Iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media sina Cedric Lee at Simeon “Zimmer” Raz Jr. ngayong araw, April 28.
Sina Cedric at Zimmer ay parehong nahaharap sa kasong serious illegal detention at grave coercion sa Taguig Regional Trial Court.
Kaugnay ito ng pambubugbog sa aktor na si Vhong Navarro sa Forbeswood Heights Condominium, Taguig City, noong January 22, 2014.
Ayon sa ulat ng dzBB Super Radyo, mananatili sina Cedric at Zimmer sa NBI detention facility, kung saan pansamantalang nakakulong ang dalawa mula nang makabalik sila sa Manila noong Linggo ng umaga, April 27.
Iginiit din ng mga opisyales ng NBI na hindi nila binibigyan ng “VIP treatment” ang dalawang akusado habang naka-detain ang mga ito sa kanilang poder.
Base sa larawang ibinahagi ng dzBB sa kanilang official Twitter account, kapansin-pansing suot pa rin nina Cedric at Zimmer ang magkaternong polo shirt na suot nila kahapon.
Naaresto ang dalawang akusado sa Oras, Eastern Samar pasado alas-onse ng umaga noong April 26, Sabado.
Umaga ng April 27, Linggo, nang dalhin sina Cedric at Zimmer ng awtoridad mula sa Tacloban City Airport pabalik ng Manila.
Read: NBI denies Cedric Lee and Zimmer Raz's claim that they voluntarily surrendered
OPLAN: BUGBOG. Sa ulat ng 24 Oras kagabi, April 27, iginiit ni Cedric na walang katotohanan ang alegasyong pinagplanuhan niya at ng kanyang mga kasamahan ang insidenteng pambubugbog kay Vhong.
Matatandaang inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima na isa sa mga akusado ang mismong nagkuwento tungkol sa “Oplan: Bugbog” diumano na isinagawa ng grupo ni Cedric kay Vhong.
Ang akusadong ito ay nagnanais din daw na maging witness sa kaso.
Kontra-pahayag ni Cedric hinggil dito: “Baka Oplan: Rape yung sinasabi niyo, oplan ni Vhong.”
Nanindigan din ang negosyante na hindi niya dinakip si Vhong noong gabing mangyari ang insidenteng pambubugbog sa aktor.
Bukod dito, iginiit ni Cedric na ang perang hinihingi ng kanyang grupo mula kay Vhong ay hindi ransom money, kundi pambayad sa mga nasirang gamit ni Deniece Cornejo.
Kaya umaasa ang negosyante na mapababa sa illegal detention ang non-bailable serious illegal detention case na kinahaharap niya ngayon.
Si Deniece ang 22-year-old model na nagsampa ng kasong panggagahasa laban kay Vhong noong January 29.
Matapos ibasura ng DOJ ang reklamo ni Deniece noong April 10, muling nagsampa ng kasong panggagahasa ang dalaga laban kay Vhong sa Taguig Prosecutor’s Office.
Read: Vhong Navarro camp refutes Deniece Cornejo's second rape complaint
