Mr. Fu recalls last moments with close friend Francis Pasion

Mr. Fu (right) on close friend director Francis Xavier Pasion: "Ngayon ko lang naranasan na mawalan ng isang close friend at ganito pala ang pakiramdam. Magkaklase kami ni Francis sa high school pero hindi kami nawalan ng komunikasyon. Hindi kami nauubusan ng mga napag-uusapan kapag nagkikita kami. Parang talk show nga."


Ipinagluluksa ng radio DJ at comedian na si Mr. Fu ang pagpanaw ng kanyang high school classmate at matalik na kaibigan na si Francis Xavier Pasion.

Sumakabilang-buhay si Direk Francis noong Linggo, March 6, dahil sa cardiac arrest.

Read: TV and film director Francis Pasion found dead

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mr. Fu bago siya pumunta sa Arlington Memorial Chapels para sa 1:30 P.M. mass at cremation sa labi ni Direk Francis ngayong araw, March 7.

Ayon kay Mr. Fu, dalawang beses silang nagkita ni Direk Francis ilang araw bago ito pumanaw.

Lahad ng radio and TV personality, “Magkasama kami ni Francis noong Miyerkules [March 2] at Biyernes [March 4].

“Napagsarhan na nga kami ng Victorino’s noong Biyernes dahil kapag magkasama kami, parang talk show.

“Tungkol sa death ang napag-usapan namin noong Biyernes kaya nalaman ko na wala siyang memorial plan.”

Ikinuwento rin ni Mr. Fu na may nararamdaman na noon pa si Direk Francis.

“Sinabi rin niya na palagi siyang puyat at may mga chest pain siya dahil sa GERD [gastroesophageal reflux diseas].

“Biniro ko siya na pangmayaman ang sakit niya, pero sinabihan ko siya na magpa-checkup sa doktor.

“Napagkuwentuhan din namin si Maine Mendoza kaya kinabukasan [March 5], nag-text ako sa kanya nang mapanood ko sa Eat Bulaga! ang birthday celebration ni Maine, pero hindi na siya sumagot.”

THE SHOCKING NEWS. Dito na isinalaysay ni Mr. Fu kung paano niya nalaman ang pagkamatay ng kaibigan.

“Umuwi ako kahapon sa Las Piñas dahil dinalaw ko ang pamilya ko.

“Nasa sasakyan ako nang makatanggap ako ng tawag mula kay Adrian Ayalin [ABS-CBN reporter].

“Sinabi niya sa akin na huwag akong mabibigla, may natanggap sila na unconfirmed report na nakita nga na patay na si Francis.

“Tinawagan ko ang cellphone ni Francis, nag-ring, kaboses niya ang sumagot.

“Kaya sabi ko, ‘Bakla, saan ka?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sumagot yung nasa kabilang linya na ‘Si Michael po ito, kapatid ni Francis.’

“Sinabi niya sa akin ang nangyari kaya dumiretso na ako sa condo unit ni Francis sa Sct. Fernandez, mga bandang 5 P.M. na yun. Wala pa ang SOCO.

“Hindi ko nagawa na tingnan si Francis.

“Ang sabi ng imbestigador, posibleng cardiac arrest ang ikinamatay ni Francis dahil walang sign ng foul play.”

Patuloy ni Mr. Fu, “Ngayon ko lang naranasan na mawalan ng isang close friend at ganito pala ang pakiramdam.

“Magkaklase kami ni Francis sa high school pero hindi kami nawalan ng komunikasyon.

“Hindi kami nauubusan ng mga napag-uusapan kapag nagkikita kami. Parang talk show nga.”

Ngayong araw nakatakdang i-cremate ang mga labi ni Direk Francis, pero hindi raw alam ni Mr. Fu kung kailan ito ililibing.

“Gumawa siya ng last will noong 2011. Ibinigay niya sa kanyang kapatid at nagbilin na basahin lamang ang sulat kapag may nangyari sa kanya.”

Sabi pa ni Mr. Fu, “Mami-miss ko si Francis pero sana huwag niya akong dalawin dahil matatakot ako!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN