebes, April 10.
Nauna nang inihayag ni Deniece na dismayado siya sa desisyon ng Department of Justice (DOJ) na ibasura ang reklamong panggagahasa na inihain niya laban kay Vhong.
Sabi ni Deniece sa panayam ng 24 Oras noong April 10, “Ako na na-rape, ako na naperhuwisyo, ako na nagpalampas, 'tapos ako pa ang kakasuhan.
“Napaka-unfair naman 'yan sa part ko, at sa part ng pamilya ko."
Dagdag pa niya, “halatang halatang may pinapanigan” ang DOJ kaugnay ng kaso ni Vhong.
Nanindigan din ang dalaga na hinalay siya ng It’s Showtime host nang gabing bisitahin siya nito sa kanyang condo unit noong gabi ng January 22.
DOJ’S ARREST ORDER. April 11, Biyernes, nang mag-isyu ang Taguig MTC ng warrant of arrest para sa kasong grave coercion na kinahaharap ng grupo nina Deniece at Cedric.
Kabilang sa iba pang akusado sina Bernice Lee, Simeon “Zimmer” Raz Jr., Sahed “Jed” Fernandez Abuhijleh, “Jose Paolo “JP” Calma, at Ferdinand Guerrero.
Umaga ng Lunes nang magtungo si Jed sa Taguig MTC upang magbayad ng piyansa bago pa siya mahainan ng warrant of arrest.
Read: Accused in Vhong Navarro grave coercion posts bail
Maliban kina Deniece at Jed, hindi pa nakakapagpiyansa ang iba pang respondents sa kasong grave coercion na isinampa ni Vhong.
Ayon sa ulat ni dzBB reporter Cecil Villorasa ngayong araw, inutos ni DOJ Secretary Leila De Lima na arestuhin ang limang respondents na sina Cedric, Bernice, Zimmer, Jed, JP, at Ferdinand.
Ito ay sa kadahilanang hindi pa rin sila personal na nagpunta sa korte upang magpiyansa.
Nagkataon namang tapos na ang office hours ng korte simula kaninang alas-dose ng tanghali, sanhi ng Holy Week break.
Sa Lunes, April 21, pa maaaring makapagpiyansa ang mga natukoy na akusado para sa kasong grave coercion na kinahaharap nila.
Sinubukang hingan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng opisyal na pahayag ang legal counsel nina Cedric, Deniece, at Berniece na si Atty. Howard Calleja hinggil dito, ngunit hindi pa sumasagot ang abugado hanggang sa ngayon.
