Dictator Ferdinand Edralin Marcos buried at Libingan ng mga Bayani

Ten days after the Supreme Court released its decision to allow former President Ferdinand Marcos be buried at the Libingan ng mga Bayani, his family has decided to bury his remains in a private funeral today, November 18.


Nailibing na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos sa Libingan ng mga Bayani kaninang tanghali, November 18.

Bagamat pinayagan na ito ng Supreme Court noong November 8, naging sorpresa pa rin para sa karamihan ang paglibing dahil hindi isinapubliko ng pamilya Marcos ang kanilang desisyong gawin ang libing ngayong araw.

Ayon sa panayam ng ABS-CBN News kay NCR Police Office Chief Oscar Albayalde, nalaman ng kanilang tanggapan ang tungkol dito kahapon lamang, November 17.

Aniya pa, nagsimula na silang maghanda para sa libing nang ilabas ng Supreme Court ang desisyon sampung araw na ang nakalilipas.

Gayunman, hindi raw siya sigurado kung alam ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magaganap na paglilibing kay Marcos ngayong araw.

Matatandaang sa nakaraang panayam kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos, panganay na anak ng diktador, sinabi niyang isang simpleng pagpapalibing lamang ang nais ng kanilang pamilya para sa yumaong ama.

Aniya, hindi rin siya umaasang mabibigyan ng state funeral ang kanyang ama, na naging pangulo ng Pilipinas sa loob ng 20 taon.

Napatalsik si Ferdinand Marcos sa Malacañang noong 1986 ng makasaysayang People Power Revolution.

Namatay siya noong September 28, 1989 habang nasa exile sa Hawaii.

Read: Imee Marcos: No state funeral for former President Ferdinand Marcos

Ayon kay Albayalde, gagawaran lamang ang dating pangulo ng simpleng military honors pagdating sa Libingan ng mga Bayani.

Gayundin, wala umanong inaasahang ibang bisita ang pamilya Marcos.

Ngunit sa video na inilabas ni Imee sa kanyang Facebook account, makikitang marami-rami rin ang dumalo.

Natapos ang libing halos isang oras lamang matapos dumating sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ni Marcos mula sa Laoag, Ilocos Norte, ayon kay Albayalde.

DUTERTE KNOWS? Samantala, tila walang alam si Philippine National Police Chief Ronaldo 'Bato' dela Rosa sa paglilibing kay dating Pangulong Marcos ngayong araw.

Sa panayam sa kanya ng ilang reporters, sabi niya: “Naisahan kayo, 'no? Naisahan din ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Subalit ayon sa isang ulat ng GMA News, sinabi ni Dela Rosa sa ilang reporters na alam ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tungkol dito.

“Alam niya. Alam niya iyan. Hindi naman siya maba-blind.

“Wala naman tayong special attention dito.

“Wala [namang special instructions]. Maniguro lang tayo na peaceful iyong paglibing. Walang gulo na mangyari.”

Mariin naman itong itinanggi ni Presidential Communications Assistant Secretary Marie Banaag sa isang press briefing sa Malacañang.

“We don't have any knowledge of the burial. The schedule and everything, we don't have. Perhaps, the PNP, yes,” aniya.

Kasalukuyang nasa Lima, Peru, si Pangulong Duterte para sa APEC Summit.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN