Edu Manzano wants Ombudsman probe on SALN of suspended OMB Chairman Ronnie Ricketts

Edu Manzano (right) on Ronnie Ricketts (left): “Mula nang maupo siya in the end of 2009, bumili ng bagong kotse; 2010, bumili siya ng bagong kotse; 2011, bagong kotse; 2012 at 2013... Then, according sa LTO, may inilipat siyang bagong sasakyan, 2014. Tapos, may mga lupa, sa Alabang, Cavite, one that he bought for P2 million, he now appraises it up [for] P11 million.”


Hindi pa tapos ang isyu sa pagitan ni former Optical Media Board (OMB) Chairman Edu Manzano at ng kanyang successor, ang kapwa aktor na si Ronnie Ricketts.

Sa darating na linggo, magsasadya ang mga abugado ni Manzano sa Ombudsman para ipa-review ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Ricketts.

Ito ay dahil sa mga napansin ni Manzano na pagbabago diumano sa idineklarang SALN ni Ricketts mula nang ma-appoint ito ni former President Gloria Macapagal-Arroyo bilang OMB Chair noong 2009.

Ang gagawin ni Manzano ay bahagi raw ng pagtulong niya sa kanyang mga dating tauhan sa OMB na nadamay sa suspension ng Office of the Ombudsman kay Ricketts at sa apat na iba pa.

Inirekomenda ng Ombudsman na sampahan ng graft and corruption ang mga suspended officials ng OMB dahil sa nangyari sa post-raid operations na isinagawa laban sa Sky High Marketing Corporation sa Quiapo, noong May 27, 2010.

Lumitaw sa imbestigasyon na tatlong Chinese nationals ang hinuli at mahigit sa 100 kahon ng pirated DVDs at VCDs ang nakumpiska ng OMB team.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dinala ang mga nasamsam na items sa opisina ng OMB ngunit inilabas din kinagabihan nang walang gate pass, at isinakay sa truck na pag-aari ng Sky High Marketing Corporation.

Sinabi ng Ombudsman na ebidensiya sa kaso ang unjustified release ng confiscated items at pagbibigay ng unwarranted benefit sa Sky High Marketing Corporation.

Idinagdag ng Ombudsman na ipinag-utos dapat ni Ricketts na magsampa ng kaso laban sa mga lumabag sa batas.

Read: Ronnie Ricketts suspended as Optical Media Board chief; set to file motion for reconsideration

Ayon kay Manzano, umapela si Ricketts sa Ombudsman sa pamamagitan ng isang motion for reconsideration, pero nawalan ito ng saysay.

“Ang pinakakatagu-tago niya is this latest na lumabas mula sa Ombudsman that his motion for reconsideration has been denied,” ani Manzano, na hawak ang mga dokumento ng mga sasakyan at lupa na diumano’y naipundar ni Ricketts habang nanunungkulan ito sa OMB.

Dagdag pa niya, “Mula nang maupo siya in the end of 2009, bumili ng bagong kotse; 2010, bumili siya ng bagong kotse; 2011, bagong kotse; 2012 at 2013...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Then, according sa LTO, may inilipat siyang bagong sasakyan, 2014.

“Tapos, may mga lupa, sa Alabang, Cavite, one that he bought for P2 million, he now appraises it up [for] P11 million.”

Iginiit ni Manzano na nadamay sa problema ni Ricketts ang mga inosente na empleyado ng OMB na mga dating tauhan niya.

Hindi nagustuhan ni Manzano ang ginawa ni Ricketts dahil hindi raw nito binigyan ng abugado ang mga taong sinampahan din ng kaso ng Ombudsman.

Nag-aalala raw si Manzano para sa kinabukasan ng pamilya ng mga nasangkot na empleyado na dalawang dekada nang naglilingkod at nanganganib na mawalan ng trabaho at benefits.

Sinabi ni Manzano na kinausap niya noong nakaraang taon si Ricketts, pero tumanggi itong tulungan ang ibang mga akusado.

“Kinakausap ko siya, ayaw niyang tulungan.

"Sabi ko, 'Bigyan mo man lang ng abugado.'

"Nakipag-usap ako sa kanya last year. He doesn’t care.

“Sabi niya, 'Hindi ko problema ‘yan. Matagal na silang nandidiyan.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi ko, 'Are you crazy? Kaya nga sila nandiyan, long before you, pero because they’re heads of the departments, nadamay sila because of command responsibility, which iniwan mo sila sa opisina kasi nagsama ka ng sarili mong tao na stuntmen.'

“Lahat ng mga nadamay, puro organic, pero ang mga naka-secure sa kanya were all stuntmen. That’s unfair,” rebelasyon ni Manzano tungkol sa pakikipag-usap niya kay Ricketts.

Ang panig pa lamang ni Manzano ang naririnig at nababasa ng publiko tungkol sa hidwaan nila ni Ricketts dahil tikom ang bibig nito.

Ngunit mananatiling bukas ang PEP para sa mga sagot at paliwanag ni Ricketts tungkol sa mga akusasyon sa kanya ni Manzano.


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close