Director Joel Lamangan weighs in on issue involving Cathy Garcia

Direk Joel Lamangan on Alvin Campomanes: "In the first place, dapat wala siya doon. E, bakit siya mag-e-extra, hindi naman pala siya ekstra? Siya pala'y propesor. Bakit siya pupunta doon? Hindi talaga niya mauunawaan yun."


Bilang isa sa mga beterano at aktibong direktor ngayon sa pelikula at telebisyon, mahalaga ang opinyon ni Joel Lamangan sa isyung kinasasangkutan ngayon ng kapwa niya direktor na si Cathy Garcia-Molina.

Kaugnay ito ng reklamo ng isang talent na nagngangalang Alvin Campomanes na pagmumura at pagpapahiya sa kanya ni Direk Cathy habang nasa set ng teleseryeng Forevermore ng ABS-CBN noong October 2014.

Noong December 30, 2015 ay naging viral sa social media ang open letter ng girlfriend ni Alvin na si Rossellyn Domingo tungkol sa pagmumura at panghihiya umano sa kanila ni Direk Cathy sa set ng Forevermore.

Read: Talents relate humiliation they suffered from director Cathy Garcia on Forevermore set

Nitong Biyernes, January 15, binasag ni Direk Cathy ang kanyang katahimikan at inilabas ang kanyang panig tungkol sa isyu sa pamamagitan ng panayam sa kanya ni Boy Abunda.

Read: Direk Cathy Garcia-Molina: "I am sorry to all who I offended."

Pahayag ni Direk Joel tungkol sa isyu, "Kung sasabihin ko, 'Masama bang magmura?' Totoo.

"Itinuro naman sa atin na masama ang magsabi ng masama.

"Pero titingnan mo naman sa totoong buhay, anong konteksto ito nangyayari. Hindi dapat alisin sa konteksto."

Dagdag pa ng direktor tungkol kay Campomanes, na isang educator at isang historian, "Hindi siya tagaroon, hindi niya maiintindihan.

"In the first place, dapat wala siya doon. E, bakit siya mag-e-extra, hindi naman pala siya ekstra?

"Siya pala'y propesor. Bakit siya pupunta doon?

"Hindi talaga niya mauunawaan yun.

"Hindi niya mauunawaan kung anong tensiyon ang naroon sa set."

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at isa pang online writer si Direk Joel sa press conference ng upcoming TV5 series na Bakit Manipis ang Ulap nitong Lunes, January 18.

INTRUDER. Isang "intruder" sa paningin ni Direk Joel si Campomanes dahil hindi naman talaga pag-arte ang propesyon nito.

Saad pa niya, "E, bakit ka papasok sa isang lugar na hindi ka naman dapat nandoon?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa paningin ko, siya'y isang intruder.

"Bakit ka pupunta diyan na hindi naman pala 'yan trabaho at hindi mo naman alam ang kalakaran ng industriyang iyan?

"Sapagkat hindi mo alam 'yan, e, di magiging banyaga ka sa loob niyan.

"May kakanyahang characteristic ang loob ng atmospera ng trabahong 'yan na ang nakakaintindi lamang ay yung mga tagaroon.

"Kapag merong hindi tagaroon, hindi niya maiintindihan yun at magkukuwestiyon talaga siya, sasama ang loob niya dahil hindi niya naiintindihan."

Sabi pa ni Direk Joel, kailangang magkaroon ng unawaan sa pagitan ng mga artista at ng direktor.

"Kahit sino ay walang karapatan na manlait ng sinumang nandoon sa loob ng pelikula, lalo na yung tinatawag na maliit na manggagawa.

"Subalit yung manggagawa naman, dapat naiintindihan nila kung ano ang stress na mayroon sa isang nangunguna sa produksiyon. Yung direktor kasi ang nangunguna sa produksiyon.

"Hindi na sila [dapat] mag-contribute upang madagdagan pa ang stress na yun sa pamamagitan ng pag-aaral ng dapat nilang gawin. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa instructions na ginagawa para sa kanila.

"Ibig sabihin, kapag sila'y pumasok sa ganoong propesyon, dapat hindi sila nakadadagdag sa problema. Dapat sila'y nagiging bahagi ng solusyon para walang tensiyon."

DIREK JOEL'S REVELATION. Pagbubunyag ni Direk Joel, na nagsimula bilang bilang bit player, nakatikim din siya ng mura noon kay Direk Ishmael Bernal sa shooting ng pelikulang Himala na pinagbidahan ni Nora Aunor.

Lahad niya, "Oo, binato pa nga ako ng mesa.

"Wala naman akong inisip na masama.

"Kung yun dinamdam ko, wala na ako sa pelikula.

"Dahil naiintindihan ko kung saan siya nanggagaling, naiintindihan ko ang kadahilanan ng mga pinaggagalingan niya noon.

"Kung ika'y nasa loob ng industriyang iyan, malalaman mo 'yan.

"Hindi lang 'yan, marami pa akong naranasan nung ako'y nagsisimula.

"Pero tiningnan ko ito bilang pang-unawa sa propesyong sinasabi kong gusto kong pumunta."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Depensa pa ni Direk Joel, "Kahit saan naman, mali ang magmura.

"Titingnan mo kung saan ang konteksto 'yan kinukuha.

"Kung ano ang konteksto ang nagagamit, kung bakit, at ano ang dahilan ng pagsasalita ng hindi maganda. Dapat yun inuunawaan.

"Si [Rodrigo] Duterte nga, para-parati nagmumura, hini-hail pa.

"Iba-iba kasi ang konteksto na pinanggagalingan, dapat nauunawaan yun.

"Meron naman kasing mga tao na bahagi na ng kanilang bokabularyo ang masamang pagmumura.

"Pero yun naman ay walang lalim, yun naman ay walang ibig sabihin. Merong mga ganun, e.

"Sa industriya, yun ay ginagawa lang expression.

"Dinidikta ng kasalukuyang nangyayari.

"Halimbawa, patuloy-tuloy yung palkpak sa set, e, meron kang tinatapos na kailangan mong matapos na tatlumpung sequences sa isang araw.

"Kapag pitong beses na nagkakamali, mapapamura ka na.

"Hindi naman ikaw ang minumura, ang minumura yung kapalpakan na ginagawa.

"Wala namang kasamang personal yun."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN