Mocha Uson clarifies Bilibid visit was for concert, not to visit high-profile inmates

Pinabulaanan ni Mocha Uson, lider ng grupong Mocha Girls, na sila ay nagpunta sa New Bilibid Prison noong December 24 upang mag-perform. 2012 pa daw sila nakapag-perform sa pambansang piitan.


Nagpaliwanag si Mocha Uson, lider ng all-female group na Mocha Girls, kaugnay ng kumalat nilang larawan habang nasa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Mandaluyong City.

Ang naturang larawan ay ibinigay ng isang source sa GMA News kahapon, January 7.

(Photo Courtesy: GMA News/24 Oras)

Sa exclusive interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Mocha, sa condominium unit nito sa Mandaluyong, ngayong gabi, January 8, pinabulaanan nito ang balitang iba ang naging pakay nila sa pagpunta sa NBP.

Pinabulaanan din niyang kuha ang mga larawang kumalat nito lamang December 24, 2014.

Aniya, “Minsan lang po kaming nagpunta doon, 2012, na-invite kami dahil merong official event.

"Malaking concert para sa mga preso doon at marami pong mga banda at maraming artists.

"Isa lamang po kami doon sa mga nag-perform."

Dagdag pa ni Mocha, “Nung na-invite kami sa Bilibid, natakot kami, pero hindi kami kasi namimili ng lugar na pagpe-perform-an.

"Gusto lang po naming magbigay ng kaunting kasiyahan.

"In fact, every year, kami ay invited sa St. Luke’s Global Cancer Institute para mag-perform para sa mga pasyente dun na may cancer.

“'Tapos sa Veteran’s Hospital, kami ay nag-perform dun para magpasaya naman ng mga sundalo nating may kapansanan.

"So, ganun din yung pananaw namin noong kami ay ma-invite sa Bilibid—makapagbigay lang ng kaunting kasiyahan anuman ang estado ng tao.”

Noong sila na raw ang nag-perform, hindi naman sila nabastos o nagawan ng hindi maganda ng mga preso.

Saad ni Mocha, “Alam mo ba, walang pambabastos na nangyari dun kasi very strict, very organized.

"Mas wild pa nga sa ibang bar, sa experience namin.

"Noong kami nag-perform dun, walang ganung nangyari."


NOT THE BIGTIME INMATES. Kamakailan lamang ay naging isang malaking usapin ang pagkakatuklas ng marangyang pamumuhay ng mga mayayamang nakapiit sa Bilibid.

Kabilang na rito si Herbert Colanggo, na pinaghihinalaang lider ng Ozamis robbery gang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kubol ni Colanggo—na mas kilala sa tawag na "Kuya Herbert"—ay nakita ng mga operatiba ng Department of Justice at National Bureau of Investigation ang marangyang recording studio nito.

Bukod sa mga mamahaling kagamitan sa studio, nakumpiska rin mula sa kanyang air-conditioned room ang mamahaling relo, 50-inch flat screen TV, home theater system, sauna at jacuzzi facility, LCD projector, at pera.

May weekly variety show rin si Colanggo sa loob ng piitan.

Nakapag-release din siya ng music album at nagawaran pa ng parangal sa Star Awards for Music ng Philippine Movie Press Club (PMPC).

Read: Convicted criminal-singer Herbert Colanggo's prison cell raided by NBI

Kaugnay nito, tinanong ng PEP si Mocha kung hindi ba ang mga bigtime inmates na ito ang nag-imbita sa kanila noon.

Mariin niyang tanggi, “Ay, hindi. Parang regular na corporate show, merong event organizer, 'tapos kinontak yung aming road manager, ayun, ganun.”

Nung panahon daw na iyon, nagtanghal ang kanilang grupo sa halos 400 inmates at mayroon daw talagang programa sa naturang event.

Tungkol naman sa mga litratong nagsilabasan, pahayag ni Mocha, “Yung mga pictures na yun, yun yung nagla-log in kami kaya hindi kami patagong nagpunta dun. Official yun.”

Mensahe pa niya sa mga nagsasabing sila ang "starlet" na nagpunta sa Bilibid noong December 24, 2014, “Unang-una, hindi naman kami starlet. Performer kami. Banda kami.

"Pangalawa, 2012 pa yung concert na nangyari doon.”

Dagdag pa ni Mocha, “Sa mga nagagalit kung bakit kami nagpunta sa Bilibid, ginagawa lang po namin ang trabaho namin.

"We were hired to perform at hindi naman namin alam na mali o bawal yun.

"Sana huwag silang magalit sa amin kasi kami ay official at formally invited.

"Kung mali man yung sistema, hindi dapat isisi sa performers yun."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN