Muli na namang ipinakita ng AlDub Nation ang kanilang lakas sa pamamagitan ng pagsira ng panibagong record sa Twitter.
Ang hashgtag para sa episode ng Eat Bulaga! ngayong Sabado, September 26, na #ALDubEBforLOVE ay umabot sa 25.6 million tweets.
Hindi lamang nito nalagpasan kundi dinoble pa ang dating record na hawak ng #ALDUBMostAwaitedDate, na umabot sa 12.1 million noon lamang nakaraang Sabado, September 19.
Sa episode ng Kalyeserye ng Eat Bulaga! nitong Sabado ay umakyat na ng ligaw si Alden Richards kay Yaya Dub a.k.a. Maine Mendoza.
Maliban dito ay ipinagdiwang din ng nangungunang noontime show sa bansa ang National Pabebe Wave Day.
Madaling-araw pa lang ng Sabado ay nasa beast mode na agad ang AlDub Nation dahil sa unang oras pa lamang ay umabot na sa 2 million ang tweets para sa #ALDubEBforLOVE.
Bago pa man magsimula ang Eat Bulaga, bandang 11 A.M., ay nasa almost 11 million tweets na ito.
At nang magtapos ang noontime show ng Kapuso network ay umakyat na ito sa 21.3 million.
Hanggang sa magsara ito ngayong araw sa 25.6 million.
Ang #ALDubEBforLOVE na ngayon ang may hawak ng record ng may pinakamaraming bilang ng tweets sa loob ng 24 oras sa Pilipinas at sa buong Asia.
Ang may hawak ng world record ay ang #WorldCup.
Nauna nang nagpasalamat sina Alden at Maine, sa pamamagitan ng kani-kanilang Twitter accounts, dahil sa panibagong record na ito para sa AlDub hashtag.
Read: Alden Richards and Maine Mendoza overwhelmed by more than 20M tweets for #ALDubEBforLOVE
THE COMPETITION. Isa sa naging malaking motivation ng AlDub Nation para sa masigasig nilang pagtu-tweet nitong Sabado ay ang malaking selebrasyon ng katapat na programa ng Eat Bulaga, ang It's Showtime ng ABS-CBN.
Biyernes pa lang ng gabi, September 25, ay naglabas na ng hashtag ang ABS-CBN para sa 6th anniversary kick-off ng It's Showtime na gaganapin sa Araneta Coliseum.
Ito ay ang #ShowtimeKapamilyaDay.
Sa nasabing special presentation ng noontime show ng Kapamilya network ay nagsanib-puwersa ang kanilang pinakasikat na loveteams at iba pang malalaking artista.
Pinagsama-sama nila sa iisang production number ang tatlo sa pinakasikat na loveteams ngayon ng ABS-CBN: ang KathNiel nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, JaDine nina James Reid at Nadine Lustre, at LizQuen nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Maliban dito ay nag-perform din ang tambalang KimXi nina Kim Chiu at Xian Lim.
Hinarana rin ni Coco Martin ang tinaguriang Pastillas Girl na si Angelica Jane Yap.
Sa kabuuan, umabot sa almost 6.4 million ang tweets para sa #ShowtimeKapamilyaDay, kahit na nagsimula ito noon pang Biyernes.
Ganunpaman, ito na ang pinakamataas na tweets na nakuha ng It's Showtime sa loob ng anim na taon.