Katrina Halili airs side on mirror-throwing incident involving Yasmien Kurdi

IMAGE Noel Orsal

Katrina Halili (right) explains why she ended up throwing a mirror at her Sa Piling ni Nanay co-star Yasmien Kurdi (left) during one of their breaks from their recent taping episodes: "Hindi ko naman po intensiyon na batuhin siya. Kahit po ako nabigla ako na naitapon ko yung salamin."


Ilang oras matapos lumabas dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang panayam namin kay Yasmien Kurdi tungkol sa pambabato sa kanya ng salamin ni Katrina Halili sa set ng Sa Piling Ni Nanay, nakatanggap kami ng tawag mula mismo kay Katrina noong Biyernes ng gabi, December 2.

Nabasa raw ni Katrina ang naturang interview kay Yasmien.

Natatawang reaksiyon niya rito:, “Hindi po ba parang nagmukha akong balahura?”

Ngunit sinang-ayunan naman ni Katrina ang mga naging pahayag ni Yasmien.

Hindi niya itinangging totoong nangyari ang nasabing batuhan ng salamin.

Read: Here's why Katrina Halili threw a mirror at Yasmien Kurdi

KATRINA AIRS HER SIDE. Nag-ugat ang batuhan ng salamin sa pagitan ng dalawang aktres sa mga eksena nila sa GMA afternoon drama series na Sa Piling Ni Nanay.

Maraming beses daw na hindi nila naiiwasang magkasakitan nang totohanan sa mga eksenang nag-aaway sila.

Si Yasmien ay gumaganap bilang Ysabel, habang si Katrina naman ang gumaganap na kontrabidang si Scarlet.

Lahad ni Katrina, “Kahit po ako, marami rin po akong pasa at galos sa mga eksena namin ni Yas.

“Kung nasasaktan ko siya, nasasaktan din po niya ako, pero pareho naming hindi iyon sinasadya.

“Hindi lang po talaga maiwasan na nagkakasakitan kami nang totohanan.”

Sa isang eksena, matapos sampalin ni Yasmien si Katrina ay nasipa ni Katrina si Yasmien.

“Tumama po kasi yung sampal niya sa mukha ko kaya nagulat ako. Nasipa ko po siya,” sabi pa ni Katrina.

ACTING OUT OF IMPULSE. Sa tent o dressing room matapos kunan ang naturang eksena, pabirong nagsumbong si Yasmien sa executive producer ng Sa Piling Ni Nanay na si Jojo Aleta.

Patuloy ni Katrina, “Iyon po, sabi niya kay Kuya Jojo, ‘Kuya Jo, si Kat ayaw magpatalo sa sakitan, o! Tinadyakan ako!’

“Tapos, ang nangyari lang po, nung medyo nanunukso na si Yas na sinaktan ko siya, tumahimik na lang po ako, kausap pa rin niya si Kuya Jojo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“E, kilala ninyo naman po ako. Iyakin po talaga ako.

“Kahit konting bagay lang, umiiyak na ako. E, nung mga oras na yun, naiiyak na po ako.

“Tapos, napansin po ni Yas na tahimik lang ako, kaya lumapit siya, tapos sabi niya, ‘O, Kat, umiiyak ka ba? Sorry na.’

“Sabi ko naman, ‘Wala yun, okay lang yun.’

“E, alam niyo naman po si Yas, makulit minsan yun.

"So, lapit siya nang lapit, sorry siya nang sorry sa panukuso niya, tapos panay ang sabi ko na 'Wala yun, okay lang.'"

Lahad pa niya, “E, ayun, medyo makulit pa rin po si Yas, kaya naitapon ko yung salamin sa may tabi niya.

"Hindi ko naman po intensyon na batuhin siya. Kahit po ako nabigla ako na naitapon ko yung salamin.

“Tapos po, iyon, nagulat din si Yas, tapos hindi na siya kumibo.

“Dun po sa sinasabi niya na nakita niya na seryoso ang mukha ko, na parang wala nang pag-asa na magkaayos kami, hindi po iyon ang totoo.

"Akala lang po siguro niya."

Ayon kay Katrina, “Ang totoo po, nagpipigil akong umiyak, kasi naiiyak na po ako, sa totoo lang.

“Iyakin naman po kasi ako talaga, alam yun ng mga nakakilala sa akin.

“Kaya po seryoso ang mukha ko, sobrang nagpipigil po kasi ako na umiyak, kasi ayokong mamugto ang mga mata ko.

“Kasi yung susunod na eksena dapat mataray ako, matapang, kaya hindi dapat namumugto ang mata ko.

“Pero hindi po totoo yung inakala ni Yas na wala nang pag-asa na magkaayos kami.

“Bakit naman po hindi kami magkakaayos, e, magkaibigan po kami ni Yas?

“Tapos, yun, nung medyo nagtagal na, nung medyo okay na ako, na hindi na ako naiiyak, lumapit na ako sa kanya.

“Tapos nag-hug kami, nag-sorry ako sa kanya. Nag-sorry din po siya sa akin, nagkaayos na po kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kahit nga po si Mark, nakisali, pumalakpak siya nung nakita niya na nag-hug kami ni Yas.”

Kasama nina Katrina at Yasmien si Mark Herras sa Sa Piling Ni Nanay.

NO REASON FOR ANIMOSITY. Paglinaw ni Katrina, “Kahit po ako nagulat na naibato ko yung salamin, wala naman po akong galit o inggit kay Yas.

“Masaya po ang buhay niya, masaya rin naman ako sa buhay ko.

“Happy siya sa career niya, happy rin ako sa career ko.

“Kaya wala po talagang galit o inggit sa amin ni Yas.

“Magkaibigan po kami.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN