Tinawanan lamang ni Yassi Pressman ang pagkaka-link ng kanyang nakababatang kapatid na si Issa Pressman kay Gab valenciano.
Isa si Issa sa apat na babaeng inuugnay kay Gab na dahilan diumano ng hiwalayan nila ng asawang si Tricia Centenera.
Read: Gab Valenciano and Tricia Centenera split after one year of marriage?
Sabi ni Yassi tungkol sa isyu, “Ay, naku, naloka lang po ako! Pero wala pong katotohanan.
“Kami po ni Gab ang magkaibigan at isang beses lang po sila nagkakilala at wala na pong iba.”
Nagkausap ba sila ni Issa? Ano ang naging reaksiyon nito sa isyu?
Ayon kay Yassi, “Nagulat din siyempre, lalo na ako nga po ang may kaibigan kay Gab, e, tsaka kay Kiana [Valenciano, Gab's sister], kaibigan ko rin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang reporters si Yassi sa grand presscon ng first anniversary ng FPJ’s Ang Probinsyano kagabi, September 29, sa 14th floor ng ELJ building ng ABS-CBN, sa Quezon City.
BIGGEST TV PROJECT SO FAR. May ilang taon na rin sa industriya si Yassi.
Nagsimula siya sa GMA-7, nagkaroon ng projects sa TV5, at ngayon naman ay kasalukuyang leading lady ni Coco Martin sa FPJ’s Ang Probinsyano ng ABS-CBN.
Kuwento ng 21-year-old Viva star, “Naku, sobrang saya po at sobrang blessed, at ibang klase po ang show na ‘to.
“Katulad po ng sinabi ko kanina, napakarami pong mga beteranong aktor at ang dami pa pong mga artista, pero sa akin po naibigay ang isang pagkakataon na maging parte po kaya sobrang thankful po ako.”
Hindi naman daw maiwasang maikumpara siya sa mga dating leading ladies ni Coco sa show na sina Maja Salvador at Bela Padilla, pero iba-iba naman daw ang kanilang mga karakter.
Ayon kay Yassi, “Feeling ko po, hindi rin naman maiiwasan yung pagku-compare or pagsasabi ng mga [description] sa ibang mga nakatambal ni Coco.
“Pero so far, sobrang saya rin po ng pagtanggap nila [viewers] po sa Twitter, sa Instagram, sa mga pinu-post nila, kaya natutuwa po ako na tinatanggap din po nila.”
