Iglesia Ni Cristo controversy no negative impact on Felix Manalo biopic, says INC spokesman Edwil Zabala

Ka Edwil Zabala, nilinaw na hindi mandatory sa Iglesia Ni Cristo members ang panonood ng pelikulang Felix Manalo upang siguruhing maging blockbuster hit ito. “Lilinawin lang namin. Hindi ginawa ang pelikula para kumita. Hindi yun ang layunin ng INC.”


Nanindigan si Iglesia Ni Cristo (INC) spokesman Edwil Zabala na hindi makakaapekto ang kinasangkutang kontrobersiya ng INC sa pelikulang Felix Manalo, na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Bela Padilla.

Si Felix Manalo (1886-1963) ang unang executive minister ng INC at siyang nagtatag nito noong July 27, 1914.

“Naninindigan ako at naniniwala ako na hindi, walang epekto yun,” maiksing pahayag ni Ka Edwil tungkol dito.


RECENT CONTROVERSIES SURROUNDING INC. Sa grand presscon ng Felix Manalo kahapon, August 20, hindi na nagdetalye pa si Ka Edwil tungkol sa diumano'y pag-aaklas ng ilang INC members laban sa mga namamahala ng kanilang organisasyon.

Sangkot sa kontrobersiya si INC Executive Minister Eduardo Manalo, sarili nitong ina na si Cristina “Tenny” Manalo, at kapatid na si Felix Nathaniel “Angel” Manalo.

Nag-ugat ito sa kumalat na video ni Ka Angel at voice recording ni Ka Tenny na humihingi ng tulong, dahil diumano’y nanganganib ang buhay nilang mag-ina at mayroong na-abduct na INC minister.

Nailathala rin sa mga pahayagan at online news sites ang tungkol sa pagkuwestiyon ni Ka Angel sa paggamit ng P7.8-billion funds para sa itinayong Philippine Arena, na matatagpuan sa loob ng 50-hectare Ciudad De Victoria property ng INC, sa Bocaue, Bulacan.

Sa kabila nito, maayos na naisagawa ang 100th anniversary celebration ng INC sa Philippine Arena noong July 27.

Ilan sa mga artistang nagpaabot ng positibong mensahe para sa kapwa-INC members ay ang mag-asawang Gladys Reyes at Christopher Roxas.

Sabi ni Gladys, “Sa mga kapatid sa Iglesia, mas lalo tayong magpakatatag at pakahigpitan ang pagkapit sa doktrina at aral na tumimo sa ating puso, isip at kaluluwa. Mas lalo nating pagtibayin ang pundasyon ng ating pananampalataya.”

Read: Gladys Reyes appeals for sobriety amid Iglesia Ni Cristo controversy


GUARANTEED BOX-OFFICE SUCCESS? Samantala, sa presscon proper ng Felix Manalo ay tinanong si Ka Edwil kung ilan na ang total INC members sa loob at labas ng bansa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ganito lang ang babanggitin ko, mahigit limang libo na local congregations around the world,” sagot ni Ka Edwil.

Inaasahan ba ng INC na papatok sa takilya ang Felix Manalo, lalo pa’t umaabot diumano sa dalawang milyon ang kanilang miyembro sa Pilipinas?

Sagot ni Ka Edwil, “Lilinawin lang namin, hindi ginawa ang pelikula para kumita. Hindi yun ang layunin ng INC.”

Dagdag pa niya, hindi man mandatory ang panonood ng naturang pelikula ay “hindi mapipigilan” ang INC members na gustong mapanood ito.

Lalo pa’t ang pelikula ay hindi lang umano nakasentro sa talambuhay ni Felix Manalo kundi sa kasaysayan ng pananampalataya ng INC.

Samantala, kinumpirma ng Viva Films producer na si Vincent del Rosario na P150 million ang kabuuang ginasta sa paggawa ng pelikulang Felix Manalo.

Nakatakda itong ipalabas sa mga sinehan sa October 7 at magkakaroon ng premiere screening sa Philippine Arena sa October 4.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN