Umaasa si Precy Ejercito na mapagbigyan na ng korte ang bail request ng asawang si dating Senator Jinggoy Estrada.
Kasalukuyan pa ring nakapiit sa Camp Crame sa Quezon City si Jinggoy, kasama ang kaibigan at dati ring senador na si Bong Revilla Jr., dahil sa plunder case kaugnay ng PDAF scam o mas kilala sa tawag na pork barrel scam.
Pahayag ni Precy, “Okay naman siya, pero siyempre hindi natin maiaalis yung depression niya dahil almost two and a half years na sila sa Camp Crame.
“Hanggang ngayon, e, wala pa namang napapatunayan, at hindi namin alam bakit hindi ma-grant yung bail niya.
“So, sana, we’re all hoping and praying, lahat na yata ng santo pinagdadasalan namin, na sana one day, sana this year makapag-bail na rin siya.
“Kasi puwede namang maging ongoing yung case niya na malaya sana siya, wala pa naman kasing napapatunayan.”
Hinagpis pa ni Precy, maraming panahon ang nasasayang sa kanilang buhay dahil sa pagka-detain ng asawa.
Saad niya, “Masyado nang maraming nawala sa buhay namin.
“Sa kanya bilang senador, hindi niya natapos yung term niya na sana nagpapaalam nga siya.
“Para at least dun sa last few days niya maayos niya mga gamit niya, makapagpaalam siya sa taong bayan.
“Kaya lang hindi siya nabigyan ng opportunity to do that.
“Siguro marami ring lessons na ibinibigay sa amin, na siguro sinasabi na maraming na-realize kami nung nangyari yun.
“Pero sabi nga namin, hindi kami puwedeng magalit at panghinaan ng loob sa mga sitwasyon namin.
“kailangan solid kami as a family. We have to support each other.”
Nagpapatibay raw sa kanila ang pananalig sa Diyos at pagmamahalan sa isa’t isa.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Precy sa oathtaking ng mga bagong board of directors ng MARE Foundation. Ipinasa na ni dating Senator Loi Ejercito sa anak na si Jackie Ejercito ang pagiging chairperson ng foundation.
Si Precy naman ang nahirang na vice-chairperson.

Dumating sa pagtitipon ang dating pangulo at ngayo’y alkalde ng Maynila na si Joseph 'Erap' Estrada upang saksihan ang turnover.

MESSAGE TO DE LIMA. Nitong nakaraang araw, ibinulgar ni Jinggoy ang diumano’y mga ari-arian ng mga lalaking may espesyal na relasyon diumano kay Senator Leila de Lima.
Read: Jinggoy Estrada reveals more about Sen. Leila de Lima's alleged affair with MMDA escort
Si Sen. De Lima ang namuno noon, bilang Department of Justice secretary, sa imbestigasyon sa PDAF scam kung saan isa nga si Jinggoy sa nasampahan ng kaso.
Sa tingin ba ni Precy ay vindicated sila sa pangyayari ngayong si Senator De Lima naman ang nasa gitna ng kontrobersiya?
Sagot niya, “Yes, in some [ways], pero ayoko na ring mag-comment.
“Alam ko kasi na kapag nasa ganung sitwasyon kayo, kung gaano kasakit at kahirap, dahil pinagdaanan naming lahat yun, e.
“So, ayoko namang sabihin na, ‘Buti nga sa kanya, or karma niya ‘yan.’
“Bahala na kasi Diyos ang nakakaalam ng lahat, e.
“So, sana lang lakasan niya yung loob niya dahil ganun ang ginawa namin noong napunta kami sa ganyang sitwasyon, napakahirap.
“Napakahirap na pati mga anak ko nadadamay na wala namang kinalaman.”
