Senator Jinggoy Estrada surrenders at Camp Crame

Senator Jinggoy Estrada talked to his family about his surrender. “Sinabi ko sa kanila, asahan nila siguro bukas o itong linggo na ito, lalabas na ang aking warrant of arrest. Handa naman sila. Pinalakas ko ang kanilang mga loob,” he says.


Sumuko na si Senator Jinggoy Estrada sa Philippine National Police (PNP) ngayong araw, June 23, matapos mag-isyu ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Fifth Division laban sa kanya at iba pang sangkot sa P10-billion pork barrel scam.

Ayon sa ulat ng GMA News, dumating si Senator Jinggoy sa PNP Headquarters sa Camp Crame kasama ang kanyang mga magulang na sina dating Presidente at kasalukuyang Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada at dating Unang Ginang at Senator Luisa “Loi” Estrada.

Kasama rin ni Senator Jinggoy ang kanyang maybahay na si Precy Vitug-Ejercito; at ang mga anak nilang sina Janella Marie, Joseph Luis Manuel, Julian Emilio, at Julienne.

Sa panayam kay PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, sinabi niyang sumuko si Senator Jinggoy kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group head Director Benjamin Magalong.

Sa multipurpose hall ng Camp Crame isinagawa ang pagkuha ng fingerprints at mugshots ng senador.

Sa ngayon, hinihintay pa ang custody commitment order, na maglalaman ng detalye kung saan made-detain ang actor-politician.



MOTION FOR BAIL. Ilang sandali matapos ang kanyang pagsuko, naghain naman ng motion for bail ang mga abugado ni Senator Jinggoy sa Sandiganbayan.

Ayon sa ulat ni Patricia Denise Chiu ng GMA News, inihayag sa nasabing motion for bail na “evidence of guilt is absent and at worst is not strong.”

Ang kasong plunder na kinakaharap ngayon ni Senator Jinggoy ay isang non-bailable offense.

Subalit ikinakatuwiran ng mga abugado ni Senator Jinggoy na walang “strong evidence of guilt” laban sa kanilang kliyente.

Wala rin daw balak umalis ng bansa ang senador para takasan ang kaso laban sa kanya.

Ayon sa nakasulat sa motion, “He is a movie actor and a celebrity. He is easily recognizable, making it impossible for him to depart any airport or port. He has always maintained that he will face charges.”



RENEWAL OF VOWS. Samantala, dahil sa napipintong pag-aresto sa kanya, mas maagang nagdiwang si Senator Jinggoy at asawa niyang si Precy ng kanilang wedding anniversary.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang selebrasyon ng kanilang wedding anniversary, na dapat ay sa June 28 pa, ay naganap kahapon, June 22.

Sabi ng senador sa panayam sa kanya ng Unang Hirit kaninang umaga, June 23, “Kahapon, sinorpresa kami ng anak ko at dinecorate ang chapel sa Polk Street, at ginawa nilang wedding style.

“Doon kami nag-renew ng wedding vows kahapon. Napaka-touching."

Kinausap na rin daw ni Senator Jinggoy ang kanyang pamilya tungkol sa kanyang pagsuko.

“Kagabi kinausap ko na ang aking pamilya, sama-sama kami.

“At sinabi ko sa kanila, asahan nila siguro bukas o itong linggo na ito lalabas na ang aking warrant of arrest.

“Handa naman sila. Pinalakas ko ang kanilang mga loob," salaysay ni Senator Jinggoy.

MEETING BONG. Si Senator Jinggoy ay kabilang sa tatlong senador na nasangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Naunang sumuko ang kaibigan niyang si Senator Bong Revilla noong Biyernes, June 20, at kasalukuyang naka-detain sa Camp Crame.

Read: Bong Revilla gets migraine after first few hours of stay in Camp Crame

Ngayong hapon, nagkita ang magkaibigang senador sa Custodial Center’s common room ng Camp Crame.

Ayon sa hiwalay na ulat ng GMA News, sinabi ng legal counsel ni Senator Jinggoy, na si Alex Abastilla-Suarez, na magkatabi lamang ang detention cell nina Senator Bong at Senator Jinggoy.

"Nagkita na sila at nagka-usap na sila.

"Nasiyahan ata si Senator Revilla dahil may kasama na siya," sabi pa ni Atty. Suarez tungkol sa pagkikita ng magkaibigan.

Nabanggit din niya na walang reklamo ang kaniyang kliyente tungkol sa kanyang detention cell.

Aniya, "He has no complaints at all. Kaya niya naman ’yung init. Okay naman ’yung electric fan."

Matatandaan na inireklamo ni Senator Bong ang init sa kanyang kulungan, na naging sanhi ng pagkaramdam niya ng migraine.

Bukod kina Senator Bong at Senator Jinggoy, kabilang din sa inaakusahang sangkot sa pork-barrel scam si Senator Juan Ponce Enrile.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN