Coco Martin reacts to allegations against his MMFF movie

"Sana po ginagawa natin ito para sa mga tao kasi ang pangit po na nasa maliit tayo na industriya 'tapos nag-aaway-away tayo," commented Coco Martin about the controversies that surrounded the recently-concluded Metro Manila Film Festival.


Maiksi ngunit payak ang naging reaksiyon ni Coco Martin sa mga kontrobersiyang lumabas tungkol sa katatapos pa lamang na Metro Manila Film Festival.

"Definitely, sasabihin ko na hindi po totoo 'yon," nakangiting sabi ni Coco, na bida sa pelikulang Beauty and the Bestie.

Isang alegasyon laban sa pelikula ay ang diumano'y naganap na "ticket swapping" kung saan mali raw ang nakaimprentang titulo ng pelikula sa mga tiket sa sinehan. Halimbawa, sa halip na My Bebe Love, may ilang manonood na nagsasabing naka-print sa ticket ang pelikulang Beauty and the Bestie.

Pinabulaanan na ito ng mismong MMFF.

Read: MMFF strongly denies ticket swapping issue

Kaugnay ng diumano'y anomalya, nagbiro ang lead actor ng Ang Probinsyano, "Kung anuman po 'yang sinasabi nilang anomalyang 'yan, huwag po kayong mag-alala, paiimbestigahan natin 'yan kay Cardo."

Si Cardo ang pulis na ginagampanan ni Coco sa primetime series ng ABS-CBN.

Samantala, ayon sa director nito na si Wenn Deramas, umabot na sa PhP481 million ang kinita ng pelikula sa takilya.

At hindi man naglabas ang MMFF ng opisyal na ranking ng mga top-grossing MMFF 2015 entries, idineklara na ng ABS-CBN na ang Beauty and the Bestie ang "highest-grossing Filipino film of all time."

Ano naman ang masasabi ni Coco tungkol dito?

"Hindi po ako makapagbigay ng opinyon tungkol diyan kasi, honestly, wala po akong gaanong alam kung ano po ang patakaran nila.

"Sabi ko, kung anuman po ang desisyon nila or ginagawa nila, nirerespeto ko na lang po.

"Basta po ako, bilang artista, alam ko nagawa ko po ang trabaho ko at napasaya ko ang mga tao."

Para kay Coco, naniniwala siya na kaya maraming nanood ng kanilang pelikula ay dahil tinupad nila ang kanilang ipinangako sa mga manonood.

"Mula po sa aking puso, talagang masasabi ko na maganda ang pelikula namin," sabi ng Kapamilya actor.

"Nagsabi naman po ako sa mga manonood, kahit nung nagpo-promote kami, comedy po ang pelikulang ginagawa namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sinabi naman po namin talaga na, 'Hindi kayo aalis sa sinehan nang hindi kayo nakatawa, at talagang susulitin po namin ang perang binayad ninyo.'

"'Yon po talaga ang nakita ng mga tao kaya nagustuhan talaga nila."

"NAKAKALUNGKOT." Bagamat naging matagumpay ang Beauty and the Bestie sa takilya, nalulungkot daw si Coco dahil binalot ng kontrobersiya ang 2015 Metro Manila Film Festival.

"Nakakalungkot lang kasi nagkakaroon tayo ng ganung isyu," sabi niya.

"Sana po ang nangyayari na lang po sana ay gumagawa tayo ng pelikula, lalo na kapag Metro Manila Film Festival, para mabigyan na rin ng regalo ang mga tao, upang mapasaya sila.

"Hindi po ito para makipag-compete kung sino ang number one o kung sino ang mas malakas, sino ang mas mahina.

"Sana po ginagawa natin ito para sa mga tao kasi ang pangit po na nasa maliit tayo na industriya 'tapos nag-aaway-away tayo."

Pero sa kabila ng mga kontrobersiya, hindi naman daw magsasawa si Coco na maging bahagi ng taunang film festival.

"Nakakalungkot lang kasi may mga bagay-bagay na hindi magandang nangyayari.

"Pero, sabi ko nga, ayaw ko siyang ilagay sa isip ko kasi gumagawa ako ng pelikula sa film fest para sa mga taong manonood, para mapasaya sila. Hindi para makipag-away o anumang intrigang nangyayari," pagtatapos ni Coco.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN