Derek Ramsay files petition for confirmation of 2012 agreement with Mary Christine Jolly

Derek Ramsay’s petition shows that he and Mary Christine Jolly have a formal agreement about support, custody, and visitation rights over their 11-year-old son. The so-called 2012 agreement also indicates that Mary agreed to dissolve their community property in exchange of P5 million.


Pormal na naghain si Derek Ramsay ng petition upang kumpirmahin ng korte ang kasunduan nila ni Mary Christine Jolly mahigit dalawang taon na ang nakararaan.

Isinumite ni Derek ang “Petition for Judicial Confirmation of The Agreement for Support, Custody, Visitation Rights, and Dissolution of Absolute Community of Property” sa pagitan nila ni Mary sa Makati Regional Trial Court, noong September 3, 2014.

Kalakip ng sinumpaang salaysay ni Derek ang kopya ng pormal na kasunduan nila ni Mary noong May 27, 2012.

THE 2012 AGREEMENT. Nakasaad dito na walang marriage settlement sa pagitan nina Derek at Mary bago sila ikinasal sa Balagtas, Bulacan noong April 3, 2002.

Ganunpaman, nagdesisyon sina Derek at Mary na sumailalim sa “dissolution of absolute community of property.”

Kapalit nito ay nagbigay si Derek kay Mary ng halagang limang milyong piso bilang kabuuang share ng huli sa kanilang ari-arian at bilang “back support.”

Nakasaad din na ang pagbayad ng aktor ng limang milyon ay nangangahulugang wala nang habol si Mary sa anumang “liability” at “claims” na may kaugnayan sa kasal nila ni Derek.

Pagdating naman sa sustento ni Derek para sa anak nila ni Mary, pumayag ang aktor na tustusan ang edukasyon ng bata hanggang sa makapagtapos ito ng kolehiyo.

Kabilang sa sustentong ibibigay ni Derek ay ang tuition, allowance, at miscellaneous fees para sa gastusin na may kinalaman sa pag-aaral ng bata.

Nakasaad din sa naturang kasunduan na si Mary ang bahalang magbayad para sa living expenses ng kanilang anak.

Ganunpaman, pumayag si Derek na magbigay ng karampatang halaga bilang kontribusyon sa renta ng tirahan ng kanyang anak at ni Mary.

Para naman sa visitation rights ni Derek, nakasaad na maaari niyang makasama ang ngayo’y 11-taong-gulang na anak, basta’t may kasama itong chaperone na mula sa kampo ni Mary.

DEREK’S PETITION. Ayon sa isinumiteng petisyon ni Derek noong September 3, 2014, maituturing na valid ang 2012 agreement nila ni Mary.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ay sa kadahilang boluntaryo umanong sumailalim sina Derek at Mary sa naturang kasunduan, sa tulong ng kani-kanilang legal counsels, noong panahong iyon.

Sa pagsasaliksik ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ang “absolute community property,” ayon sa Article 91 ng Family Code of the Philipines (FCP), ay tumutukoy sa lahat ng ari-arian ng mag-asawa mula nang sila ay maikasal.

Paliwanag pa sa petisyon ni Derek, sapat nang basehan ang pagpayag ni Mary na i-dissolve ang conjugal properties, upang pahintulutan ng korte ang “judicial separation of property” ng estranged couple.

Alinsunod umano ito sa probisyon ng Article 134 at 136 ng FCP, kung saan nakasaad na maaaring maghain ng “judicial separation of property” kung ang asawa ng petitioner ay “judicially declared an absentee.”

Nauna nang nabanggit na April 2002 nang ikasal sina Derek at Mary, ngunit agad din silang naghiwalay noong September 2002.

Sa kaso naman ng visitation rights, inalmahan ni Derek ang patuloy na pagtutol diumano ni Mary na makasama ng aktor ang kanilang anak.

Bilang ama, iginiit ni Derek na karapatan niyang magkaroon ng pagkakataong mabisita ang anak, lalo pa’t walang utos ng korte na nagbabawal sa aktor na gawin ito.

Bunsod nito, hiniling ng aktor sa kanyang petisyon na hayaan siyang makasama ang anak sa loob ng isa o dalawang linggo, tuwing Christmas at summer vacation ng bata.

MARY SLAMS DEREK’S PETITION. Sa kabilang banda, mariing tinutulan ni Mary ang inihaing petisyon ni Derek na magkaroon ng “judicial confirmation” ang kanilang 2012 agreement.

Ito ay sa kadahilanang mag-isa lang umano si Derek na naghain ng naturang petisyon sa Makati Regional Trial Court noong September 3.

Ayon sa isinumiteng sinumpaang salaysay ni Mary noong October 9, malinaw umanong nakasaad sa probisyon ng Article 136 ng FCP na dapat ay sabay ang mag-asawa sa paghain ng petisyon.

Ngunit ni hindi umano kinonsulta ng aktor si Mary ukol dito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nanindigan din si Mary na ayon sa probisyon ng Article 89 ng FCP, maituturing na walang bisa ang napagkasunduan nila ni Derek na “dissolution of absolute community of property” noon.

Ito ay sa kadahilang hindi raw nabigyan ng karampatang “judicial confirmation” ang kanilang 2012 agreement.

Sabi pa ni Mary, hindi rin nakapagsumite si Derek ng kumpletong listahan ng pagkakautang nilang mag-asawa, bilang isa sa requirements sa paghain ng “dissolution of abolute community of property.”

Bukod dito, iginiit ni Mary na ang limang milyong pisong ibinayad sa kanya ni Derek noon ay hindi maituturing na pinal na share ng una kaugnay ng kanilang conjugal property.

Lalo pa’t alinsod umano sa batas, may karapatan si Mary sa kalahati ng net assets ng pag-aari nilang mag-asawa sakaling ma-dissolve ito.

Ayon pa rin sa sinumpaang salaysay ni Mary, pinabulaanan niya ang alegasyon ni Derek na hinahadlangan niya ang visitation rights ng aktor para sa kanilang anak.

Ang totoo ay mayroon umanong mga partikular na insidente na mismong ang bata ang nagpahayag na hindi ito kumportableng makasama ang ama.

Ganunpaman, pinahihintulutan pa rin umano ni Mary na makasama ni Derek ang anak nila, basta lang available at willing ang bata.

Pagdating naman sa pagbibigay ng sustento ni Derek, iginiit ni Mary na pinahihirapan siya diumano ng aktor bago nito ibigay ang tuition at tutorial expenses ng kanilang anak.

Base ito sa karanasan umano ni Mary mula nang magsimulang mag-aral ang kanilang anak dito sa Manila.

Kaya nangangamba umano si Mary na baka mas magkaroon sila ng problema, sakaling manirahan ang bata sa ibang bansa.

LEGAL BATTLE CONTINUES. Base sa mga nakaraang panayam ng PEP kay Mary, sinabi nitong dati siyang nakabase at ang anak nila ni Derek sa Dubai.

Ngunit habang patuloy ang legal complaints sa pagitan nila ni Derek ay mananatili muna umano ang mag-ina rito sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kasalukuyan, nahaharap si Derek sa reklamong paglabag sa R.A. 9262 o Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act na inihain ni Mary noong June 27, 2014.

Kaugnay nito ay dalawang beses nagharap ang estranged couple sa Makati Prosecutor’s Office, noong September 18 at September 25.

Read: Derek Ramsay, Mary Christine drop proposed settlement

Sa October 13 ay nakatakdang magsumite ang magkabilang-kampo ng kani-kanilang memorandum hinggil sa VAWC complaint.

Noong October 8 naman ay naghain ng hiwalay na reklamong concubinage si Mary laban kay Derek at ex-girlfriend nitong si Angelica Panganiban.

Read: Derek Ramsay, Angelica Panganiban face concubinage charges

Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung kailan sisimulan ang pagdinig para sa preliminary investigation ng naturang reklamo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN