Cathy Garcia-Molina: "I may have my mistakes, but I am not an evil person."

Director Cathy Garcia-Molina wants to know: "Bakit diretso sa social media, Tito Boy?...Bakit pagkatapos ng pelikula ko? Bakit hindi kasagsagan ng Forevermore?"


"That incident, I remembered."

Ang sabi ng direktor na si Cathy Garcia-Molina tungkol sa ginawa niyang pagmumura sa isang ekstra sa set ng 2014 teleserye na Forevermore.

Matatandaang naging viral sa social media ang open letter ni Rossellyn Domingo kung saan inireklamo niya ang pamamahiya diumano ni Direk Cathy sa kanyang boyfriend na si Alvin Campomanes, sa taping ng nasabing palabas noong October 2014.

Read: Talents relate humiliation they suffered from director Cathy Garcia on Forevermore set

Ibinahagi ni Direk Cathy ang nangyari sa panayam nito kay Boy Abunda sa web exclusive ng ABS-CBN Entertainment sa kanilang YouTube account kahapon, January 15.

Aniya, "I was far from the set.

"Alam naman po natin ang La Presa, laging malalaki ang shots. Ako po ay naka-mikropono na malayo na sa tent, hindi ko na sila halos nakikita.

"Ano naman po 'yon, SOP na magbibigay ako ng directives, ng directions, and it was the A.D. [assistant director] na siya na ang nagpapatakbo ng set.

"Maraming rehearsals, instructions, hindi nakuha, okay.

"Hindi uli nakuha, okay. Yung sumunod, nagsalita ako.

"To be exact, ang sinabi ko, "Sino ba ang kausap mo? Ba't di ka tumingin, tingnan mo, ang kulit mo naman e pakshet ka."

At noong nagpadala ng sulat sa management ang dalawa, ang alam ni Direk Cathy ay nakipag-ayos na ang talent coordinator sa naging reklamo nina Alvin at Rossellyn.

"When this letter was sent to them, when they knew about this, pinadala po agad nila na makausap yung talent coordinator.

"Kasi, ganun naman po ang proseso, hindi naman po sila hired directly ng ABS-CBN. There's a middle person who is the talent coordinator.

"That talent coordinator, siya ang kumuha sa 'yo, therefore, kayo muna ang mag-usap.

"And then sabi nila, nagte-taping lang ako sa Baguio, anytime na maging libre ako, paghaharapin kami.

"But then, this talent coordinator, lumapit uli sa amin and sinabi sa amin, 'Nakausap ko na po sila, nakausap ko na po si Mr. Alvin at si Ms. Rossellyn, okay na po, settled na po, no need to meet.'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I AM NOT AN EVIL PERSON." Tinanong ni Boy Abunda si Direk Cathy tungkol sa nabanggit sa open letter na, "Ang kultura ay hindi permanente, ang kultura ay puwedeng mabago."

Sagot ng direktor, "Tama naman po, and I agree.

"Kaya lang, hindi yun parang isang tao ka lang na darating dito, and you will just change everything.

"You will have to be part of the system first, then slowly, maybe."

Sinabi rin sa open letter ang mga katagang "For evil to triumph is for good men to keep quiet."

Sagot ni Direk Cathy, "Nahiya naman ako doon, Tito Boy, kasi ibig sabihin noon, ako ang evil at siya yung good man.

"I may have my mistakes, but I am not an evil person."

Sa bahagi rin ng sulat ay nabanggit ang mga karakter ng mga nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere, at inihalintulad si Direk Cathy sa mga karakter nina Donya Victorina, Padre Salvi, at Padre Damaso.

Reaksiyon dito ni Direk Cathy, "I am not intelligent. I am not as intelligent as him.

"But I am not heartless. I may have committed mistakes, I have made a lot of mistakes, I have offended people time and again."

Sa puntong ito nag-umpisang maiyak ang direktor.

"Hindi ako malinis na tao, hindi ako masamang tao. Nagmumura ako, yes.

"But I don't think it's a gauge of a good person or bad.

"And not because I'm religious, I am neither religious nor pagan, but I just believe in the higher God."

Follow-up question ni Boy Abunda: nararaapat ba siyang masuspinde sa trabaho dahil sa mga nangyari.

Sagot niya, "Kung ang basehan niya ng pagsu-suspend ay ang pagmamaltrato, then I don't deserve a suspension kasi wala akong minaltrato.

"Hindi ko alam Tito Boy, ang tanging alam ko, nagmura ako.

"Yun ang tanging alam ko, hindi ko siya minaltrato.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ba niya na-appreciate na tinawag ko silang mga artista ko because that's what I believed in.

"I believe that talents or extras, if you may call them, they are also actors. Pare-pareho 'yan sa akin.

"Pero tinira naman niya ako doon sa bakit sa pagkain, hindi ko tinatawag.

"Wala akong tinatawag sa pagkain, yung lamesa namin, kasya iilan lang tao.

"Tatawagin ko pa ba sila? Kasamaan ba ng ugali ko yung hindi ko siya natawag sa pagkain? Pati ba 'yon, akin pa rin?"

Ayon din sa direktor ng mga box-office hits na One More Chance at A Very Special Love, hindi raw porke isang educator si Alvin ay maiiba ang trato nito sa iba pang bit players ng kanyang set.

At kung nalaman sana niyang baguhan si Alvin sa pag-arte, baka mas nakapagpasensiya raw siya.

"Magbabago kung malalaman kong bago siya. Magbabago ang pagtingin ko sa kanya ko kung malalaman kong bago siya kasi hahaba ang pasensiya ko sa kanya.

"Sabi niya equal iyon, ang equal doesn't matter if you're a professor, mahirap kang tao, wala kang pinag-aralan.

"Dumating ka sa set ko bilang artista, I expect you to deliver as an actor.

"Beyond that, hindi ko na aalamin kung ano ka pa. It doesn't matter.

"Pero kung bago ka o beterano ka, magma-matter iyon kasi hahaba ang pasensiya ko para sa 'yo.

"Hindi naman ako masamang tao para i-expect kitang maging perfect knowing that this is just your first stint."

"BAKIT PAGKATAPOS NG PELIKULA KO?" Hindi naitago ni Direk Cathy ang kanyang damdamin sa naging outcome ng mga pangyayari.

"Andito na po ito, nailabas na sa social media.

"Nagalit na sa akin ang tao, pinangalanan na ako ng kung ano-ano, marami nang sumawsaw

"Marami nang akala ko, nakakaintindi dahil galing sa industriya na hindi pala.

[quote id="9"]

"I never intended to hurt anyone pero with the words that I have been reading towards me and my family, parang walang intensiyon kung hindi saktan ako at husgahan ako sa isang bagay na hindi naman nila narinig ang side ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Di ba sabi niya, I demand justice. Kapag justice, may dalawang sides. Kaya nga siya tinitimbang kasi hindi puwedeng walang laman yung isa. Sana pinakinggan na lang muna ako.

"After nito kung maririnig nila, then it's for them to judge me dahil I've done my part."

Sa ngayon, palaisipan sa direktor kung bakit ngayon lang ito lumabas, kung kailan kakatapos lang ng pelikula niyang A Second Chance at hindi sa kasagsagan ng Forevermore.

"Tinatanong ko lang, nangyari ito October 2014. Ang alam ng mga staff, ng mga boss ko, tapos na yung issue.

"Siguro sa hangganan sa kanila, may naipangako. Hindi ko alam na magso-sorry ako, hindi nangyari.

"Bakit diretso sa social media, Tito Boy? Bakit January 1?

"Bakit pagkatapos ng pelikula ko? Bakit hindi kasagsagan ng Forevermore?

"Kung ano man ang dahilan niya, gusto kong malaman bakit.

"Bakit hindi niya ako hinanap, bakit hindi ako ang dinirekta niya, bakit hindi ako ang minura niya?

"Bakit hindi ako ang inaway niya, para ako lang yung nasaktan.

"Kasi siya lang ang nasaktan ko, hindi naman yung pamilya niya.

"Wala namang nakakaalam na na-offend ko siya, wala naman akong ibang na-humiliate other than him, himself.

"Not even his persona, siya lang. I mean yung character niya lang ang na-offend ko.

"Bakit ako, bitbit lahat? Bakit kailangan masira ako sa maraming tao? Yun po ang hindi ko naiintindihan.

"Kung anuman po ang dahilan niya, tama si Rossellyn, sana magkapatawaran kami."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN