(UPDATED) Jiro Manio to concerned citizens: "Salamat na lang, kaya kong mabuhay mag-isa."

Nananawagan ng tulong pinansiyal ang mga kamag-anak ni Jiro Manio para sa gagawing mental rehabilitation sa multi-awarded young actor. Nagpa-rehab na raw si Jiro nitong taon pero hindi natapos dahil sa kakapusan ng pangtustos dito.


Naging mailap ang dating child star na si Jiro Manio nang lapitan siya ng media sa loob ng Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kahapon, June 30.

Nagpunta ang mga taga-media sa NAIA Terminal 3 matapos makumpirma na siya nga ang nasa larawan ng isang lalaking palaboy-laboy raw sa loob ng airport terminal at nanghihingi ng pagkain.

Sa ulat na lumabas kahapon, apat na araw nang pakalat-kalat sa NAIA Terminal 3 si Jiro.

Tinulungan daw siya ng ilang mga biyahero at airport attendants, pati na ng security guards ng airport, upang makakain at makapagbihis ng bagong damit.

Read: Former child actor Jiro Manio found wandering at NAIA Terminal 3

Sa lumabas na video interview ni Jiro, halatang pilit siyang umiiwas nang makita ang mga reporter na gusto siyang makapanayam.

Pero nagawa pa rin siyang tanungin ng mga reporter, na kinabibilangan ng Showbiz Konek host at dati ring child star na si IC Mendoza.

"Sino nagkakalat? Sige nga, ipaliwanag niyo... sino naninira sa akin?" sagot ni Jiro nang sabihin na kumalat sa Internet ang larawan niya na nasa airport.

Nang sabihin naman ng isang reporter na "concerned" lang ang naglabas ng larawan niya sa Facebook, ito ang naging tugon ng dating child star: "Concerned? Para saan naman yung concern?"

Dagdag pa niya, "Ano ba ang naging problema, bakit... Bakit nag-aalala, kaanu-ano ko ba sila?"

Nang sabihin ni IC na ang mga taong nag-aalala sa kanya ay mga nakatrabaho niya noon, sabi ni Jiro: "Hindi, hindi ko sila nakatrabaho. Iba ang trabaho ko... hindi ako artista."

Sabi pa niya tungkol sa hindi niya pagiging artista: "Ano ko lang yung, e... nickname ko lang naman kasi yun, e."

Buwelta pa niya sa mga reporter na kaharap: "Ano ba ang gusto niyong malaman sa showbiz, tungkol sa akin?"

Nang tanungin kung bakit siya nasa airport, tugon ni Jiro: "E, wala akong mapuntahan, e! Natural, maaano ako dito. Nag-iistambay ako dito. 'Tsaka aalis ako, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang tanungin kung saan siya pupunta, sabi ng young actor: "Ay, hindi puwedeng malaman."

Halatang hindi na kumportable si Jiro sa sunud-sunod na pagtatanong sa kanya ng media, kaya naman sabi niya sa mga ito: “Tama na, tama na, okay na. Nagugulo isip ko, e, 'pag ano...

“Nagtatanong kayo… Tama na, tama na.

"Huwag niyo na akong piliting mag-ano dito, ha..."

Pero patuloy pa rin ang pagtatanong sa kanya at panay rin ang iwas ni Jiro.

Nang may magtanong kung may mensahe siya para sa kanyang pamilya, sagot ni Jiro: "Hindi, wala... baka drama lang yun para bumalik ako dun. E, gulo lang yun, away lang yun."

Nang tanungin naman tungkol sa mga gasgas at galos niya sa leeg ay umiwas muli si Jiro at nakiusap na patayin na ang mga kamerang kumukuha sa kanya.

"Tama na, tama na," sabi niya, sabay tabig sa mikroponong nakaharap sa kanya.

"Huwag niyo na akong piliting mag-ano dito, ha. Nakakahiya, may mga security, o."

Sa kabila ng pahayag niyang ito ay hindi pa rin tumigil sa pagtatanong ang media.

Tinanong si Jiro kung may mensahe sa mga taong nagmamahal pa rin sa kanya hanggang ngayon.

Sagot dito ni Jiro: "Salamat na lang, kaya kong mabuhay mag-isa."

Sa edad na 12, si Jiro ay tinaguriang “youngest best actor” ng Philippine showbiz dahil sa tatlo nitong Best Actor awards para sa pelikulang Magnifico(2004).

Twenty-three years old na ngayon si Jiro at may isa nang anak na babae.

Iginiit din ni Jiro na hindi siya artista nang may nagbanggit na isa siyang mahusay na artista.

Hindi na rin daw siya babalik sa pag-arte.

Pagkatapos nito ay hindi na niya sinagot ang mga sumunod na tanong sa kanya.

Kagabi, nagdesisyon ang NAIA security na pansamantala muna nilang kupkupin ang aktor habang hinihintay ang mga susundong kamag-anak nito.

Pero kaninang pasado alas-diyes ng umaga, July 1, ay sinundo na raw si Jiro ng kanyang nakababatang kapatid na si Anjo Santos sa airport.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


JIRO’S DEPRESSION. Napag-alamang lumayas si Jiro sa kanilang tahanan sa San Juan City noong Sabado, June 27, nang makasagutan daw nito ang kanyang foster father na si Andrew Manio.

Pero bago pa man ito, ayon sa isang kaanak ng dating child actor, lagi raw itong tulala sa kanilang bahay at hindi nila makausap nang matino.

Sabi ni Jennifer Dyan Manio Enaje sa kanyang Facebook post: “Nakakalungkot malaman na nakita daw siya sa airport na pagala-gala at tulala.

"Umalis po siya dito sa bahay namin nung Sabado ng gabi at 'di na bumalik, hanggang sa nabalitaan na lang namin dito sa FB na nasa airport po pala siya.

"Tingin po namin ay dumadaan po siya sa matinding depression dahil kahit po andito pa siya sa amin ay 'di po namin siya makausap nang maayos. Lagi po siyang tulala at galit.

"Gustuhin man po namin siyang ipagamot, kapos din naman po kami.

"Kaya taus-puso po sana kaming humihingi ng tulong para po maipagamot na namin siya at nang 'di na po lumala ang kanyang kundisyon."

Naka-tag sa post nito ang Facebook account ni Jiro na Jiro Katakura, na totoong pangalan ng aktor.

Ayon sa comment section, posibleng nag-ugat ang depresyon ni Jiro dahil sa pagtalikod sa kanya ng lola at kapatid niyang nasa Japan.


HELP FOR JIRO. Sa pamamagitan ng telepono, nanawagan naman ng tulong ang amain ni Jiro na si Andrew sa mga nakasama nito sa showbiz.

Nitong taon lang ay sumailalim na raw si Jiro sa pangalawang drug rehabilitation, ngunit hindi ito natapos dahil daw sa kakulangan ng pangtustos dito.

Unang nagpa-rehab si Jiro noong 2011 dahil din sa pagkalulong nito sa ipinagbabawal na gamot.

Read: Jiro Manio on his biggest regret in life: “Siguro yung di ko pag-amin sa mga kasalanang nagawa ko, lalo na dun sa mga taong hindi ko napagbigyan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pati na ang direktor ni Jiro sa Magnifico na si Maryo J. de los Reyes ay nanawagan din ng tulong para sa mental rehabilitation ng aktor.

Sa pamamagitan naman ng post ng isang concerned citizen, nakarating sa Philippine Queen of Comedy na si Ai-Ai delas Alas ang kalunos-lunos na sitwasyon ni Jiro.

Kaya naman pinapahanap na ngayon ni Ai-Ai si Jiro, na gumanap bilang isa sa mga anak niya sa pelikulang Ang Tanging Ina (2003).

Sabi pa ni Ai-Ai sa kanyang post: “Gusto ko po syang tulungan .. Pinapahanap ko na sya ngayun .. Comment here pag meron kayong info about him ... GOD BLESS!”

Gusto ko po syang tulungan .. Pinapahanap ko ma sya ngayun .. Comment here pag meron kayong info about him ... GOD BLESS!

A photo posted by Martina Eileen Delas Alas (@msaiaidelasalas) onJun 30, 2015 at 3:11am PDT


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN