Leo Martinez names alleged recipient of MMFF ticket price increase

FAP director general Leo Martinez reveals his findings on the alleged ticket price increase collection of MMFF Execom during the annual festivity: "Doon sa papel na ipinakita sa akin ay sa Motion Picture Anti Film Piracy Council daw napupunta yung pera na supposed to be due sa aming beneficiaries…"

 


Hindi pa rin tapos ang usapin tungkol sa diumano’y maanomalyang pamamalakad ng pamunuan ng Metro Manila Film Festival (MMFF), partikular na sa pondong nakukuha nito mula sa annual filmfest.

Ito ay matapos ibulgar ni Film Academy of The Philippines (FAP) director general Leo Martinez na dalawa diumano ang pinagkukunang pondo ng MMFF Executive Committee.

Ito ay ang amusement tax collection sa Metro Manila at “add-on surcharges" o price increase sa movie tickets sa lahat ng probinsiya sa bansa.

Read: Rep. Dan Fernandez gives updates on Congressional hearing on MMFF

Kasabay nito ay kinuwestiyon ni Martinez kung bakit hindi bahagi ang sinasabing ticket price increase sa karampatang proceeds na ibinibigay sa beneficiaries ng MMFF.

Kabilang sa MMFF beneficiaries ang FAP, Movie Workers Welfare Foundation, Inc. (MOWELFUND), Motion Picture Anti Film Piracy Council (MPAFPC), Optical Media Board (OMB), at Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Paliwanag ni Martinez, base sa nakalap niyang datos sa isang 2006 MMFF souvenir program, “Pero ngayon po non-tax revenue na ang tawag sa price increase na ‘yan.

“Ang susunod na column, total amusement tax plus price increase.

“So, ibig po sabihin, from 1986 to 2005, dalawa po ang source ng income ng film festival.

“Isa sa Metro Manila at ang isa rest of the Philippines.

“Yung sa Metro Manila, ang napupunta sa aming mga beneficiaries ay yung amusement tax.”

Isa si Martinez sa humarap na resource persons sa ginanap na special Congressional meeting ng Metro Manila Development (MMD) committee ngayong araw, February 18.

Dinaluhan ito ng ilang kongresista; kabilang na si MMD Chairman Winston Castelo, Quezon City Representative Johnny Revilla, at Laguna First District Representative Dan Fernandez.

Ilan sa MMFF officials na dumalo ay sina MMDA Chairman and MMFF Over-all Chairman Atty. Emerson Carlos, Boots Anson-Rodrigo, Atty. Noemi Ilagan, at Edenison Fainsan.

NO SHARE FROM TICKET PRICE INCREASE. Dito ay inihayag ni Martinez na mula noong 2006 ay wala na umanong nakuhang porsiyento ang MMFF beneficiaries mula sa nakolektang add-on surcharges sa ticket prices outside Metro Manila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy na lahad nig aktor, “Nagtanong kami kay Mr. Du.

“At ang sabi sa amin ni Mr. Du, 'Actually sa producers 'yan. Binibigyan lang kayo ng producer sa kanilang kagandahang loob. Pero nung 2006, ayaw na po nilang ibigay sa inyo.'

“Ganun po ang pagkakasabi sa akin na explanation.”

Ang tinutukoy ni Martinez na Mr. Du ay si Dominic Du, miyembro ng MMFF executive committee.

Ayon pa FAP director general, taong 2010 nang sumulat siya kay noo’y MMDA Chairman Francis Tolentino upang alamin kung bakit hindi nakakatanggap ang FAP ng proceeds mula sa naturang add-on surcharges.

Ngunit hindi raw si Tolentino ang sumagot sa ipinadalang sulat ni Martinez kundi ang MMFF Finance and Budget Committee Chairman na si Edenison Fainsan.

Lahad ni Martinez, “Ang sabi ni Mr. Faisan exactly the same ng sinabi ni Mr. Du.

“Ito po yung sulat, ang sabi po ni Mr. Fainsan sa akin, ‘However, while the film industry started this downtrend in 2006 because of various factors such as film piracy, economic reasons, competition from alternative entertainment et cetera, the producers decided to stop the donations until such time that the film industry recovers from its predicament.’

“Yun ang explanation.”

ALLEGED RECIPIENT OF TICKET PRICE INCREASE? Ngunit taliwas ito sa impormasyong nakalap ni Martinez na hindi sa producer napupunta ang naturang add-on surcharges collection kundi sa Motion Picture Anti Film Piracy Council.

Base ito sa pakikipag-ugnayan ni Martinez kay Ed Tejerero, na siyang presidente ng SM Leisure and Entertainment.

“Sa isang meeting namin ni Ed, may ipinakita siya sa aking report ng kanilang tao sa probinsiya.

“Ang nakalagay sa report, siguro kayo na ho ang humingi ng [kopya] sa SM, ang nakalagay doon, ‘Indeed, there is price increase sa mga probinsiya. Meron pong price increase.’

“Sabi ko, ‘Saan napupunta ‘yan?’

“Doon sa papel na ipinakita sa akin ni Ed ay sa Motion Picture Anti Film Piracy Council daw napupunta yung pera na supposed to be due sa aming beneficiaries…

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ko po malaman kung bakit from 2006 [to present time], iba ang pinupuntahan.”

Tanong ni Congressman Revilla kay Martinez: “So, you’re saying that from 2006 to present, the price increase is going solely to the Anti Piracy? Is that correct?”

Sagot ng aktor, “Ang ipinakita sa akin is for 2015.

“Kung ganoon ang nangyayari, baka ganoon ang nangyayari from way back.”

Napag-alaman din ni Martinez, base sa report na nakalap umano ni Tejerero, na kada taon ay itinatawag sa representatives ng theater owners kung sino ang beneficiary ng naturang add-on surcharges sa ticket prices outside Metro Manila.

Si Dominic Du, maliban sa pagiging miyembro ng MMFF Executive Committee, ay siya ring presidente ng MPAFPC.

Base sa committee hearings sa Kongreso noong January 11 at 13, tinukoy ni Laguna Rep. Dan Fernandez na mayroong “conflict of interest” dahil sa ugnayan ni Dominic Du kay Atty. Joji Alonso na siyang producer ng MMFF 2015 entries na Walang Forever at Buy Now, Die Later.

Ngunit agad ding pinabulaanan ni Du ang alegasyong siya ay distributor ng pelikulang Walang Forever, na nanalong 2015 MMFF Best Picture.

Read: Congress probes alleged conflict of interest in MMFF

Kaugnay ito ng reklamo ng Reality Entertainment producer na si Dondon Monteverde at direktor na si Erik Matti hinggil sa pagkakadiskwalipika ng kanilang pelikulang Honor Thy Father sa Best Picture category ng MMFF Awards Night.

Bagamat dumalo si Du sa Congressional meetings noong January 11 at 13, hindi ito nakarating sa ikatlong pagpupulong tungkol sa alleged irregularities sa MMFF kaninang umaga.

STATUS OF FAP FUNDS. Samantala, ipinaliwanag ni Martinez na hirap ang FAP sa pagkuha ng karampatang pondo mula sa amusement tax collection ng MMFF Execom kada film festival.

Base ito sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa veteran actor, sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, noong Martes, February 16.

Para sa taong 2013, P3.6 million ang kabuuang pondo na dapat ay agad umano nilang nakuha mula sa MMFF Execom.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit ang totoo ay P2.6 million pa lang umano ang nakuhang pondo ng FAP para sa naturang taon.

At paunti-unti rin umanong inisyu ang naturang pondo—P1M noong February 2015 at “four tranches” na tig-P400,00o, at nasundan noong December 2015 ng P300,000.

Dagdag ni Martinez, “May kulang na P700,000 na hindi pa natatanggap ng FAP.”

Taliwas daw ito sa probisyon ng MMC Executive Order 86-09, kung saan nakasaad na kailangang isumite ng lahat ng theater owners ang kinaltas na amusement tax mula sa kita ng ticket prices “not later than 20 days after the last day of the film festival.”

Samakatuwid, dapat daw ay buong natatanggap ang karampatang pondo ng FAP at hindi “in tranches” na siyang ginagawang pamamalakad ng FAP.

Sabi pa ni Martinez, “Bakit hindi nila ibigay sa amin ng isang bagsakan?”

Sa ekslusibong panayam ng PEP noong January 28, ipinaliwanag ni acting MMDA Chairman at MMFF Over-all Chairman Atty. Emerson Carlos na sadyang hindi buong ibinibigay ng MMFF Execom ang pondo sa beneficiaries dahil sa operating expenses ng film festival.

Pahayag niya, “Ang next question, bakit installment? Installment because to ensure continuity.

“For example, 2015 halimbawa nakuha na natin ang P23 million [amusement tax collection in Metro Manila], hawak na natin, bawas na natin ang operating expenses, ibibigay na natin lahat sa beneficiaries.

“What’s left with you, zero. Paano pa tayo maghu-host ng launch for next year?

“Paano tayo gagawa ng activities natin for next year?

“Paano tayo gagawa ng parade? Paano tayo magkokontrata sa Kia Theater [MMFF Awards Night venue]?

“Wala tayong pambayad kasi hihintayin pa natin yung susunod.

“Kailangan may operating expenses ka.

“So, that’s the reason kaya in tranches ang bigay para may hawak na pera ang filmfest.”

Matapos ipaalam ng PEP ang posisyong ito ni Chairman Carlos kay Martinez, nabanggit ng beteranong aktor at FAP president ang tungkol sa diumano’y “price increase” sa movie tickets na nakukulekta ng pamunuan ng MMFF outside Metro Manila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, "Dalawa ang source ng funds [ng MMFF]. Metro Manila [amusement tax] and rest of the Philippines.

“Merong price increase sila sa rest of the Philippines [during the 14-day period of MMFF]…

“Sabihin mo, yun ang gastusin nila [MMFF Execom on operating expenses].”

Sa kabilang banda, base sa ginanap na Congressional meeting kaninang umaga, nabanggit ni Chairman Carlos na nakatakdang iisyu ng MMFF Execom ang tseke para sa natitirang pondong nakalaan sa FAP bago magtapos ang araw na ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN