Movie producer Kate Brios airs her side on libel complaint of Roi Vinzon

Nagpaliwanag ang movie producer at aspiring actress na si Kate Brios kaugnay ng online complaint na inihain laban sa kanya ng actor-director na si Roi Vinzon. Sa parte naman niya, desidido rin daw siyang magsampa ng kasong estafa laban kay Roi.


Inamin ng movie producer at aspiring actress na si Kate Brios na natanggap na niya ang subpoena ng online libel complaint laban sa kanya ng aktor na si Roi Vinzon na isinampa nito sa Pampanga.

Sa exclusive phone interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), hindi itinanggi ni Kate na inilabas nito sa Facebook ang nararamdamang sama ng loob kay Roi at sa misis nitong si Jeany.

Sinabi ni Kate na nag-report ng abuse sa Facebook ang mag-asawa na naging dahilan para isara ng Facebook ang kanyang account.

Dahil din dito kaya naghain ng reklamong online libel si Roi laban sa kanya.

Mga kaibigan ni Kate ang mag-asawa, pero nagawa raw ng mga itong sirain ang kanyang tiwala.

Ito ay kaugnay ng pelikulang Maria Labo, na irpinodyus ni Kate at idinirek ni Roi.

Read: Roi Vinzon files online libel suit against movie producer

Saad ng movie producer/aspiring actress, “Matagal ko na silang kaibigan dahil matagal sila na tumira sa Bacolod.

“Noong 2010, kinumbinsi nila ako na mag-invest ng P2.5 million para sa pelikula na Kalinga ang title, pero hindi natapos ang project.

“Humingi sila ng additional budget pero hindi na nagbigay ang ex-husband ko.

“Hindi ko na alam ang nangyari sa pelikula.”

Patuloy na kuwento ni Kate, “Noong May 2015, dinalaw nila ako sa Cardinal Santos Medical Center at kinumbinsi nila ako na mag-produce ng pelikula, ito nga yung Maria Labo.

“Sabi ko, ayoko na, hindi ko linya.

“Pero naengganyo pa rin ako dahil makulit ang asawa ni Roi, malaki raw ang kita.

“Saka nag-separate na kami ng asawa ko, naghanap ako ng raket.

“Nakumbinsi ako dahil nagtiwala ako sa kanila.

“Sabi rin ng isang kaibigan ko, i-try ko rin daw.”

TRUSTING ROI. Pagkatapos nito ay inilahad ni Kate ang mga nalaman niya kaugnay ng pelikulang ginagawa nila.

“Hindi ko pa alam ang talent fee ni Roi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Bale siya na ang nag-asikaso ng lahat, ibinigay ko sa kanya ang P2.5 million.

“Nag-trust ako sa kanila. Ibinigay ko ang 99.9 percent trust ko dahil sabi nila, makikita naman sa inventory ang lahat ng mga ginastos.

“Tapos, may ginawa kami na music video, si Roi ang direktor.

“Hiningan niya ako ng P200,000. Doon na ako nagduda dahil ang mahal ng siningil nila.

“Nung hiningi ko ang inventory [accounting] para sa Maria Labo, hindi agad nila maibigay.

“Pero nung ibinigay nila sa akin, more than P3 million ang nakalagay.

“So, ako pa ang lumalabas na may utang sa kanila.

“Na-shocked ako. Siyempre negosyante rin ako kaya nagtanong at nag-imbestiga ako.

“Nalaman ko na bumili sila sa Quiapo ng second-hand camera na galing sa P2.5 million na ibinigay ko, tapos every shooting, pinarentahan sa akin ng P25,000 yung camera.

“Para akong iginisa sa sariling mantika.”

TALENT FEE. Nadiskubre rin daw ni Kate na binabawasan diumano ni Roi at ng asawa nito ang talent fee ng mga artista na kasama sa pelikula.

“Sinabi nila sa akin na P75,000 per day ang talent fee ni Jestoni Alarcon. Tapos nalaman ko na P50,000 per day lang ang ibinayad nila.

“Nakausap ko rin si Mon Confiado, P35,000 per day ang sinabi nila sa akin na talent fee ni Mon. Pero P15,000 per day ang ibinayad sa kanya.

“Pati yung child actor na si Miggs Cuaderno, kawawa naman, P10,000 per day ang alam ko na talent fee niya. Pero P5,000 lang ang ibinayad sa kanya.

“Nang tanungin ko si Jeany, yung asawa ni Roi, sinabi niya na talent agency din sila kaya normal daw na kumuha sila ng komisyon.”

Ayon pa kay Kate, “Nakipag-usap na ako noon sa lawyer ko na si Atty. Salvador Panelo para sa kaso na isasampa namin kay Roi.

“Pero nagkasundo kami na after na lang ng eleksyon dahil naging busy siya sa kampanya ni Mayor [Rodrigo] Duterte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Instead na ako ang magsampa ng kaso, ako ang idinemanda.

“May mga record at ebidensiya ako na hawak kaya sasampahan ko siya ng estafa, baka sa Bacolod dahil may iba pang nagrereklamo sa kanila doon.”

Ikinalungkot daw ni Kate ang nangyari dahil itinuring niyang mga kaibigan si Roi at ang pamilya nito.

Pinabulaanan din ni Kate ang pahayag ni Roi na project nito ang Teniente Gimo, ang horror movie na pinagbibidahan niya na ipalalabas sa mga sinehan sa June 1.

Ang nasabing pelikula ay iniendorso rin ng kanyang kaibigan, ang incoming Philippine President na si Rodrigo Duterte, na sinuportahan din ang premiere night ng Maria Labo noong November 2015.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN