Senator Bong Revilla gets emotional as he faces possible arrest over plunder charges

Senator Bong Revilla maintains innocence amidst plunder charges against him: “Handa akong mapiit at magsakripisyo dahil alam ko na sa matamang panahon ay lalabas at mangingibabaw pa rin ang katotohanan. Naniniwala pa rin ako na ang korte ay hindi papayag na mangibabaw ang kawalan ng katarungan," says Senator Revilla in his privilege speech earlier today, June 9.


Nanindigan si Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. na malinis ang kanyang konsensiya sa kabila ng kasong plunder na kinahaharap niya sa Sandiganbayan.

Sa kanyang privilege speech sa Senado ngayong hapon, June 9, hinamon ni Senator Revilla si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na mas pag-igihan ng administrasyon ang paglutas ng suliranin ng bansa kaysa manggipit ng mga opisyal mula sa oposisyon.

“You still have two remaining years. Hindi tama at hindi maganda na maalala ka at ang iyong administrasyon sa pagpapakulong lamang ng mga hindi mo kaalyado.

“Jailing your oppositors should not only be the achievement you will be leaving behind.

"Sana po ay lubos na tayong magkaisa at magtulungan,” sabi ng senador patungkol kay PNoy.

Sinabi rin ni Senator Revilla na sana ay hindi bahagi ng isang “grand design” ang pagwasak sa kanyang reputasyon at kapwa-sangkot na mga mambabatas sa pork barrel scam upang maisulong ang pagkakaroon ng charter change.

Umapela rin siya sa mga mamamahayag na maging patas sa paghahayag ng balita at ibang mahahalagang impormasyon tungkol sa diumano’y maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga sangkot na mambabatas.


“CLEAR CONSCIENCE.” Napakasakit umano na madiin sa isang kasalanan na hindi naman niya ginawa.

“Napakarami na pong mga tao ang nabanggit sa usaping PDAF. Napakarami na pong nasasaktan.

“Napakarami na ang nasira ang buong pagkatao dahil sa pagbato ng putik na parang alkitran na kumakapit sa balat at tumatagos hanggang kaluluwa

“’Pag nabanggit ka, tapos ka. Hanggang sa kaapu-apuhan mo, wasak ka.”

Ganunpaman, handa raw si Senator Revilla na harapin ang alegasyon laban sa kanya at ang posibilidad na siya ay maaresto at makulong anumang araw mula ngayon.

“Handa akong mapiit at magsakripisyo dahil alam ko na sa matamang panahon ay lalabas at mangingibabaw pa rin ang katotohanan.

“Naniniwala pa rin ako na ang korte ay hindi papayag na mangibabaw ang kawalan ng katarungan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nariyan kayo aking mga kababayan na sisiguruhing hindi mananaig ang kasinungalingan.”

June 7, 2014 nang pormal na magsampa ang Office of The Ombudsman ng kasong plunder laban kina Senator Revilla, Senator Juan Ponce Enrile, at Senator Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan.

Sa kanilang tatlo, lumalabas na si Senator Revilla ang diumano’y may pinakamalaking tinanggap na kickback (P224,512,500) mula sa pakikipagtransaksiyon sa tinaguriang pork barrel scam mastermind na si Janet Lim-Napoles.

Noong Sabado ay nakapaghain na ang kampo ni Revilla ng omnibus motion na naglalayong magkaroon ng “judicial determination of probable cause” kaugnay ng kanyang kaso.

Read: Ombudsman files plunder case vs. Enrile, Revilla, Estrada in Sandiganbayan

MESSAGE FOR ESTRADA, ENRILE. Kasabay ng madamdaming privilege speech ni Senator Revilla ay isa-isa niyang pinasalamatan ang mga kasamahan niya sa Senado.

Kabilang na rito ang mga itinuturing niyang tunay na kaibigan at tinitingalang opisyales na sina Senators Vicente Sotto, Lito Lapid, Gringo Honasan, Antonio Trillanes IV, Sergio Osmeña III, Cynthia Villar, at Bongbong Marcos.

Maging ang kapwa-senador na hindi niya kaalyado ay pinasalamatan at binigyang-papuri ni Senator Revilla.

Mangiyak-ngiyak man siya habang nagtatalumpati, may mga pagkakataong nakuha pang magbiro ng senador.

“Senator Estrada, kosa, hanggang dito ba naman magkakasama pa tayo.

"Siguro pinagtatawanan tayo ngayon ni Daboy [the late Rudy Fernandez] sa langit.

“Pero huwag kang mag-alala, sasamahan tayo ni Ipe sa kulungan,” pabirong saad ni Senator Revilla.

Si Ipe o Philip Salvador ay matalik na kaibigan nina Senators Revilla at Estrada na dumalo rin sa Senado kanina.

Sa likod na bahagi ng bulwagan ng Senado ay makikitang halu-halo ang emosyong nararamdaman ng maybahay ni Senator Revilla na si Cavite Represenative Lani Mercado-Revilla, ang kanyang anak na si Cavite Vice Governor Jolo Revilla, at iba pang mga kaanak.

Patuloy na pahayag ni Senator Revilla, “But kidding aside, Pare [Senator Estrada], hindi ito ang katapusan natin. God is just preparing us for something better.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ay pinuri ni Senator Revilla ang pamumuno ni Senator Enrile na nahaharap din sa kasong plunder.

“Senator Enrile, Manong, I can only wish I can live a full life like yours. One of the greatest leaders of this country.

“Your brilliance, your experience brought a culture of excellence not only to this institution but to every institution you have led.

“You are undoubtedly the ultimate statesman.”

FIGHT FOR “JUSTICE.” Sa huli, nagpasalamat si Senator Revilla sa halos dalawampung milyong Pilipinong naghalal sa kanya sa Senado at patuloy na sumusuporta sa kanyang laban para makamit ang hustisya.

Ginarantiya ng actor-politician na kung sakali mang siya ay maaresto at makulong ay patuloy pa rin ang kanyang pakikibaka at paninilbihan sa taumbayan.

“Makulong man ako, ngunit hindi nila makukulong ang aking pangarap at pagmamahal sa bayan.

“Huwag po kayong mag-alala, hindi kami mawawala ni Senator Enrile at ni Jinggoy.

“Tandaan po ninyo, kahit dumating man ang takip-silim, hindi mapipigilan ang bukang liwayway.

"Sisikat muli ang araw at magbibigay liwanag muli sa kadiliman.”

Bilang pagtatapos sa kanyang privilege speech, naghandog si Senator Revilla ng isang “orihinal na awit” na naglalaman ng kanyang saloobin sa pinagdadaanan niyang pagsubok ngayon.

Narito ang kabuuang privilege speech ni Senator Bong Revilla, kasama amg music video na ipinalabas kanina, na kuha ng GMA News:


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN