Jovit Baldivino clueless about Wency Cornejo's FB post about GenSan show?

Hindi awitin ni Wency Cornejo kundi ang original composition ni Renee "Alon" dela Rosa na "Pusong Bato" ang kinanta ni Jovit Baldivino sa isang show sa GenSan kamakailan. Pinabulaanan din ng isang PEP source na pinakiusapan si Jovit na huwag kantahin ang naturang awitin ni Rene bago sumalang sa show.


Usap-usapan ngayon ang paglabas ng hinaing ni Wency Cornejo laban sa diumano’y kawalan ng respeto ng kapwa-singer na si Jovit Baldivino.

Kaugnay ito ng insidente kung saan diumano’y inunahan ni Jovit na kantahin ang orihinal na awitin ng isa pang celebrity guest performer sa isang show sa General Santos City, noong Lunes ng gabi, September 7.

Base sa Facebook post ni Wency hinggil dito, hindi binanggit ng beteranong singer kung anong partikular na awitin ang ginamit ni Jovit sa kanyang song number.

Hindi rin malinaw kung siya mismo o ibang guest performer ang tinutukoy ni Wency na inagawan ng kanta ni Jovit.

Read: Wency Cornejo calls out Jovit Baldivino's "lack of respect and class"

Ngunit napag-alaman ng PEP mula sa ilang reliable sources na ang kinanta ni Jovit na OPM song ay ang “Pusong Bato.”

Special request umano ito ng kapatid ni Manny Pacquiao na si Bobby Pacquiao, kagawad sa Barangay Labangal at siya ring producer ng naturang show.

Ang awiting “Pusong Bato” ay minsan nang naging cover song ni Jovit at ginamit pang theme song para sa defunct Kapamilya teleserye na Juan dela Cruz noong 2013.

Ayon sa unang source ng PEP, nagkataong nasa show ring iyon sa GenSan ang original performer at composer ng "Pusong Bato" na si Renee "Alon" dela Rosa.

Sa katunayan, namataang sandaling nagkausap sina Renee at Jovit bago pa sumalang ang nakababatang singer sa stage.

Ngunit taliwas sa pahayag ni Wency hinggil sa diumano’y kawalan ng respeto ni Jovit sa “nakatatandang musiko,” pinabulaanan ng PEP source ang espekulasyong pinakiusapan si Jovit na huwag nang kantahin ang “Pusong Bato.”

Paglilinaw pa ng isang hiwalay na source ng PEP, “hindi nagpang-abot si Jovit at si Wency” sa show sa GenSan.

Dagdag pa nito, pagkatapos ng song number ni Jovit ay kaagad din daw umalis ang singer sa naturang event.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya’t kung anuman umano ang reklamo sa parte ng composer o ni Wency ay hindi na nakarating sa Pilipinas Got Talent Season 1 champion.

Narito ang kabuuang September 8 Facebook post ni Wency hinggil sa naturang insidente:

Ilan sa kapwa-OPM singers na nag-comment sa Facebook post ni Wency ay sina Ogie Alcasid at Thor:

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag si Jovit hinggil sa isyu.

Gayunman, nananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag ng kampo nina Wency, Jovit, at iba pang sangkot sa insidente.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN