Baron Geisler partly blames director Arlyn dela Cruz for latest controversy

IMAGE Mark Atienza

Pinaratangan ni Baron Geisler ang direktor na si Arlyn dela Cruz sa pagiging iresponsable nito diumano sa set ng kanilang indie film na Bubog. Aniya, "Hindi puwede lahat isisi ito sa akin. Pinainit mo masyado ang sitwasyon, ginamit mo ang pangyayari para mapag-usapan ito."


Binuweltahan ni Baron Geisler ang direktor na si Arlyn dela Cruz kaugnay ng panibagong kontrobersiya na kinasasangkutan niya.

Si Arlyn ang direktor ng ginagawa pa lamang na indie film na Bubog, kung saan kasama ni Baron sa cast si Ping Medina.

Sa isang eksenang kinunan nila noong Linggo, November 27, sa Subic, Zambales, inihian ni Baron si Ping kahit hindi naman iyon nakasulat sa script.

Dahil sa insidente ay tinanggal na sa cast si Baron.

Read: Baron Geisler earns ire of Ping Medina over unscripted urination scene

Kaugnay ng nasabing insidente, isang mahabang post ang ibinahagi ni Baron sa kanyang Facebook account bandang alas-7 ng gabi nitong Miyerkules, November 30.

Pinamagatan niya itong “HULING MENSAHE PARA SA LAHAT.”

Dito ay ipinaliwanag niya ang kanyang panig at binanatan din niya si Direk Arlyn.

Ayon sa aktor, may mga nagsabi na sa kanyang "magulo katrabaho" si Direk Arlyn.

"Bukod sa on the spot na papalitan ang character mo, may mga insidente na pabago-bago ang mga nasa script," sabi ni Baron.

Ngunit tinanggap pa rin daw ng aktor ang proyekto dahil interesado siya sa role na ibinigay sa kanya.

Kuwento ni Baron, "Makalipas ang ilang linggo, nag-text sa 'kin ang isa sa mga produksyon upang ialok sa akin ang panibagong role.

“Napaisip ako dahil napag-aralan ko na ang script ng unang character na ibinigay nila sa akin.

"Sumagot ako, ‘Sige po, kung ano ang sa tingin ko Direk na babagay sa akin.’

“Makalipas ang ilang araw, nag-text na naman sila sa aking upang ipaalam na papalitan ulit ang character ko."

Patuloy niya, “Bilang isang artista, may karapatan ako na makaramdam ng inis sa papalit-palit na role.

"Dumating sa punto na nag-text ako na ayaw ko na sana tanggapin kung ganito sila kagulo kausap.

“Nag-text si Direk, gusto daw niya ako sa pelikula niya, pero hindi daw niya ako pipilitin kung ayaw ko na."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ng palitan ng text messages ay nagkita raw sila upang personal na makapag-usap.

Lahad ni Baron, "Naging maayos ang usapan.

“Mag-stick na lang daw sa character na unang ibinigay sa akin, ‘O, sige,’ sabe ko, ‘GAME!’

“Ibinigay ang schedule ng shooting.

"Pero bago ang lahat, nagkaroon din kami ng usapan ni Direk Arlyn Dela Cruz na tatawagin lang niya ako kapag kailangan na ako sa set.

“Sinabi ko rin na, ‘O, sige, kung ganyan, I will work sober.’”

Ibig sabihin ni Baron ay hindi siya iinom habang ginagawa nila ang pelikula.

BEFORE THE SHOOTING. Kasunod na ikinuwento ni Baron ang pagdating niya sa shooting location sa Subic, Zambales, noong Sabado ng gabi, November 26.

Habang nasa biyahe papuntang Subic ay nabasa raw ni Baron sa Facebook post ni Direk Arlyn na gusto nito ng palabok.

Kaya kahit nasa SCTEX na raw sila ay bumalik sila upang bilhan ang direktor ng palabok.

Pagdating niya sa Subic ay nagkausap daw sila ni Direk Arlyn.

“Maganda at masaya ang aming pag-uusap.

“Sinabi pa nga niya sa 'kin na meron daw siya on the spot na pinalitan ng character.

"At napaisip na naman ulit ako at sinabi ko na lang sa sarili ko na talagang mabuburat na ako kapag nangyari yun sa akin bukas.

"Sa pagkakaalam ko, 5 a.m. ang call time, kaya sabe ko, ‘Direk matutulog na ako kasi maaga tayo bukas.’

“Bigla naman niyang sinabi na, ‘Hindi... puwede ka pa matulog hanggang 8 a.m. kasi mga 9 a.m. ka namin kailangan.’

"Nagbago na naman ang time, ayoko naman ng magreklamo at magtanong pa ulit kasi baka kung ano pa ang mabago."

PING MEDINA. Pagkatapos nito ay inilahad naman ni Baron ang pagkikita nila ng co-star niyang si Ping Medina sa set.

“Pagkaayat ko sa taas, ilang minuto lang dumating na si Ping Medina, maganda at nakangiti ang bungad ko sa kanya kahit na medyo mukhang pagod at nakasimagot siya, ‘Oy pare! Kamusta?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“May mga dala siyang gamit at sinabi niya na teka at ipapasok lang niya sa kuwarto ang mga dala niya. Sinabihan ko siya na labas siya at kuwentuhan kami.

"Umabot ang usapan namin ng hanggang 4 a.m. ng umaga, kung iritable na pala siya sa akin sana di na niya pinatagal ang usapan ng ganung oras.

“Halos hindi na ako nakaramdam ng antok naisip ko na magpabili ng Pale [Pilsen] para makatulog ako."

Kinumpirma ni Baron ang sinabi ni Ping na humiram siya ng P200 para pambili raw ng pagkain, ngunit sa halip ay beer ang ipinabili ng una.

“Oo, humiram ako ng 200 kasi sabe ni Nia [Baron'spersonal assistant] wala kami cash at siyempre sarado na ang banko.

"Inabutan ko ng isang can si Ping, pagkainom ko ng isang can nakaramdam na ako ng antok kaya pumasok na rin ako sa kwarto.”

FOUR CANS OF BEER. Kasunod na ibinahagi ni Baron ang mga pangyayari bago niya ginawa ang kanyang planong eksena noong araw ng Linggo, November 27.

Pinaghintay raw siya nang matagal sa set bago kunan ang kanyang eksena, taliwas sa naging kasunduan nila ni Direk Arlyn.

“Linggo at araw na ng shooting. May mga kumakatok sa kwarto 7 a.m. palang.

“7:30, katok pa rin ng katok. Narinig ko na kausap nila si Nia at itinanong kung talagang kailangan ba ako ng 9 a.m., sumagot sila na, ‘Oo at kailangan na raw ako magready ng 9 a.m.’

“Sa pagkakaalam ko bumaba pa ulit si Nia para siguraduhin sa producer kung kailangan na ba talaga ako ng 9 a.m.

“Dahil sumagot sila ng oo, bandang quarter to 8, ginising na ako ni Nia. Bandang 10 a.m. ready na ako pati na rin ang buhok ko nakaayos na.

"12 nn na hindi pa rin ako nakasalang, nakakapikon kasi inisip ko na sana nakapagpahinga o nakatulog pa sana ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“2 p.m. na at hindi pa rin ako sinasalang. Tuluyan na akong naburat at hindi ko pa rin pinahalata sa kanila.

“Sa isip ko, ‘Kala ko ba tatawagin lang ako kapag kailangan na ako? Okay lang mag-antay sana, pero siyempre puyatan to sana man lang pinagpahinga pa nila ako.’"

Patuloy ni Baron, “Naisip kong uminom sa sobrang inis ko sa kanila pero pinigilan ko pa.

"Bandang 3:30 p.m. sa wakas sinalang na ako, natapos ang ilang take na may ngiti sa mukha ni Direk kahit hindi ako medyo satisfied sa acting ko.

"Ang sagot lang niya, ‘Okay na ‘yan, ok na sa kin ‘yan. Ako na bahala.’ Okay, sige, ikaw naman ang direktor.

“Sa pangalawang location, tinanong ko kung kailangan na ba ako doon kasi balak ko pa sana magpahinga dahil sobrang sakit na talaga ng ulo ko.

“Sumagot sila na kailangan na ako doon. Dumating kami sa second loc [location] ng mga bandang 5:30 p.m., medyo agaw-dilim na, maya-maya malaman ko na 9-10 p.m. pa pala ako isasalang ulit.

“’Nakakaburat na talaga,’ sabi ko. ‘E, ang ganda ng usapan namin ni direk na hahayaan niya ako magpahinga.’"

Dahil masakit na raw ang ulo niya, humingi si Baron ng dalawang lata ng beer.

Pero aniya, "Sa isang katulad ko, ang 2 cans hindi tatalab sa akin para sabihin nilang ‘lasing ako.’

"Natapos ko ang first take ko ng maayos sa second loc namin.

“Nagkatuwaan pa nga kami pagkatapos at nagkatawanan pa kami ni direk.

"Nagantay ulit ako ng mga dalawang oras at muli humingi ng 2 cans ng Pale pampa-relax/

"Alam ko may usapan kami pero di ko pinakita kay direk ang pag-inom.

"Ulit, ang apat na Pale ay hindi tatalab sa isang katulad ko para sabihin ‘Lasing ako.’”

THE URINATION SCENE. Kasunod na ibinahagi ni Baron ang eksena kung saan inihian niya ang kanyang co-actor na si Ping.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung susunod na scene, ipinaliwang na sa min ni Direk ang mga gagawin, nag-rehearse.

“Nabitin ako sa gagawin, kaya lumapit ako kay Ping upang sabihin na may gagawin ako sa kanya at sana ‘wag siya magalit.

"Ganun din ang ginawa ko kay direk. Sinabihan ko siya na may gagawin ako."

Pero hindi raw niya nasabi kay Direk Arlyn kung ano eksakto ang gagawin niya dahil nagmamadali raw ito.

"Sinabi na lang niya na, ‘Sige, gawin mo na lang ‘wag mo na sabihin sa 'kin.’

“Bilang isang direktor kailangan alamin mo pa rin upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari."

(Sa naunang panayam kay Direk Arlyn ay pinabulaanan nitong binigyan niya ng go signal si Baron na gawin ang eksenang gustong idagdag ng aktor.)

Sabi pa ni Baron, “Kilala ko si Ping Medina, isa sa mga pinakamagaling na actor ng mga independent films, alam ko na ready siya sa lahat ng mga eksena na mabibigat at kung ano pa man.

“Kaya hindi sumagi sa isip ko ang magiging reaksyon niya sa nangyari.

"Pagkatapos ng pangyayaring iyon, humingi ako ng tawad, kahit na naghamon siya hindi ako lalaban hindi dahil sa wala akong laban.

"Sinabi ko pa nga na, ‘Sige, handa akong sapakin niya sa mukha para kahit papaano mabawasan ang galit niya.’”

BLAMING DIREK ARLYN. Sa huli, kinuwestiyon ni Baron ang tila pagiging iresponsable ni Direk Arlyn dahil hindi nito nakontrol ang sitwasyon.

Ito pa raw ang unang nag-post sa Facebook ng mga nangyari sa kanilang shooting.

Saad ni Baron, “Nakakasama lang ng loob, sinabi ni direk na nagtiwala siya sa akin?

“Ako ba hindi ako nagtiwala sa ‘yo?

“Alam mo kalagayan ko. Pinagkatiwalaan kita sa mga ibang impormasyon na ibinahagi ko sa ‘yo na hindi ko inakala na kailangan mo pang isama sa mga post mo.

“Bakit naman kita gagamitin para sa pelikula ko na lalabas at sa libro ko? Wala silang kinalaman dito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sana bilang isang direktor at isang magaling na mamahayag, hindi mo ginawa ang pag-post mo.

"Sino ba ang unang kumahol? Di ba ikaw? Kasi alam mo sa sarili mo na may pagkakamali at pagkukulang ka."

Dagdag niya, “Hindi puwede lahat isisi ito sa akin. Pinainit mo masyado ang sitwasyon, ginamit mo ang pangyayari para mapag-usapan ito.

“Alam ko na kahit papaano natuwa ka. Bilang isang head o leader ng produksyon, hindi mo man lang pinalamig ang pangyayari, pinainit mo pa lalo ang lahat.

“Ngayon isinama mo pa yung kay Ms. Susan Enriquez [GMA News reporter], lumapit ako sa 'yo para humingi ng tulong na mag-sorry sa kanya.

"Dahil ang sabi mo magkaibigan kayo, dahil sa mga post mo about sa akin hindi na rin ako magtataka na kahit kaibigan mo si Ms. Susan ay kung ano ano ang sinabi mo tungkol sa kanya.

“Alam mo ‘yan. Hindi ko na kailangan pang i-post dito ang mga pinagsasabi mo tungkol sa kanya. Isa ka ngang ganap na direktor at mamahayag, dahil magaling ka gumawa ng storya at magsulat."

Si Arlyn ay naging news reporter ng ABS-CBN, TV5, DZMM, at Net25.

Naging kontrobersiyal siya dahil sa mga report niya tungkol sa Abu Sayyaf.

Dalawang indie films na ang natapos niya: Maratabat (2014) at Mandirigma (2015).

Patuloy ni Baron, “Ganun pa man, alam ko na meron din akong pagkakamali kaya humihingi ako ng tawad kay Ping, ‘Pare pasensiya na. Kung ano man ang mga sinabi mo sa media okay lang, at kung ano pa man ang sasabihin mo okay lang din.’

“Alam ko na maayos din ang lahat, aantayin ko na lang yung araw na magiging maayos din ang lahat sa atin.”

Nilakipan ni Baron ang post niyang ito ng dalawang screenshots ng palitan nila ng mensahe sa text ni Direk Arlyn.

Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig nina Arlyn dela Cruz at Ping Medina kaugnay ng mga pahayag ni Baron.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN