Dennis Trillo thrilled at Felix Manalo’s two Guinness world records

Dennis Trillo on possibility of winning acting awards for his performance in Felix Manalo: "Hindi ako ang magdi-decide diyan, e. Basta ako, ginawa ko lang best ko para mapanindigan at mapangatawanan yung trabaho na ibinigay sa akin."


Masayang-masaya si Dennis Trillo na ang pelikula niyang Felix Manalo ay nakakuha ng dalawang Guinness World Records: Largest Attendance For A Film Screening at Largest Attendance For A Film Premiere.

Ito ay dahil 43,624 katao ang nanood ng world premiere ng Felix Manalo sa Philippine Arena, sa Bocaue, Bulacan, noong October 4.

Read: Felix Manalo premiere screening breaks two Guinness world records

Ipinahayag ni Dennis ang kanyang damdamin tungkol sa karangalang natanggap ng kanilang pelikula nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng premiere night.

Saad niya, "Hindi ko akalain na sobra-sobrang bonus pa ang matatanggap namin ngayong gabing ito.

“Yung biyaya pa nga lang na magkaroon ng ganito ay sobra-sobra na sa akin.

"Dinagdagan pa ng mga world record sa Guinness, sobrang saya, grabe talaga!"



EFFECT ON MOVIEGOERS. Ano sa tingin ni Dennis ang magiging epekto ng pelikula sa kapwa niya Pilipino matapos nila itong panoorin?

Tugon ng Kapuso actor, "Well, tulad nga ng sinabi ni Direk Joel [Lamangan], kailangang mapanood nila ang buong pelikula.

“Kuwento ito ng isang dakilang Pilipino.

"And maraming mapupulot na aral dito, bukod sa inspirasyon na makukuha nila, pag nakita nila kung ano ang nangyari sa buhay ng ating kapatid na si Ka Felix, kaya sana suportahan ng lahat."

Si Felix Manalo ang kauna-unahang executive minister ng Iglesia Ni Cristo at pinaniniwalaang sugo ng INC members.

Patuloy ni Dennis, “Sa career ko naman, para sa akin, ito nga ang pinakamalaking movie na nagawa ko.

"Napakapalad ko lang talaga na mapasali dito sa pelikulang ito.

“Sana magtuluy-tuloy lang.

"Wala na akong mahihiling pa dahil sagad na ito para sa akin.

"And sana, tumuloy pa ang magandang nangyayari sa career ko."

IMPACT ON CAREER. Ano sa tingin ni Dennis ang magiging pagbabago sa kanya, lalo na sa pagpili ng mga bagong papel na gagampanan, pagkatapos maipalabas ang Felix Manalo?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tataas ba ang kanyang talent fee?

Napangiti si Dennis at nagsabing, “Sa totoo lang, hindi ko alam ang mangyayari.

“Hintayin ko na lang siguro kapag naipalabas na ito sa mga sinehan.

“Gusto ko ring malaman ang magiging reaksiyon ng mga hindi pa nakakapanood.

“Pero sobrang thankful and grateful ako, at isang napakalaking karangalan na mapabilang dito sa monumental film na ito."

Dahil ilang beses pinalakpakan ang mga eksena ni Dennis, inalam namin sa kanya kung sa palagay niya ay hahakot siya ng acting awards para sa Felix Manalo sa susunod na taon.

Matagal bago sumagot ang award-winning actor.

"Hindi ko alam, e. Hindi ako ang magdi-decide diyan, e.

"Basta ako, ginawa ko lang best ko para mapanindigan at mapangatawanan yung trabaho na ibinigay sa akin.

“Kung ano man ang mangyari pagkatapos nun, bahala na ang Diyos."

Sino pang sikat na personalidad ang gustong isabuhay ni Dennis sa pelikula?

Sagot ng aktor, “Marami pa, sobrang dami pa.”

ENJOYING THE MOMENT. Inaasahan ni Dennis na magiging daan ang Felix Manalo para magkaroon pa siya ng mas maraming oportunidad bilang aktor.

“Pero sa ngayon, kuntento na muna ako dito.

"Ini-enjoy ko lang lahat—ang magagandang reviews at reaksiyon ng mga tao.

“Sobrang high lang talaga ang nararamdaman ko ngayon sa sobrang blessings na very overwhelming talaga."

Higit pa raw sa kanyang inaasahan ang mga palakpak ng audience sa premiere night.

“Naririnig ko nga ang mga reaksiyon nila at mga palakpakan.

“Natutuwa ako na nagkaisa ang mga kapatid [INC members] ngayong araw na ito para maging part ng history.

“Masaya kaming lahat dahil isang bagay nga itong ikaka-proud din ng mga Pilipino sa buong mundo.

“Katulad nila, naging emosyunal din ako. Hindi ko nga lang pinapahalata.

“Deep inside, proud na proud talaga ako."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN