Paolo Ballesteros suspended from Eat Bulaga for six months?

Anim na araw ng hindi napapanood sa Eat Bulaga si Paolo Ballesteros, kaya lumutang tuloy ang balitang pinatawan daw talaga ito ng anim na buwang suspensiyon dahil sa kanyang ginawang Facebook rants laban sa writer ng show nitong nakaraang Huwebes, March 10.


Tila ramdam na ng maraming tagasubaybay ng Eat Bulaga! na totoo marahil ang balitang sinuspinde ng TAPE Inc. ang isa sa mga host nilang si Paolo Ballesteros.

Ang TAPE ang producer ng longest-running noontime show sa bansa.

Ngayong Huwebes, March 17, anim na araw nang hindi napapanood sa "Kalyeserye" segment si Paolo, kung saan ginagampanan niya si Lola Tidora, ang isa sa De Explorer sisters; ang dalawa pa ay sina Lola Nidora (Wally Bayola) at Lola Tinidora (Jose Manalo).

Sa kasalukuyan, dalawa ang bagong karakter na kasama sa "Kalyeserye" -- sina Caitlyn (Allan K) at Cookie (Mike 'Pekto' Nacua).

Pinaniniwalaang nag-ugat ang suspension ni Paolo dahil sa Facebook rant niya noong Huwebes, March 10, kaugnay ng hindi raw pag-asikaso sa kanya at sa mga kasama niya sa hotel na kanilang tinuluyan sa Subic para sa Ad Summit 2016.

Read: Paolo Ballesteros suspended from Eat Bulaga over Facebook rant?

SIX MONTHS SUSPENSION? Ngayong araw, may isang artikulo na isinulat ang Pilipino Star Ngayon, kung saan nakasaad na anim na buwan daw ang suspensiyong ipinataw ng TAPE, Inc. kay Paolo.

Ito ay bilang disciplinary action daw sa kanyang ginawang pagra-rant sa writer nila sa Eat Bulaga.

Ilang araw nanatili sa kanyang Facebook timeline ang posts na ito ni Paolo.

Pinagsabihan daw siya agad ng Eat Bulaga! management na tanggalin ito, pero kamakailan lamang niya ito binura.

Hindi na rin tumuloy si Paolo sa paghu-host niya sana sa dinner na sponsored ng TAPE sa Ad Summit 2016, dahil nag-inom na lang daw ito sa hotel.

May balita pang may mga pagkakataon ding kahit sa set ng "Kalyeserye" ay umiinom daw si Paolo, pero pinagtatakpan na lang daw siya ng mga staff dahil mabait naman ang TV host sa kanila.

Samantala, may nagsabi namang nagparamdam nitong mga nakaraang araw sa GMA management ang manager ni Paolo para bigyan ito ng guest appearances o raket.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaugnay ng isyung ito tungkol kay Paolo, muling hiningan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pahayag ang TAPE Inc. senior vice president na si Ms. Malou Choa-Fagar.

Ngunit inulit lang niya ang kanyang naunang pahayag na ipinadala sa amin noong Martes, March 15.

Pahayag niya: “My statement is still the same. It is an internal matter and like all other internal matters, it is our company policy not to discuss it in public.”

Humingi na rin kami ng pahayag mula sa management ni Paolo, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito sumasagot sa aming text message.

Mananatiling bukas ang PEP sa maaaring maging pahayag ni Paolo tungkol dito.

JOWAPAO. Hindi ito ang unang pagkakataon na sinuspindi o pinagbakasyon ng TAPE ang mga host nila sa Eat Bulaga.

Ang mga kasamahan ni Paolo sa Kalyeserye na sina Jose at Wally, na kumukumpleto sa JoWaPao tandem, ay minsan na ring nawala sa show.

Matatandaang noong 2009, nung kasagsagan ng kaso ni Jose at ng kanyang estranged wife dahil sa jewelry scam, ilang buwang hindi napanood sa programa ang comedian-TV host.

Ito ay dahil na rin sa kagustuhan ni Jose na ayusin ang personal niyang problema at hindi na idamay pa ang kinabibilangang noontime show.

Noong 2013 naman ay si Wally ang pansamantalang nawala sa programa dahil sa kinasangkutan niyang sex scandal.

Ngunit nakabalik siya sa Eat Bulaga! noong February 2014.

Kaya maaaring umaasa na sa mga susunod na linggo ay muling mapapanood sa noontime show si Paolo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN