Nora Aunor disappointed with children for not visiting their sick uncle

Nora Aunor expressed her disappointment with her children for not visiting their Uncle Buboy Villamayor, who has been hospitalized due to stroke last July 2015. However, she still pleaded to her children to see their uncle even for a short time.


Naiyak ang Superstar na si Nora Aunor sa press conference niya para sa Mothers’ Day episode ng Maalaala Mo Kaya kahapon, May 4.

Nagsimula ito nang aminin niyang nalulungkot siya dahil hindi pa dinadalaw ng kanyang mga anak ang nakababatang kapatid na si Eddie 'Buboy' Villamayor, na naka-confine sa FEU Hospital mula pa noong July 2015 dahil sa stroke.

Nabanggit ito ni Nora sa presscon proper nang muling mapag-usapan ang tungkol sa ginawang pagsalba ng kanyang anak na si Ian de Leon sa isang batang naaksidente noong Marso.

Katulad ng mga naging unang pahayag niya sa interviews, sinabi ni Nora na proud siya sa ginawa ng kanyang anak sa dating asawa na si Christopher de Leon.

Read: Nora Aunor calls son Ian de Leon a 'hero' for rescuing a child

Pahayag niya, “Siyempre masaya ako noong nakarating sa akin ang balitang yun.”

Subalit pagkatapos nito ay nag-umpisa nang maglabas ng hinaing ang 62-year-old actress at nagsimulang maiyak.

Pagpapatuloy niya, “Kahit na nga minsan… Ito, walang biro, ha. Hindi ko kinakalaban ang anak ko.

“May mga pangyayari lang din na bukod doon sa saya na naramdaman ko, na nakapagligtas siya ng buhay ng isang tao, sobrang kasiyahan ko yun.

“Kasi kung ako man yun ay maipagmamalaki ko sa buong mundo na anak ko 'yan.

“Nakita mo naman, kahit papaano, yun bang hindi nakikita ng tao noong araw ay nagawa niya, hindi ba?

“May mga insidente lang na gusto ko na ring ipabatid sa anak ko, na yung kanilang tito, si Uncle Buboy [nila] ay nasa ospital.”

Si Buboy ay naging artista rin noong dekada '70. Ilan sa mga pelikulang nilabasan niya ay ang Alkitrang Dugo (1975) at Minsan Ma'y Isang Gamu-gamo (1976).

Gumanap ding magkapatid sina Nora at Buboy sa Minsan Ma'y Isang Gamu-Gamo, kung saan binitawan ng Superstar ang sikat na linyang "My brother is not a pig..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NORA PLEADS. Sa presscon kahapon ay inilabas na ni Nora ang kanyang sama ng loob dahil hindi pa raw dinadalaw ng kanyang mga anak, kabilang na sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth, ang kanilang tiyuhin.

“Ang nais ko lang, dahil inalagaan sila ng uncle nila, huwag din naman sana nilang kalimutan.

“Yun lang ang gusto kong ipaabot sa kanila. Dalawin man lang sana nila o magpakita sila sa kanilang uncle lang.

“Kahit kaunting-kaunti lang na panahon o minuto lang, kasi alam ko kung papaano sila minahal noong kapatid ko na yun.

“Mula noong July last year ay nasa ospital, ni minsan ay hindi ko sila nakitang dumalaw.

“Yun lang ang pakiusap ko, kasi masaya ako na nakatulong sila sa ibang tao.

“Pero noong nalaman ko yun, masaya na bigla ako nalungkot.

“Kasi sabi ko, buti pa yung ibang tao, natulungan. Yung kapatid ko, ang hinihingi ko lang dalawin pero hindi nangyari.”

Ayon kay Nora, hinihintay pa rin niyang dalawin ng kanyang mga anak ang kanilang uncle.

“Kahit sa kaunting panahon na lang, kaunting araw ay makita sila ng kapatid, ko kasi minahal sila ng kapatid ko, e. Lahat sila.”

Bilang pagtatapos, ipinahayag ng Superstar kung gaano niya kamahal ang kanyang bunsong kapatid.

“Pagdating sa kapatid ko, ayokong biruin, kasi makikipag-away ako talaga.

“Kasi bunso kong kapatid yun at inalagaan ko yun at hiniling ko sa Diyos yung kapatid kong yun.

“At ako mismo, inaamin ko, napabayaan ko rin siya.”

Ayon kay Nora, nasa FEU Hospital si Buboy at, sa ngayon, hindi na raw nito magalaw ang kanyang buong katawan.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN