Michael Yamson quashes rumors he is after the money of girlfriend Dionisia Pacquiao

Kahit anim na buwan pa lamang ang relasyon nilang dalawa, inamin ni Michael Yamson, 38, na mahal na mahal niya ang kasintahang si Dionisia Pacquiao, 65. Papatutunayan din daw niya na mali ang hinala ng iba na pera lang ang habol niya sa nobya.


Nagsalita na sa unang pagkakataon si Michael Yamson, ang boyfriend ni Dionisia Pacquiao o Mommy D.

Pinasinungalingan nito ang usap-usapang pera lang ang habol sa 65-year-old na kasintahan na ina naman ni Sarangani Province Congressman at boxing champion na si Manny Pacquiao.

Sa eksklusibong panayam ni Rean Hacosta ng ABS-CBN General Santos City—at lumabas din bilang isang artikulo sa abs-cbnnews.com—kina Mommy D at Michael, idinetalye ng 38-year-old na seaman, kung paano nagsimula ang love story nila.

(Photo: Screengrab: ABS-CBN)

ONE FINE FRIDAY AFTERNOON. Nagkakilala raw sila sa isang karaoke bar nitong nakaraang Valentine’s Day, February 14, Biyernes.

Nagkataon kasing nakadaong sa General Santos City ang barkong pinagtatrabahuhan niya.

Matapos nito, nagkayayaan daw silang magkakatrabaho na mag-videoke kinahapunan noong Araw ng mga Puso kung saan nagkaton ding nandun si Mommy Dionisia at mga kaibigan na nagkakantahan.

Hindi raw napansin noon ni Michael ang ina ng Pambansang Kamao hanggang sa ituro na ng kanyang kasamahan ang kinaroroonan nito.

Saad ni Michael, "Nakatingin lang ako, nakatitig lang talaga ako. Noong kumanta siya, palakpak lang kami nang palakpak.

"Kumanta muna ako doon sa stage. Napapansin ko na rin, pumapalakpak siya sa pagkanta na ’yon. Pagkatapos ko, kumanta na siya ulit doon.”

Matapos daw nito, naglakas-loob siyang magpa-picture kay Mommy D.

Aniya, “Naglakas-loob na ako, lumapit na ako doon sa isa niyang bodyguard. Sabi ko, ’Puwede po ba magpa-picture kay Mommy D?’"

Paalis na raw noon ang grupo ni Mommy Dionisia, pero dahil madilim daw ang kuha ng litrato nila, nag-request daw siyang magpa-picture muli kasama ang mga katrabaho sa maliwanag na bahagi ng karaoke bar.

Habang nagkakasiyahan ang mga kasamahan sa pagpapalitrato rito ay dali-dali raw siyang pumasok muli ng bar at naghanap ng kapirasong papel at dito ay isinulat niya ang kanyang pangalan at numero.

Kuwento pa ni Michael, "Sabi ko [kay Mommy D], ’Ma’am, puwede po makipagkamay sa ’yo?’ Pagkamay ko sa kanya, kasama na yung papel doon. Sabi ko sa kanya, ’Alam ko naman, ma’am, hindi mo ibibigay yung number mo, e. So number ko na lang.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakita raw niyang ipinasok ni Mommy Dionisia sa kanyang bag ang naturang papel.


THAT FIRST TEXT. Makalipas ang isang araw, nakatanggap daw si Michael ng text mula sa isang di-naka-save na numero sa kanyang cellphone.

"Nagtanong siya sa akin, ’Ikaw ba ang may-ari ng number na ’to?’ Doon nag-start. Noong tumawag siya sa akin, tuwang-tuwa ako noon. Mga 11:30 iyon ng gabi. Iyon ang unang tawag," kuwento pa ni Michael tungkol sa unang komunikasyon nila ni Mommy D mula nang maghiwalay sila nung gabi ng una nilang pagkakakilala.

Sa palitan pa rin nila ng text, nagsabi raw si Mommy Dionisia na babalik siyang muli kasama ang mga kaibigan sa videoke bar kung saan sila nagkakilala.

Kahit hindi naman daw siya pormal na inimbita, inisip daw ni Michael na ito na ang tamang pagkakataon upang ipaalam niya kay Mommy Dionisia ang kanyang intensiyon.

Lahad pa niya, "Sa sobrang excited, nauna na ako sa lugar na ’yon.

"Nauna akong dumating, matagal din akong naghintay doon, mga isa’t kalahating oras."

Sa mga kasunod na araw, sinimulan nang ligawan ni Michael si Mommy Dionisia. Bukod sa komunikasyon sa telepono, tinatanong din daw niya lagi kung gusto ba ni Mommy D na may makasama sa pang-araw-araw na gawain nito.

Dugtong pa niya, "Niligaw-ligawan ko ’yan, hindi lang sa text at saka sa tawag. Personal, pinupuntahan ko siya, para maparamdam ko talaga yung nararamdaman ko."

Noong papalapit na raw ang araw ng pag-alis ng barkong kanyang pinaglilingkuran, naramdaman na raw ni Michael na panahon na upang tanungin si Mommy D kung handa na ba ito para sa isang seryosong relasyon.

"Hindi rin siya nakatiis. Sabi ko, ’Aalis na kami. Bibiyahe na kami.’ So bago kami umalis ng Gen San, naging kami na. Doon nag-start. February 20 naging officially kami."

Hindi rin daw mahalaga kung tila napakaikli ng panahon ng kanilang pagkakakilala para maging sila na agad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag ni Michael, "Hindi naman kailangan talaga tagalan. Kung ano ang nararamdaman namin sa isa’t isa, bakit pa namin tatagalan? Hindi naman kami mga bata na, e.

"Hindi na kailangang dumaan ka pa sa sobrang panliligaw kung nararamdaman mo, nandoon na," patuloy ni Michael.

Sa halos anim na buwan na nilang relasyon, nahirapan daw si Michael na magkaroon ng regular na pakikipag-ugnayan kay Mommy D dahil sa kanyang trabaho.

Sa mga araw o linggo na pinapayagan siyang magkaroon ng bakasyon, sinisiguro raw niya na mabisita ang kanyang nobya sa Gen San.


“MAHAL KO NANAY NIYA.” Nilinaw rin ni Michael ang impresyon ng anak ni Mommy D na si Manny, na nagsasama na sila ng kasintahan sa iisang bubong.

Nagpahayag din si Manny ng kanyang pagtutol sa balak na pagpapakasal ng dalawa.

Read: Manny Pacquiao reveals Mommy Dionisia has 40-year-old boyfriend

Nirerespeto naman daw ni Michael ang saloobin ng boksingerong kongresista.

Dagdag pa niya, "Ginagalang ko naman talaga yung desisyon niya. Iba naman yung paniniwala ng bawat isa. Nirirespeto ko naman kung ano ang sasabihin niya. Wala naman akong sama ng loob doon.

"Ang sa akin lang naman, wala akong magagawa. Mahal ko nanay niya."

Nakikita naman daw ni Michael si Pacman pero hindi pa raw niya ito nakakausap.

Ang iba namang mga anak ni Mommy Dionisia ay nakausap na raw niya, kunsaan parang dumaan daw siya sa isang panel interview. Inalam daw ng mga ito ang kanyang totoong intensiyon sa kanilang ina.

Si Mommy D ay may apat na anak kay Rosalio Pacquiao, ang asawa nito sa loob ng dalawampung taon bago sila naghiwalay. Ito ay sina Isidra, Manny, Bobby, at Rogelio. May dalawa pang anak si Mommy D mula sa nauna nitong asawa bago si Rosalio.

Kuwento pa ni Michael, nakausap niya ang mga ito nang wala si Mommy Dionisia.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakausap ko naman nang maayos. Ang gusto lang naman nila yung assurance. Maibibigay ko naman talaga yung assurance na ’yon, kung bibigyan lang talaga nila ako ng chance. Maipapakita ko sa kanya."

Ito rin daw ang rason kung bakit muli siyang nag-apply sa pinagtatrabahuang barko para patunayang kaya niyang suportahan ang nobya.

Hindi rin naman daw siya apektado sa mga batikos na pera lamang ang habol niya sa kasintahan.

Aniya, "Ako naman kasi, kaya ako nagsusumikap na bumalik ng barko, para hindi nila isipin—ng ibang tao, ’tsaka makita na rin ng mga kamag-anak niya—na hindi pera ang habol.

"Gusto ko magtrabaho. Kaya ko."

Naalala pa niyang isa raw sa mga abugado ni Manny ang nagtanong sa kanya kung kaya ba niyang suportahan si Mommy D kung sakaling magdesisyon na ang mga anak nitong putulin na ang pagsustento rito.

Sagot daw niya, "Sabi ko, ’Kaya ko, dahil magtatrabaho ako.’

"Kung hahayaan niya ako mag-abroad, hahayaan niya ako bumalik sa barko, kaya ko siyang buhayin. Iyon ang sagot ko sa kanila."


“MAY TAKOT DIN AKO SA DIYOS.” Sa kabila ng mga hinala sa kanyang tunay na intensiyon, sinabi ni Michael na ipaglalaban daw niya ang kanilang relasyon basta mahal pa siya ni Mommy D.

Saad niya, "Ang importante naman sa akin na napatunayan ko sa family niya na hindi ako gano’n. At may takot ako sa Diyos, e. Na hindi ko magagawa yung iniisip nila, e. May takot din ako sa Diyos."

Wala naman daw problema sa kanya ang 27 taong tanda ni Mommy D sa kanya.

Ang inaalala lang daw niya ay ang kalusugan nito habang tumatanda dahil hindi daw niya ito maalagaan sa mga panahong nasa barko siya.

Kaya naman daw napagkasunduan nila na ang kukunin lang niyang kontrata sa muling paglalayag ay anim o siyam na buwan lamang. Nakatakdang muling aalis si Michael bago pa magtatapos ang taon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


ACTIVE SEX LIFE. Nagkatawanan naman ang magkarelasyon kung may plano na ba silang magsama at magkaroon ng anak.

Sabi ni Michael, "Wala pa kaming plano magkagano’n. Basta may respeto kami sa isa’t isa, nirerespeto namin ang desisyon ng mga kamag-anak niya, ng mga anak niya. Doon muna kami."

Kumusta naman kaya ang kanilang sex life?

Si Mommy Dionisia ang sumagot na tumatawa. Sabi nito, "Okey naman! No problem diyan!"

Dagdag naman ni Michael, "Hindi maiiwasan iyon. Meron talagang gano’n. Okey naman!"

Pero bawi niya, "Hangga’t maaari, hindi muna namin pag-uusapan ’yon [pagsasama at pagkakaroon ng anak]. Ang importante naman, maayos kayong nagsasama, masaya kayo, wala kayong conflict, especially sa family.”


“TANGGAP KA NAMIN.” Masaya raw si Mommy D sa bago nitong relasyon at ang pagtanggap ng pamilya ng lalaki sa kanya.

Sabi nito, "Noon, kahit hindi pa siya na-interview, si Nanay [ina ni Michael], nagsabi na siya sa akin na, ’Huwag kayo mahiya sa akin. Tanggap ka namin. Kagustuhan ’to ng anak namin. Ang importane lang, masaya kayo habang buhay. Hindi namin hahadlangan ang mahal namin.’

"Masayang-masaya ako, tumataba ang puso ko. Malaking [inspirasyon] talaga ito sa buhay ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos," pahayag pa ni Mommy Dionisia.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN