Erap Estrada on son Jinggoy’s plunder case: “Buo ang loob ni Jinggoy at buo ang loob ko na siya ay maaabsuwelto rito.”

Manila Mayor Joseph Estrada is confident that his son Jinggoy Estrada will eventually be acquitted from the plunder case. “Kilala ko yung anak ko, mahirap din ‘yan kamukha ko, at naging senador, walang record ‘yan,” Erap said.


"Hindi masaya" ang mga salitang ginamit ni dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada upang ilarawan ang nararamdaman ng kanyang pamilya kaugnay ng paglabas ng warrant of arrest laban sa anak niyang si Senator Jinggoy Estrada.

Ito ay kaugnay ng kasong plunder at graft na isinampa laban kay Jinggoy, kasama sina Senators Ramon "Bong" Revilla Jr. at Juan Ponce Enrile, dahil sa pagkakasangkot nila sa P10-billion pork barrel scam.

Nakapanayam ng Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN si Erap kaninang umaga, June 23.

Unang tinanong kay Erap kung kamusta na ang kanilang pamilya sa mga nakalipas na araw.

Tugon ng dating Pangulo, “Medyo siyempre hindi masaya, hindi katulad ng dati na masaya. Siyempre nalulungkot kami dito sa pangyayari.”

Nang kunan ng reaksiyon si Erap tungkol sa balitang aarestuhin asi Jinggoy, sinabi nitong nakahanda naman ang kanyang anak.

Tiniyak din ni Erap na sasamahan niya ang anak sa pagharap sa Camp Crame.

Dugtong pa ni Erap sa nasabing panayam, “Sabi niya [Jinggoy], ‘Tahimik lang tayo, basta wala nang paalam para wala nang masyadong tao.’

"Maraming gustong sumama, e, nagpaplano na sasamahan daw nila si Jinggoy.

"Pati mga anak ko, gustong sumama. Sabi ko nga, huwag na, gugulo lang."

Nauna nang naglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay Bong noong Biyernes, June 20.

Kusang sumuko sa mga awtoridad si Bong, na naka-detain ngayon sa Camp Crame.

Read: Bong Revilla gets migraine after first few hours of stay in Camp Crame

NOT THE FIRST TIME. Hindi ito ang unang pagkakataon na made-detain si Jinggoy.

Unang na-detain si Jinggoy noong 2001 sa Fort Sto. Domingo, sa Sta. Rosa, Laguna, matapos umanong makipagsabwatan sa kanyang amang si Erap Estrada, na noon ay nanunungkulan bilang Presidente, sa pagbubulsa ng bilyun-bilyong piso mula sa operasyon ng jueteng at kickback mula sa buwis mula sa tabako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinawalang sala ng Sandiganbayan si Jinggoy sa kasong plunder noong 2007.

Noong 2001 ay inilagay sa house arrest si Erap sa Tanay, Rizal, at noong 2007 ay binasahan siya ng desisyon ng Sandiganbayan.

Napawalang sala si Erap sa perjury case subalit na-convict sa kasong plunder.

Nabigyan naman ng executive clemency o kapatawaran si Erap ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sabi pa ni Erap, “Meron na kaming karanasan at napatunayan naman na kaming dalawa ni Jinggoy… sabay ikinulong.

“Masyadong napakalungkot nun, dalawa kaming mag-ama na ikinulong.

“Pagkatapos ng dalawang taon at kalahati, napatunayan na si Jinggoy ay walang kasalanan.

"I mean, dalawang taon at kalahati na nagdusa sa kulungan, ’tapos napawalang-sala siya."

Ganito rin daw ang nangyari kay Erap na ikinulong sa kabila nang wala naman daw talaga siyang kasalanan.

“Wala naman silang napatunayan na ako ay nagnakaw ng kahit isang sentimo sa kaban ng bansa.

"Kung hindi yung jueteng money lang na hindi naman ako napaburan, kundi pagtulong ko dun sa Erap Muslim Foundation, para tulungan natin ang mga kababayan natin na taga-Mindanao na Muslim na mahihirap na gustong mag-aral.”

“NO RECORD.” Gaano kakumpiyansa si Erap na malalampasan ni Jinggoy ang ipinupukol ditong akusasyon hinggil sa pork barrel scam?

Sagot ng alkalde ng Maynila, “Kilala ko yung anak ko, mahirap din ‘yan kamukha ko, at naging senador, walang record ‘yan, e.

“Buo ang loob ni Jinggoy, at buo ang loob ko na siya ay maaabsuwelto rito, katulad rin nung kaming dalawa ay ikinulong, naabsuwelto rin siya.

“Palagay ko, malabong-malabo kung ang testigo ay kamukha ni Ruby Tuason.

“Yun ay tumestigo para isalba ang kanyang sarili.”

Pag-aakusa pa niya kay Tuason, “’Tsaka yung testigo na kinuha, ewan ko kung binayaran.”

Si Tuason ang dating social secretary ni Erap noong Pangulo pa siya.

Kinasuhan din si Tuason ng dalawang kaso ng plunder—isa para sa pork barrel scam at isa para sa Malampaya Fund scam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naging state witness si Tuason sa kaso ng pork barrel.

Siya diumano ang naging representative ni Jinggoy sa pagtanggap ng kickback na galing sa pork barrel.

Pagpapatuloy ni Erap tungkol kay Tuason, “Sa tingin ko, hindi naman binayaran. Kaya tumestigo ‘yan dahil para isalba ang kanyang sarili.

“Kilalang-kilala ko ‘yan, e, dahil walang-wala nung kinuha kong social secretary ng Malacañang noong araw.

“Nangungupahan lang ng bahay ‘yan. Biro mo ngayon, nasa Dasmariñas na, sa’n niya kinuha ‘yon?”

Ang tinutukoy ni Erap ay ang Dasmariñas Village house na binili diumano ni Tuason mula sa kickback na nakuha nito mula sa Malampaya Fund scam.

Itinanggi ito ni Tuason.

Ang Malampaya Fund scam ay pinasimunuan din umano ng itinuturong P10-billion pork barrel mastermind na si Janet Lim-Napoles.

Sa Malampaya scam, pineke diumano ng kumpanya ni Napoles, ang JLN Corp., ang pirma ng 97 mayors upang sa ganoon ay makuha ang pondo na para sana sa mga nabiktima ng mga bagyong Pepeng at Ondoy noong 2009.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN